DAPAT MONG MALAMAN
- Pinayagan nang magmartsa ang dalawang estudyante ng Pamantasan ng Cabuyao (PnC) na nangangasiwa ng Facebook confession page na PnC Secret Files.
- Nanawagan ang Kabataan Partylist sa administrasyon ng PnC at ng LGU ng Cabuyao na paglingkuran ang karapatan ng mga estudyante.
Kinundena ng Kabataan Partylist Laguna (KPL) ang inisyal na desisyon ng administrasyon ng Pamantasan ng Cabuyao (PnC) na pagbawalang magmartsa sa graduation ceremony sa Lunes, Hunyo 26 ang dalawang estudyanteng may hawak sa isang Facebook confession page.
Ayon kay KPL Spokesperson Sam Endrel Batalon noong Hunyo 22, “malinaw na paglabag sa karapatang pantao at demokratikong karapatan ng mga estudyante ang kasalukuyang nangyayaring issue sa loob ng Pamantasan ng Cabuyao.”
Kaugnay nito, naglabas ng resolusyon kagabi, Hunyo 22, ang Board of Regents (BoR) ng PnC na pinayagang magmartsa si Jomar Aquino. Ibinaba naman sa lebel ng suspensyon ang dating “permanent dismissal” na ipinataw kay Joshwell Miko Decena, at pinayagan siyang tapusin ang semestre upang makapagmartsa din.
Subalit, giniit ni Batalon sa panibagong pahayag ng KPL ngayong Hunyo 23 na kailangan pa rin maging mapagbantay. Aniya, “may pumapasok pang mga ulat na marami pang mga estudyante ang hindi pinahihintulutang makapagtapos. Sa konsultasyon din ng KPL Laguna, may iba pang mukha ng represyon sa mga mag-aaral sa loob ng Pamantasan.”

Base sa panayam ng Tanglaw kay Decena, tinuturing umano ng administrasyon ang mga post sa PnC Secret Files bilang paninira sa pamantasan. “Ang punto nila—kahit hindi ako [nag-po-post] ng confessions is kasalanan ng isang admin, kasalanan ng lahat,” paliwanag ni Decena.
Ibinahagi rin ni Decena na pinagawa siya ng isang online public apology para sa PnC, at pinagbawalang kumuha ng mga pagsusulit sa klase kasabay ng pagkadismiss sa kaniya.
Base sa desisyong inilabas ng administrasyon ng PnC, nakitaan ng paglabag ang dalawang nangangasiwa ng page partikular na sa mga post dito na maaaring makaapekto sa reputasyon hindi lamang ng mga guro at opisyal kundi pati na rin ng buong pamantasan.
Pinabulaanan naman ito ni Aquino na nagsabing “malinaw ang mga naging resulta ng hearing na wala akong na-violate ni isa sa student handbook.”
“Tumayo na ring boses ng mga estudyante ang Secret Files dahil wala silang lakas ng loob na magsalita sa mga nangyayari sa PnC,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin din ng KPL na hindi sapat na dahilan ang pangangasiwa ng dalawang estudyante sa PnC Secret Files upang patawan ng ganoong parusa ng administrasyon. Hinamon din ni Batalon ang administrasyon ng PnC at ng LGU ng Cabuyao na paglingkuran ang karapatan ng mga estudyante.
Sinubukan namang kunin ng Tanglaw ang panig ng administrasyon ng PnC, ngunit hindi pa tumutugon ito sa kasalukuyan. ■



You must be logged in to post a comment.