DAPAT MONG MALAMAN
- Para sa mga progresibong grupo, ang akusasyon kina Ken Rementilla at Jasmin Rubia ay isang hakbang umano ng 59th IBPA upang pagtakpan ang naging pagpaslang sa siyam na anyos na bata na si Kyllene Casao at ang magsasaka na si Maximimo Digno.
- Ang isinampang reklamo kina Rementilla at Rubia ang ika-11 at 12 na paglabag umano sa Anti-Terror Law sa rehiyon.
Kinundena ng mga progresibo ang pagsampa ng “gawa-gawang” paratang laban kina Kenneth Rementilla, regional coordinator ng Anakbayan Southern Tagalog (ST), at Jasmin Yvette Rubia, secretary-general ng Mothers and Children for the Protection of Human Rights (MCPHR).
Ayon sa reklamo ni Sgt. Jean Claude Bajaro ng 59th Infantry Battalion Philippine Army (IBPA) na natanggap ng Karapatan-ST ngayong Lunes, Hunyo 26, nilabag umano nina Rementilla at Rubia ang Seksyon 12 ng kontrobersyal na Anti-Terrorism Law ng 2020.
Taliwas sa akusasyon ni Bajaro, giniit ng Karapatan-ST na hindi nagbigay ang dalawa ng “material support” sa mga miyembro ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA) noong Hulyo 22, 2022.
Ang naganap sa nabanggit na petsa ay isang fact-finding mission ng Karapatan-ST at ng MCPHR. Dito ay inimbestigahan ng mga grupo ang pagpaslang sa siyam na taong gulang na babae na si Kyllene Casao sa Taysan, Batangas. Paliwanag ng Kabataan Partylist-ST, “pinaulanan ng bala” ng ilang elemento mula sa 59th IBPA, tapos “natamaan sa ulo” si Casao ng pauwi na siya, kasama ang kanyang ama at nakakatandang kapatid.
Dagdag nila, pinatay din umano ng 59th IBPA si Maximino Digmo, isang matandang magsasaka, noong Hulyo 26, 2022 sa Calaca, Batangas. Pahayag ng militar na sila’y nagkaroon ng “armadong engkwentro” sa Batangas, ngunit ito’y pinabulaanan naman ng iilang grupo, tulad ng Tanggol Batangan.
Bukod sa pag-iimbestiga sa mga posibleng paglabag ng mga karapatang pantao, paliwanag ng Youth Movement Against Tyranny (YMAT-ST) na ang mga fact-finding mission ay magpaabot ng pakikiramay at posibleng tulong legal sa mga kaanak at kaibigan ng mga biktima “While we are still mourning the death of Kyllene and Maximino, the 59th IBPA still managed to create turmoil once again in their desperate attempt to downplay justice over being held accountable for their crimes,” dagdag ng organisasyon.
Kasama sina Rementilla at Rubia sa nabanggit na fact-finding mission (FFM). Ayon sa chairman ng Youth Advocates for Peace with Justice (YAPJUST)-UPLB na si John Peter Angelo Garcia, nasa UPLB lamang si Rementilla sa petsang nakasaad sa subpoena. Ibinahagi niya sa Twitter ang isang larawan kung saan makikita si Rementilla na kasama sa isang speakers’ training sa loob ng Student Union (SU) Building ng Unibersidad.
Nakasama lamang si Rementilla sa naturang aktibidad noong Hulyo 30, 2022, habang si Rubia naman ay noong Hulyo 22 at 28, 2022. Paliwanag ng Karapatan-ST na pareho sila’y nakaranas ng “matinding threats, harassment, at intimidation” mula sa 59th IBPA, at sila’y nagsampa ng reklamo laban sa 59th IBPA sa Commission on Human Rights (CHR) noong Agosto 1 ng nakaraang taon.
KAUGNAY NA ISTORYA
Pagtakpan sa katotohanan
Ang Anti-Terrorism Law naman mismo ay pinupuna ng mga kritiko, simula nang maipasa ito noong 2020. Dahil sa malawak na pagpapakahulugan ng “terorismo,” naalarma ang mga alyansa tulad ng Amnesty International na maaring dumami ang mga kaso ng paglabag ng mga karapatang pantao.
Paliwang ng Karapatan-ST, ang reklamo laban kina Rementilla at Rubia ay pagpapatuloy ng panggigipit sa mga tagapagtanggol ng karapatang pantao na mula pa sa nakaraang administrasyon.
Anila, sina Rementilla at Rubia na ang ika-11 at 12 na nirereklamong lumabag umano sa ilalim ng batas. Dagdag nila, isang pastor mula sa United Methodist Church sa Roxas, Oriental Mindoro na si Rev. Glofie Baluntong ang unang kinasuhan sa rehiyon. Si Rubia din ay ang paralegal ni Nimfa Lanzanas, isang human rights worker na inaresto noong Bloody Sunday Massacre noong 2020 at noong 2022.
Bilang dating miyembro ng College of Development Communication Student Council (CDC-SC) din si Rementilla, mariing kinundena ng konseho ang pangyayari. Ani Leo Verdad, CDC-SC Vice Chairperson, ang akusasyon kina Rementilla at Rubia ay “isang uri ng intimidasyon at pananakot mula sa armadong kapulisan ng gobyerno upang pagtakpan ang kanilang ginawang pagpaslang kina Kyllene at Maximino Digno.”
Bilang dating patnugot ng UPLB Perspective si Rementilla, kinundena ng College Editors Guild of the Philippines Southern Tagalog (CEGP-ST) ang reklamo. Pahayag nila: “These continued attacks from the AFP-PNP against student leaders and campus journalists in Southern Tagalog is a clear revisionist effort on the truth both forces had to play behind the unjustified killings, as well as the fascist reality Filipinos are forced to live with under the Marcos and Duterte regime.”
Kamakailan lang, hinarass ang mga volunteer sa isang humanitarian mission sa Montalban, Rizal, at nakatanggap ng red-tagging online. Kasama dito ang ilang lider-estudyante mula sa UPLB, pati na rin isang miyembro ng UPLB Perspective. Nabalitaan sa panahong iyon ang plano ng 80th IBPA na bombahin ang Sitio Lubog sa Brgy. Mascap bilang umano’y parte ng kanilang laban sa NPA. ■



