DAPAT MONG MALAMAN

  • Ipinagdiwang sa Lambat Festival 2023 ng Brgy. San Antonio, Bay ang pamumuhay ng mga mamamayan sa Aplaya.
  • Para sa kanila, nagsilbi rin itong plataporma para sa pagsasaboses ng kanilang mga adbokasiya.

‘Di alintana ang init ng araw, matiyagang naghintay si Ruel Barrinuevo sa hudyat ng pagsisimula ng ikalawang bahagi ng patimpalak na Bangkarera sa San Antonio, bayan ng Bay. Mula pa sa Sta. Rosa ay dumayo siya upang makilahok sa kompetisyon kasabay ng taunang Lambat Festival. 

Nagwagi siya sa unang pagsalang ngunit may dalawa pang bahagi na kailangan niyang maipanalo upang makuha ang kampeonato.  “Champion ako sa amin… [Kapag nananalo] kami  dito, mga P25,000 din ang premyo,” kwento ni Kuya Ruel na limang taon nang sumasali sa ganitong mga karera. 

Buwanan kung dumating ang mga paligsahang gaya nito at pumapalo sa P20,000 hanggang P100,000 ang premyo kaya naman ito na ang kanyang naging hanapbuhay. Nitong Hunyo, hindi lang ang oportunidad na kumita sa pagbabangka ang dinayo niya sa Bay.  Higit pa kasi sa pagdiriwang sa lupang sinilangan ng mga taga-San Antonio, ang Lambat Festival ng Aplaya ay nakatuon sa pagbibigay-pugay sa mga kabuhayang handog ng kalawaan sa mga mamamayan, gaya ng pinagkakabuhayan ni Kuya Ruel.

“Makikita… naman natin na ang barangay San Antonio ay napapalibutan talaga ng lawa so ang pangunahing bumubuhay at tumutugon sa bawat pangangailangan ng mga mamamayan dito ay ang pangingisda… ‘Di lamang ugali at tradisyon ang sinasalamin [ng kapistahan], bagkus pati ang [aming] pamumuhay,” pahayag ni Eddniell Papa, isang konsehal sa San Antonio. 

Bakas sa disenyo ng lugar ang ipinagmamalaking Lambat Festival ng Brgy. San Antonio.
Kuha ni Beaula Frances Buena, Tanglaw photojournalist

Ayon sa pag-aaral ng lokal na pamahalaan ng Bay, pumapangatlo ang San Antonio sa mga barangay sa munisipalidad na may pinakamalaking produksyon ng isda, kasunod ng Santo Domingo at Masaya. Ang halos P6 milyong halaga ng industriyang ito sa barangay ay sumasalamin sa kahalagahan ng pangingisda bilang pangunahing hanapbuhay.

Kaya’t nariyan din ang kasabay na pag-usbong ng mga kaugnay na industriya, gaya ng pagbabangka at paggawa ng lambat. Dagdag ang mga ito sa  pinagkakakitaan ng mga miyembro ng mga Aplayeño, na mga oportunidad na handog ng lawa na kanila ring ipinagdiriwang. 

Para sa pagdiriwang,naghanda ang lokal na pamahalaan ng Brgy. San Antonio ng pitong araw ng mga aktibidad na dinaluhan maging ng mga mamamayan mula sa kalapit na mga bayan. Nagsimula ang kapistahan noong ika-7 ng Hunyo at binuksan ito sa pamamagitan ng Parada ng Lahing Aplayeños, isang paradang nagtatampok sa  iba’t ibang mga samahan sa barangay. Kabilang dito ang Bayenas Asosasyon ng Nagkakaisang Kababaihan, Samahan ng mga Manggagawa ng Lambat Association (SAMALA), at ilang samahan ng mga miyembro ng komunidad ng LGBTQ+. 

Nagpakita ng kaniya-kaniyang galing ang mga kalahok sa pagmamaneho ng kanilang bangka sa tinaguriang ‘Bangkarera’.
Kuha ni Beaula Frances Buena, Tanglaw photojournalist

Sentro ang mga aktibidad na kumikilala sa uri ng pamumuhay na mayroon sa tabing lawa, gaya ng cooking contest o pabilisang maglinis ng isda. Dahil nga nakatuon sa pamumuhay ang pista ngayong taon, lalo lamang naging mahalaga ang muling pagkakaroon ng Gawad Parangal Para sa mga Natatanging Mangigisda ng San Antonio. Binigyan dito ng plaka ng pagkilala at regalong pangkabuhayan ang ilang mga mangingisda sa barangay. 

Para sa mga nahandugan ng naturang parangal, importante ang pagtanggap nito sapagkat senyales ito na kinikilala ng barangay ang pasisikap ng mga ordinaryo nitong mamamayan, katulad na lang ni Tatay Mauna kinamulatan na ang pangingisda.

Kwento niya ay kinse anyos pa lamang siya nang magsimula siyang mangisda. “Nakapagpatapos siya [sa pag-aaral] ng anak dahil sa kanyang pagsusumikap sa panghuhuli sa isda. Siyempre excited [ako sa parangal]… Mahirap din naman kasi talaga ang kanyang hanapbuhay,” ani ni Ginang Emma Tapiligan, ang kanyang asawa, na masayangpinanood na parangalan ang kasipagan ng asawa sa harap ng buong komunidad.

Sa pagtatapos ng Lambat Festival, natatangi ang kagustuhan ng mga taga-San Antonio na mapanatili ang pagbabagong nakamit na at patuloy pang inaasam. “Pagyabungin pa yung kultura at turismo na mayroon ang barangay San Antonio, lalo’t higit ay yung kabuhayan na sumasalamin hindi lamang sa mga pag-uugali at tradisyon na mayroon yung mga mamamayan, bagkus pati na rin sa sistema na mayroon tayo [rito]… Ang dream [din] natin ay magpatuloy pa ang [Lambat Festival] bilang ordinansa na rin o resolusyon [at]  makilala pa sa iba’t ibang panig ng bansa,” kuwento ni Konsehal Eddniel Patrick Papa. 

Nakangiting tinanggap ni Mauricio Tapilagan ang pagkilala bilang isa sa mga Natatanging Mangingisda ng San Antonio.
Kuha ni Beaula Frances Buena, Tanglaw photojournalist

Higit pa sa pagbubunyi

Bukod sa pagdiriwang sa kabuhayan sa lupang sinilangan, ang Lambat Festival ngayong taon ay nagsilbi ring espasyo para sa pagpapahayag ng mga mensaheng importanteng malaman ng mga mamamayan, tulad ng pagpapataas ng kamalayan tungkol sa human immunodeficiency virus (HIV) at acquired immunodeficiency syndrome (AIDS).

Isang awareness campaign ang idinaos upang patatagin ang kamalayan ng mga Aplayeños ukol sa mga naturang sakit. Pinanguhan ito ng San Antonio Gay Association sa tulong ng Sangguniang Barangay at Sangguniang Kabataan ng San Antonio. Binigyang linaw nila ang mga kaugnay na impormasyong pangkalusugan at panlipunan.

Naipahiwatig ng pista ang layunin ng pamahalaan at  na hingin ang pakikiisa ng mga mamamayan sa pagtugon dito. Isa pa sa mga nadagdag sa Lambat Festival ay ang Trade Fair, na nagpakilala sa iba’t ibang samahan sa komunidad at kanilang mga adbokasiya.

“In-embrace na natin ‘yung magkaroon tayo ng trade fair booth sa Waggis [Bay Walk] upang ipamalas ang [pakikiisa ng] iba’t ibang organisasyon katulad ng SAMALA, LGBTQ+, [at] mga PWD… Ipinakikita natin kung gaano ka-diverse, kung gaano kaganda, at gaano kalaki ‘yun kultura na mayroon ang Aplaya,”

Nais ng lokal na pamahalaan ng Brgy. San Antonio na makilala pa ang Lambat Festival, ayon kay Eddniel Patrick Papa, isang konsehal.
Kuha ni Beaula Frances Buena, Tanglaw photojournalist

Inihanay sa tabi ng lansangan ang mga istasyon ng mga samahan kung saan ibinida ang kanilang mga panawagan. Halimbawa na lang ang istasyon ng San Antonio Gay Association (SAGA) na nanalo bilang Barangay Booth Trade Fair Champion para sa kanilang disenyo. 

“Importante para sa amin [ang] lahat ng oportunidad upang ipakilala [ang aming samahan]. Ang mabigyan ng boses at maipakita ang kakayanan ng aming mga miyembro ay bahagi ng aming hangarin,” pahayag ni Amiel Masarap, pangulo ng SAGA.

“Ang aming pagkapanalo [sa Trade Fair] ay sumisimbolo na naririnig ang  boses at pinapahalagahan ang  trabaho [ng mga miyembro ng komunidad ng LGBTQ+]. Isa itong milyahe para sa sa mga nakamit namin sa mga nakaraang taon.”

Sa gitna ng mga aktibidad, isinalaysay ni Tatay Carlito Villegas, na tubong San Antonio, ang kaniyang nararamdaman. Nasaksihan niya ang bawat isa sa siyam na taon na pagdaraos ng kapistahan. Dahil nga nakatuon ang mga aktibidad ngayong taon sa kabuhayan ng mga mamamayan, lalo niyang naramdaman kung ano ba talaga ang kanilang ipinagdiriwang. “Pinakamasayang Lambat Festival ‘tong 2023… Taon-taon naman masaya [pero ngayong taon] maraming event na magaganda na napapanood ng [kahit na] mga taga-ibang lugar”. 

Ang mga naging pagbabago sa kapistahan ng San Antonio ay patunay sa lumalalim na diwa nito. Tila isang lambat, ito ay pinatatag ng mga hinabing hibla ng pangarap ng mga Aplayeño. Nakapaloob dito ang iba’t ibang boses sa komunidad, at ang lambat na ito ang siyang tangan nila sa kanilang pag-ahon sa pampang ng pag-unlad.


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya