DAPAT MONG MALAMAN

  • May benepisyo para sa mga nagnanais na makapasok sa BS Development Communication, o sa mga nais magtrabaho sa larangan ng pamamahayag.

Bubuksan na ng CDC ang programang Associate of Science in Development Communication (ASDC) sa unang semestre ng A.Y. 2023-2024.

Nakapaloob sa ASDC ang 72 units na nakatuon sa pagbibigay ng mga “specialized and practical skills” sa mga indibidwal na nagnanais pumasok bilang regular na estudyante ng BS Development Communication, o magkaroon ng terminal na degree upang makapagtrabaho.

Idinetalya ni Dr. Benjamina Paula Flor, chairperson ng ASDC ad hoc committee, ang benepisyong makukuha ng mga pumapasok sa ASDC program. “Itong associate program na ito ay skills course ito. So kumbaga after the two years course, kasi two years lang siya, pwede siya ngayong mag-higher education kung gusto niya but, ang preparasyon ng estudyante ay pwedeng magtrabaho after two years [ng ASDC program],” saad niya sa panayam ng Tanglaw.

Nilinaw ni Flor na hindi pwedeng maging ‘backdoor’ ang ASDC para sa mga aplikante na pagkatapos makumpleto ang isang taon ng programa ay maaari nang mag-shift sa ibang kurso. “Hindi po kayo pwedeng umalis ng ASDC hanggang hindi pa kayo natatapos… Kasi po ang programang ito ay espesyal,” pahayag ni Flor.

Layon na maging estudyante ng nasabing programa ang mga senior high school graduates at mga propesyonal ng midya na nakapagtapos ng sekondarya. Hindi kinakailangan kumuha ng University of the Philippines College Admission Test (UPCAT) ang mga nagnanais mag-enrol sa ASDC, ngunit may mga requirements na hinihingi ang kolehiyo. 

“Pagkatapos ng high school, pwedeng hindi ka nag-aral dahil nagtatrabaho ka na [kung kaya’t] ito na ang opportunity mo na makapasok sa UP. Libre din ito, same privilege with our regular students,” ani Flor.

Matatandaang inaprubahan ng UP Board of Regents (BOR) ang programang Associate of Science in Development Communication na inihain ng College of Development Communication noong Agosto 2022.

Nagtapos naman ang aplikasyon para sa kursong ito noong ika-15 ng Hunyo, at nagpadala na ng liham sa mga shortlisted applicants noong Lunes, ika-3 ng Hulyo. ■


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya