DAPAT MONG MALAMAN
- Mas marami na ang nadakip sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon kaysa sa bilang noong panahon ni Pangulong Duterte.
- Ipinanawagan ng mga progresibong grupo at ng mga student councils sa UP ang pagpapalitaw sa mga sapilitang nawala.
Isinulat ang istoryang ito ng Tanglaw reporter na si Taj Lagulao.
Dalawampu’t tatlong mga progresibo at aktibista ang nadakip sa nakalipas na sampung buwang panunungkulan ni Pangulong Marcos Jr., at kung ikukumpara ay mas mataas na ang bilang na ito sa mga naging kaso sa ilalim ng nakalipas na administrasyon.
Sa tala ng grupong Anakbayan, ito ang mga sapilitang nawala noong 2022:
- Hulyo 3: Ma. Elena Pampoza at Elgene Mungcal
- Agosto 20: Stephen Tauli
- Agosto 26: Cherilyn Rebita at Jackilyn Egtob
- Nobyembre 3: Aurily Havana at Jennifer Binungkasan
Dumami ang mga kaso sa pagpasok ng 2023:
- Enero 1: Dyan Gumanao at Armand Dayoha
- Pebrero 26: Ariel Badiang
- Marso 16: Leonardo Sermona Jr.
- Abril 14: Arthur Lucenario at Manuel Tinio
- Abril 19: Rogelio Posados, “Ka Mikmik”, Renel delos Santos, at Denald Mailen
- April 24: Mary Joyce Lizada at Arnulfo Aumentado
- Abril 28: Gene Roz “Bazoo” de Jesus at Dexter Capuyan
- Mayo 18: Patricia Cierva at Cedrick Casaño
Bagaman tuluyang lumitaw ang ilan sa mga nasa listahan, gaya ng kaso nina Gumanao, Dayoha, at Tauli, at ang iba naman ay tuluyang nakakulong parin tulad nina Mary Joyce Lizada at Arnulfo Aumentado, hindi pa rin nahahanap ang kalakhan sa mga ito at may mga kaso pa na natagpuan nang walang buhay tulad ni Lucenario.
Ayon sa mga progresibong grupo, minarkahan ng mga hakbang na gaya ng pagpapaupo sa anak ng dating pangulo at ngayo’y Pangalawang Pangulo Sara Duterte sa mga ahensiyang tulad ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang nagpapatuloy na pamamasista sa mga kritiko ng pamahalaan.
Pinahayag ng grupong Anakbayan na ang sunod-sunod na mga kasong ito ay sumasalamin sa pagtanggi ng pamahalaang pakinggan ang panawagan ng mga mamamayan. “Sukdulang panunupil at pandarahas ang sinasagot sa mamamayang nagpapahayag ng kanilang pagtutol sa mga anti-mamayang batas katulad ng Maharlika Investment Fund, Charter Change, at Enhanced Defense Cooperation Agreement [EDCA],” saad ng grupo.
Kaugnay nito, nanawagan rin ang nagkakaisang mga student councils ng UP Diliman noong Mayo 28 ang agarang pagpapalitaw sa mga biktimang nawawala pa rin. “Marapat lamang na tutulan ang lahat ng kontra-mamamayang polisiya ng gobyerno: buwagin ang NTF-ELCAC, ibasura ang Anti-Terror Law at EDCA, at itigil ang pang-aatake!”
Mga nanggaling sa UP
Kabilang sa 23 na ito ang ilang mga alumnus ng UP. Ang pinakabagong kaso ay ang lider-pesanteng si Patricia Cierva at environmentalist Cedrick Casaño, na ayon sa Karapatan Cagayan Valley ay dinakip nang buhay ng 501st Infantry Brigade sa Brgy. Cabiraoan, Cagayan noong May 18.
Si Cierva ay isang alumna ng Development Studies program sa UP Manila College of Arts and Sciences. Naging councilor din siya sa UPM University Student Council noong 2017 at nagsilbing dating kalihim ng KASAMA sa UP (KSUP), ang alyansa ng mga student councils sa UP System.
Ipinahayag ng UP Manila noong Mayo 27 ang kanilang pag-aalala sa sitwasyong ng dalawa, at nakisama sa matinding panawagan sa pagpapalitaw kina Cierva at Casaño. “We urge all government agencies to adhere to the basic tenets of democracy. We believe that our democracy, won through decades of activism and patriotism, can only be practiced to the fullest when the basic human rights of every Filipino is respected and protected, and these rights include safety, dignity and freedom of speech.”
Ibinalita naman ng Cordillera Human Rights Alliance (CHRA) noong ika-3 ng Mayo na nawawala ang dalawang human rights advocates na sina Bazoo De Jesus, 27, at Dexter Capuyan, 56. Iniulat ito ng kani-kanilang mga pamilya pagkatapos mawalan ng contact sa kanila noong 9 PM ng ika-28 ng Abril.
Parehong nagtapos sa UP Baguio ang dalawa at nagsilbing bilang mga campus journalist at lider-estudyante, Si Capuyan ay naging dating punong patnugot ng UPB Outcrop at si De Jesus ay dating tagapangulo ng alyansang Alliance of Concerned Students.
Nagpahiwatig rin ng pangamba ang pamunuan ng UP Baguio noong Mayo 24, kung saan hinimok nila ang mga ahensiya ng pamahalaan na ituloy ang paghahanap sa dalawa nitong alumni. “Their disappearance has not only caused anxiety and distress to their loved ones but also created a chilling effect to the safety and security of our community,” sabi ng UP Baguio.
Sa isang pahayag ni UP Cebu Chancellor Atty. Leo B. Malagar, iniwangis niya ang magkakasunod na pagkakadakip ng mga UP alumni sa naging sitwasyon nina Dyan Gumanao at Ramand Jake Dayoha, na dinakip noong Enero 13 ngunit pinalitaw rin tatlong araw ang makalipas. “Silencing critics doesn’t support the aims of mainstream society; it only weakens our democracy. It is our collective responsibility to ensure that the contributions of activists to society continue, and that their voices are not silenced,” sabi ng UP Cebu.
Mga nagsisilbi sa masa
Marami rin sa mga nadakip ay mga human rights workers at mga kasapi ng mga progresibong organisasyon sa kanayunan. Ilang araw naman bago dinakip sila De Jesus at Capuyan ay nadakip din sina Mary Joyce Lizada at Arnulfo “Ompong” Aumentado ng 4th Infantry Battalion (4IB) sa Oriental Mindoro.
Ang dalawang ito ay kasali sa Bond and Strength of Indigenous Peoples in Southern Tagalog (BALATIK), isang organisasyon para sa mga indigenous people (IPs). Ilang araw pagkatapos mawala ang dalawa ay tuluyan na prinesenta ng 2nd Infantry Division bilang “NPA fighters” ang dalawa habang tinatago parin sa kanilang mga pami-pamilya.
Ayon sa press release ng Karapatan Southern Tagalog (Karapatan ST) noong ika-3 ng Mayo, bumisita ang Karapatan Humanitarian Team kasama ang pamilya nina Lizada at Aumentado sa Camp Capinpin, ngunit ay hindi sila pinapapasok. Idinetalye rin nito ang pagpapatagal ng militar sa pakikipag-ugnayan sa pamilya ng dalawang human rights worker.
Noong Abril 28, hinayaan umanong maglupasay ang ina ni Mary Joyce sa labas ng kampo habang may mga nakaantabay na mga intelligence forces na nagpapatugtog nang malakas. Pinatayo naman raw sa gitna ng initan ang ama ni Mary Joyce noong Abril 30, at pinaghintay ng limang oras ang pamilya nila para makapagsagawa ng programa noong Mayo 2.
“Ilang araw nang pakuli-kuli ang pinaggagawa ng mga militar sa pamilya at hangga’t hindi umiyak at magmakaawa sa inyo ang nanay at ama, hindi pa kayo papayag na makita nila ang kanilang anak?” sabi ng Karapatan ST.
Ayon sa press release ng Philippine Information Agency (PIA) noong ika-tatlo ng Mayo, dinakip ng mga sundalo ng 4th Infantry (Scorpion) Battalion (4IB) sina Lizada at Aumentado na itinuturing kabilang ng CPP-NPA-NDF. Mayroon raw nakuhang ilang mga suberisbong kagamitan sa dalawa tulad ng mga Uzi at ng mga bomba.
Ngunit, pinabulaan ito ng Karapatan ST, at ayon sa pamilya ng dalawa ay iniimbestigahan raw ng dalawa ang mga human rights violations (HRVs) sa mga Mangyan communities. Ito raw ay kumokontra sa sinabi ng militar na lumalaban sila noong dinakip ang dalawa.
“Lizada and Aumentado were investigating a series of rights violations against Mangyan folk, following the Howitzer shelling in Brgys. Waygan and Teresita on October 18, 2022, which affected 6,000 residents; and physical assault and enforced disappearance of “Kitot”, a Mangyan-Hanunuo on September 22, 2022,” ayon kay Rev. Edwin Egar, Karapatan interim officer.



