DAPAT MONG MALAMAN

  • Nag-organisa ng “Gayla Night” ang lokal na pamahalaan ng Los Baños bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Pride Month nitong Sabado, Hunyo 19.
  • Nagkaroon din ng mga drag performances, special awards para sa mga natatanging indibidwal, at libreng HIV testing para sa mga dumalo.


Ang mga litrato ay kuha ni Dan Alexander Abas.


Isang makulay at mapagpalayang gabi ang sumalubong sa LGBTQ+ community ng Los Baños nitong Sabado, Hunyo 19, sa kauna-unahang LB Gayla Night sa munisipyo.

Bilang parte ng pakikiisa ng lokal na pamahalaan sa pagdiriwang ng Pride Month, layunin ng programa na isulong ang kampanya para sa pantay-pantay na karapatan, at parangalan ang mga bukod-tanging miyembro ng LGBTQ+ ng Los Baños na nangingibabaw sa kani-kanilang larangan. 

Inimbitahan upang magbigay ng talakayan tungkol sa Pride at LGBTQ+ Activism ang Punong Babaylan ng UPLB Babaylan na si Aldrin Bula. “Nasa mandato ng estado na protektahan ang karapatang pantao ng bawat indibidwal na miyembro ng komunidad,” pahayag ni Bula. 

“Wine-welcome natin ang mga LGU na nagdiriwang ng kani-kanilang Pride. Bawat hakbang ay malaking tulong towards equality, especially from LGUs because they have the resources. We only hope that other LGUs follow,” dagdag niya.

Pagbigay-diin ni Councilor Leren Bautista, ang nanguna sa programa na “itong event na ito hindi lang sya celebration, ito ay pagkakataon para mas makilala natin kung ano ba ‘yong SOGIE [sexual orientation, gender identity, and gender expression] Bill.”

Bukod dito, naisabatas ng Munisipyo ng Los Baños ang Ordinance No. 2018-1791 o “An Ordinance Providing for a Comprehensive Anti-Discrimination Policy on the Basis of Sexual Orientation Gender Identity and Expression (SOGIE)” noong Nobyembre 26, 2018. 

Kamalayan sa HIV, SOGIESC 

Kabilang sa mga partner ng programa ang SAIL Clinic Calamba na nagbigay ng libreng HIV testing para sa mga dumalo. Nagbahagi din sila ng libreng PrEP o pre-exposure prophylaxis, na ayon sa Case Manager SAIL Clinic Calamba na si Leo dela Cruz ay isa sa pinakabago at lubos na epektibong paraan para makaiwas sa HIV-AIDS. 

“Gustong nating ipakita sa mga kababayan natin na ‘wag kayong matakot. Meron tayong SAIL Calamba para tumulong na malaman kung positive ba kayo or negative. At least aware kayo—para maging healthy ang inyong sexual activities,” paghimok ng konsehala. 

Sa bandang huling parte ng programa, pinarangalan bilang mga bukod-tanging miyembro ng LGBTQIA+ sa Los Baños ang 16 mga indibidwal para sa kani-kanilang kontribusyon sa serbisyong pampubliko sa lokal na komunidad.

Natunghayan din ang mga pagtatanghal ng mga drag queens na binigyang kulay ang gabi. Kinilala naman ang ilan sa mga partisipanteng namukod-tangi bilang LB Gayla Best Dress King ang Queen, King and Queen of LB Gayla Night 2023, at LB Gayla Best In Awra. 

“Ito sana ang maging panimula para magsama-sama ang LGBTQ at maging active ang Los Baños,” bilin ni Gian Bernardo na pinarangalan bilang Queen of LB Gayla Night 2023.

“Magandang platform ‘to para [makamit] natin unti-unti ang equality, and maganda sya kasi narerecognize na tayo sa community,” pahayag ni Ajo na isa sa mga dumalo at SK volunteer ng Brgy. Mayondon. Aniya, “sana hindi lang dito matapos, sana mas marami pa ‘yong mga programa para sa LGBT.”  

Kasalukuyan pa ring inihahain sa Kongreso ang panukala sa SOGIESC. Noong Hunyo 15 na kasabay sa pagdiriwang ng Pride Month, binigyang-diin ng Commission on Human Rights (CHR) na umaasa silang makakita ng konkreto at seryosong hakbang sa pagsusulong ng karapatan ng mga nasa komunidad, sa pamamagitan ng mabilis na pag-usad ng equality bill.

Kaugnay ito ng pag-aproba ng House Committee on Women and Gender Equality noong Mayo sa rebisyon na ginawa sa SOGIESC Equality Bill. Magdadalawang dekada na ang makalipas mula nang unang iniharap sa Kongreso ang bill ni dating senator Miriam Defensor Santiago noong Hulyo 26, 2004.

#


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya