Idinetalye ng mga organisador ng Southern Tagalog
Pride Alliance ang kasalukuyang estado ng pakikibaka
para sa pagkakapantay-pantay sa rehiyon.

Kasama ng panawagan para sa pagkakapantay-pantay ay ang pakikisangkot ng komunidad sa mga isyung panlipunan.
Kuha ni Dan Alexander Abas, Tanglaw photojournalist

Iba’t iba ang kahulugang bitbit ng mga kulay, at maging ang mga kasarian ay samo’t sari rin. Ngunit mapagbubuklod ang lahat para sa isang layunin: ang pagkakaroon ng mapagpalayang bahagharing tanaw ng lahat, bahaghari bilang pag-asa, simbolo ng pagkakakilanlan, panawagan para sa pantay na karapatan, paalala ng naghihintay na bukas matapos ang unos. 

Sa selebrasyon ng Pride Month ngayong taon, iwinagayway ng mga indibidwal at alyansang gaya ng Southern Tagalog Pride Alliance ang pagdiriwang bilang protesta, pag-asa, at paghimok para sa minimithing pantay na karapatan para sa LGBTQ+ community.

Matapang na kulay ng protesta

Bawat makapatid-litid na sigaw ng mga katagang “Makibeki, ‘wag mashokot” ay protesta para sa pagkakaroon ng katarungang patuloy na ipinagkakait sa mga miyembro ng LGBTQ+ community. Umalingawngaw mula sa mga boses na ito ang tema ng Southern Tagalog Pride March na nakatuon sa mga isyu sa lupa, sahod, trabaho, mga inklusibong espasyo, at karapatan.

Inisa-isa ni Dudin Albani, tagapangulo ng Southern Tagalog Pride Alliance, ang kauna-unahang alyansa ng LGBTQ+ community sa rehiyon, ang nakapaloob na mga layunin sa temang ito. Sa aspeto ng lupa, sinabi ni Albani na kinikilala rito ang karapatan ng mga LGBT sa sektor ng mga magsasaka. Nabanggit niyang halimbawa ang pagsasara ng Central Azucarera Don Pedro Inc. sa Nasugbu, Batangas kung saan mayroong mga miyembro ng LGBTQ+, partikular na aniya ang transwomen, ang nawalan ng kabuhayan.

“S’yempre ‘yung sa sahod at trabaho, sobrang affected ng LGBTQ+ community sa workers’ sector dahil bukod sa kulang na opportunities kasi nga hindi sila nare-recognize, sinesesante sila, o nadi-discriminate sa trabaho, ay [napipilitan] silang pumasok sa mga impormal na trabaho [kung saan] walang proteksyon [at] benepisyo,” dagdag ni Albani.

Batid din ng alyansa na maraming paaralan pa rin ang hindi inklusibo pagdating sa karapatan ng mga estudyanteng miyembro ng komunidad. Marami pa ring nakararanas ng diskriminasyon, lalo na sa hindi pagpapahintulot sa kanila na magsuot ng gender-affirming uniform, kaya’t naaapakan ang kanilang demokratikong karapatan bilang mga mag-aaral. 

Dagdag pa rito ang mga natatanggap na paniniktik at red-tagging ng mga progresibo at aktibistang miyembro ng LGBTQ+ community, na lubhang kinukundena ng alyansa.

“Sinasabi [ni Vice President Sara Duterte] na it takes time pero kami, bilang LGBT na salat yung karapatan na binibigay sa amin ng estado, hindi namin kailangan na maghintay pa para bigyan kami ng batayang karapatang-pantao. Kailangan ngayon na ay protekahan na kami ng gobyerno,” ani Albani habang tinutukoy ang pahayag ni Duterte kamakailan lamang patungkol sa pagsasabatas ng Sexual Orientation, Gender Identity, Gender Expression, or Sex Characteristics (SOGIESC) Equality bill.


“Although we see na nandyan ‘yung suporta ng individuals, kailangan ng mas malakas pa tsaka ng mas matibay pang pag-promote sa karapatan ng LGBT kasi we believe that through collective struggle, kapag nagbubuklod-buklod tayo, mas maa-achieve natin ‘yung collective goal.”

Dudin Albani, tagapangulo ng Southern Tagalog Pride Alliance


Mainit na kulay ng pag-asa

Sa kabila ng mga balakid sa pagsusulong sa karapatan ng LGBTQ+ community tulad ng lumalalang krisis pang-ekonomiya at pangkabuhayan, kinilala ni Albani ang unti-unti subalit mainit na pagtanggap ng lipunan sa kanila. Aniya, bunga na rin ito ng ilang taong pakikibaka ng komunidad kasangga ang matitibay na alyansang nabuo sa paglipas ng panahon.

“Sa past two years, nakita natin na mas dumami ‘yung bilang ng mga dumalo sa mga aktibidad ng Southern Tagalog Pride. At sa kabila ng napakaraming atake [laban sa] LGBTQ+ sa bansa, nakikita [ang pagtanggap] sa dami ng mga nabubuong organisasyon. Nakikita natin ‘yung social change sa kagustuhan ng sambayanang Pilipino na isulong ang SOGIE Equality Bill,” ani Albani.

Kabilaang pagpapalaganap ng bahaghari ang naganap nitong mga nagdaang linggo bilang pagdiriwang sa buwan ng Pride. Nariyan ang Cavite Pride March, Biñan Pride Parade, Pride PH sa Quezon City, at Metro Manila Pride. Makulay na tagumpay rin ang sumalubong sa LGBTQ+ community, partikular sa Bay, Laguna, nang maipasa sa unang pagbasa ang SOGIESC ordinance dito noong ika-5 ng Hunyo.

Sa antas naman ng pamantasan, ibinahagi ni Albani na buhay na buhay pa rin ang ipinintang ligtas at inklusibong kapaligiran sa UPLB para sa mga mag-aaral. Isang maliwanag na manipestasyon nito, ayon kay Albani, ay ang mainit na pagtangkilik ng maraming estudyante sa Pride activities.

Pagdating naman sa suportang natatanggap ng mga mag-aaral na LGBTQ+, maligaya niyang ibinida ang 13 taon nang pagseserbisyo ng UPLB Babaylan, isang alyansa sa unibersidad. Aktibo rin aniyang umaaksyon ang UPLB Gender Center, katulong ang UPLB Student Council, upang matiyak ang maayos na pagsasakatuparan ng Transgender and Nonconforming Policy na naipasa sa unibersidad noong 2021.

Kalakip ng lahat ng ito, lalong kinakailangan ang masugid na pag-oorganisa ng mga alyansa upang ang mga namumutawing kulay ay hindi maikubli ng dilim ng diskriminasyon laban sa LGBTQ+ community.

“Although we see na nandyan ‘yung suporta ng individuals, kailangan ng mas malakas pa tsaka ng mas matibay pang pag-promote sa karapatan ng LGBT kasi we believe that through collective struggle, kapag nagbubuklod-buklod tayo, mas maa-achieve natin ‘yung collective goal nga for the LGBT compared kapag individual lang ‘yung mga support na binibigay natin,” ani Albani.

Kaya naman sa mga susunod pang panahon, inaasahan ni Albani na lalo pang titingkad ang progreso sa pagsusulong ng karapatan ng LGBT. Ayon sa kanya, makukulayan ang adhikaing ito sa pagkakaroon ng mas malakas na Southern Tagalog Pride Alliance, pag-imbita sa iba’t ibang organisasyon na sumali sa adbokasiya, pakikipagdiyalogo sa mga lokal na pamahalaan upang himukin silang magsakatuparan ng mga ordinansa laban sa diskriminasyon, at pakikipagdiyalogo sa mga unibersidad na mayroong mga di-makatarungang polisiya para sa mga miyembro ng LGBTQ+ community.

“Essentially, Southern Tagalog Pride is an LGBTQ+ alliance na naniniwala na intersectional ang laban ng kabaklaan,” ani Albani. 

Hindi lamang ito laban para sa pagkilala na ang kasarian, tulad ng kulay, ay hindi lamang nahahati sa dalawa. Ito ay laban para sa lupa, sapat na sahod, makatarungang trabaho, inklusibong espasyo, at pantay na karapatan para sa LGBTQ+ community — mga balakid na nag-uugat sa negatibong pagtatangi sa komunidad.

“We have to recognize that the LGBTQ+ community is not just fighting for their right to love and for marriage. We are also fighting for our economic rights,” ani Albani.

Hangad ng marami sa rehiyon na maisakatuparan na ang matagal na inaasam ng LGBTQ+ community.
Kuha ni Dan Alexander Abas, Tanglaw photojournalist

Matingkad na kulay ng katuparan ng hangarin

Ang katuparan ng hangaring inklusibong karapatan at pagtanggap para sa mga miyembro ng LGBTQ+ community ay ang magkatotoo ang hangaring pagkakapantay-pantay para sa lahat ng mamamayan.

Ayon sa isang kalahok sa ginanap na Pride March na nagpakilala bilang “Jai,” kritikal sa na mapagtanto ng bawat isa – anuman ang kanilang SOGIE – kung ano ang kaya nating ibahagi, upang magkaroon ng parehong karapatan at pribilehiyo ang lahat.

“Hindi natin maikakaila na may sex na mas binibigyang priyoridad sa opinyon at pamamalakad. Gamit ang kaalamang ito, kaya nating mapantay ang proteksyon para sa lahat at makapagbigay ng pantay na oportunidad wherein our strengths will be because of our SOGIE and not despite of [it],” ani Jai.

Kaya’t gaya ng parating ibinabandera ng komunidad, matapang na hinihimok ang bawat isa sa “pakikibeki” dahil ito ay laban nating lahat, sa pagpinta ng bahagharing natatanaw ng lahat, walang diskriminasyon, walang pagtatago, tanging pagtanggap. “Mahalagang makita natin ang kaya nating mai-ambag sa lipunan bilang Pilipino sa SOGIE na mayroon tayo at pinili natin.”

KAUGNAY NA ISTORYA

  • Sa UPLB, mataas ang suporta upang gawing batas ang SOGIE Equality Bill. Basahin rito.
  • Isinagawa ang kauna-unahang Gayla Night sa Los Banos ngayong Pride Month 2023. Basahin rito.


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya