DAPAT MONG MALAMAN
- Sa bagong paratang ng 59th Infantry Batallion, nilabag umano nina Tanggol Batangan spokesperson Hailey Pecayo at Karapatan-ST interim officer Rev. Edwin Egar ang Anti-Terrorism Law.
- Naalarma ang mga progresino sa lumalalang estado ng human rights sa Southern Tagalog.
Dalawa pang human rights workers ang inaakusahan sa ilalim ng Anti-Terrorism Law, ilang araw matapos masampahan ng reklamo ang Anakbayan Southern Tagalog (ST) regional coordinator na si Ken Rementilla at ang Mothers and Children for the Protection of Human Rights (MCPH) secretary-general na si Jasmin Yvette Rubia.
Ayon sa papeles na nakuha ng Karapatan-ST, inakusahan ng 59th Infantry Battalion ng Philippine Army (IBPA) si Hailey Pecayo, ang spokesperson ng Tanggol Batangan, bilang kasapi ng New People’s Army (NPA) na umano’y nasangkot sa isang “engkwentro” sa Taysan, Batangas noong Hulyo 18, 2022.
Subalit, tulad nina Rementilla at Rubia, kasama lamang sa isang fact-finding mission (FFM) ng Karapatan-ST si Pecayo, upang imbestigahan ang pagpaslang kina Kyllene Casao at Maximino Digno na pinaslangumano ng 59th IBPA noong nakaraang taon.
“Tila nakakalimutan na rin ng estado ang mga probisyong nakasaad sa Internasyunal na Makataong Batas o International Humanitarian Law (IHL), kung saan isa sa mga alituntunin nito ang pagtibayin at mapangalagaan ang karapatang pantao ng populasyong sibilyan at ng mga indibiduwal na nasasakupan nito,” pahayag ng Tanggol Batangan.
Samantala, nakatanggap naman si Rev. Edwin Egar, ang interim officer ng Karapatan-ST at ‘isang beteranong tagapagtanggol ng karapatang pantao’, ng subpoena noong Hunyo 29.
Paliwanag ng Karapatan-ST, si Egar ay inaakusahan na nagbigay ng umano ng P100,000, isang sakong bigas, mga tinapay at higit kumulang bente pirasong mga de lata sa mga rebolusyonaryong armadong grupo” noong Mayo 2, 2022.
“Ang utak-pulburang 59th Infantry Battalion ang tunay na terorista, hindi sina Rubia, Rementilla, Pecayo, Rev. Egar at iba pang tunay na tagapagtanggol ng karahasan,” pahayag ng Karapatan-ST.
Dagdag pa ng organisasyon patunay lamang ito na ginagamit lamang ng estado ang batas upang patuloy nilang patahimikin ang mga indibidwal na nakikiisa upang labanan ang karapatan.
Ang tunay na terorista?
Kasama si Defend Southern Tagalog Spokesperson Charm Maranan, nagsumite ng liham sina Rementilla, Rubia, at Pacayo kay Justice Sec. Jesus Crispin “Boying” Remulla noong Hulyo 6 upang labanan ang mga akusasyon.
Sa liham, ibinahagi ng mga progresibo ang iba’t ibang human rights violation (HRV) na naganap sa rehiyon. Isa dito ang pag-aresto ng 11 na aktibista na kasama sa isang kilos-protesta laban sa Anti-Terror Law noong Hulyo 6, 2020, at sa COPLAN ASVAL massacre kung saan siyam na progresibo ang pinaslang, at anim naman ang inaresto noong Marso 7, 2021.
Nalaman lamang nina Pecayo at dalawang paralegal na may hearing na naganap noong Hunyo 28, at ang kanyang subpoena ay ipinapadala umano sa maling address. Si Egar naman ay natanggap lamang ang kanyang subpoena isang oras bago maganap ang isang hearing.
Samanatala, naakusahan man ng 59th IBPA si Pecayo bilang isang “terorista,” para sa Tanggol Batangan, ang mga militar ay “mapanamantala, sinungaling, at mamamatay-tao.”
Pahayag nila sa isang Facebook post: “litaw ang desperasyon ng 59th Infantry Battalion upang isalin ang bahid ng kanilang duguang kamay sa mga taong tulad ni Pecayo dahil sagka ang mga tulad niya sa kanilang interes sa lalawigan ng Batangas.”
Naiulat ng Tanggol Batangan na ilang beses nang hinaharass ng mga elemento ng 59th IBPA ang iba’t ibang progresibong grupo sa probinsya, kasama ang Sugarfolks Unity for Genuine Agricultural Reform Batangas (SUGAR) noong Hunyo 3 ngayong taon. Dito, ginipit umano ng mga sundalo ang dalwang coordinator ng alyansa pagkauwi mula sa isang pagpulong sa Brgy. Lucban Putol sa Balayan.
Sa parehong araw, naibalita din ng Tanggol Batangan na pinilit umano na sumama ang 14 na miymebro ng Ugnayan ng Mamamayan Laban sa Pangwawasak ng Kalikasan at Kalupaan (UMALPAS KA) sa isang “communist affiliated mass organizations (CAMO) disaffiliation.”
Ganito din ang nangyari sa mga iilang miyembro ng Maligayang Homeowners Association (MHA) noong Abril 30, na kung kailan sapilitang kinuha ng 59th IBPA ang mga ID ng mga kasama sa grupo.
“Ang serye ng mga atake ng estado sa mga volunteer at aktibistang tulad nina Rementilla, Rubia, at Pecayo ay malinaw na implikasyon ng pagpapatuloy ng kasalukuyang administrasyon sa mahabang kasaysayan na ng madugong pakikipaglaban ng mamamayan para sa tunay na hustisya, kapayapaan, at makataong kalagayan ng lipunan,” pahayag ng Tanggol Batangan ng nakaraang Hunyo 29.
Kaya lamang, nanawagan ang Defend-ST na imbestigahan ang mga reklamo. Dagdag nila, “the Department of Justice, along with the institutions that uphold the system within, must ensure its very purpose, that is, to be of service to its people.” ■



