DAPAT MONG MALAMAN
- Mabigat na hamon sa nakaraang miting de avance sa mga maluluklok na lider-estudyante sa CDC-SC ang isang mas bukas na student body.
- Positibo ang naging pagtanggap ng mga taga-Devcom sa mga inisyatibong inilatag ng CDC-SC.
Itinutululak ngayon ng mga bagong-halal na lider-estudyante ng CDC Student Council (CDC-SC) ang mas bukas na paglilingkod sa Devcom.
Binigyang-diin sa ginanap na Council of Student Leaders (CSL) kahapon, Hulyo 10, ang papel na gagampanan ng mga organisasyon at sangkaestudyantehan ng Devcom sa mga plano at proyektong kasalukuyang sinasalansan ng CDC-SC para sa termino nito.
Ayon kay CDC-SC Chairperson Jelaine Kate Pagayon, bilang “highest consultative arm of the student council,” magandang pagkakataon ang CSL upang tasahin at isulong ang ugnayan ng konseho sa nasasakupan nitong komunidad.
Sa puntong ito sumentro ang panukalang CSL rebranding ng CDC-SC, kung saan gagawing buwanan ang pakikipagpulong ng konseho sa sangkaestudyantehan ng Devcom.
Bahagi ng bagong pormang ito ng CSL ang mas bukas na documentation ng mga paksa at isyung napagpulungan ng mga kabahaging organisasyon at indibidwal, na regular namang isasapubliko sa pamamagitan ng minutes of the meeting at ang tinatawag ng konseho na CSL Digest.
Paliwanag ni Pagayon, ang rebranding na ito ay bunsod ng mababang bilang ng mga taga-Devcom na dumadalo tuwing CSL. Tinatanaw rin umano sa kasalukuyang konseho ang pagsasagawa ng mga on-ground na pagpupulong para sa mga susunod pang CSL sa hinaharap.
Maganda naman ang naging pagtanggap ng mga mag-aaral sa planong ito ng konseho. “Nagustuhan ko na may plano for the organizations within CDC at tingin ko ay daan ito para mas maging transparent sa ating mga initiative na ginagawa within and outside the college and university,” saad ni Sharmaine De La Cruz, kinatawan mula sa UPLB Development Communicators’ Society.
Pinagtibay na paglilingkod
Dinaluhan ang CSL kahapon ng higit na 40 mag-aaral ng Devcom mula sa iba’t ibang batches, kasama ng ilang mga sasaltang freshmen mula sa Batch 2023 at ang USC Chairperson na si Gio Olivar.
Kasabay ng mas mas pinatibay na ugnayan ng komunidad ng Devcom at CDC-SC, isinusulong din ng konseho ang pagkakaroon ng isang kinatawan mula sa bawat student organization, kasama ang Tanglaw, sa mga pagpupulong at diyalogo sa hinaharap.
Layunin ng panukalang ito ang mas direktang daloy ng impormasyon at pagpapaabot ng hinaing mula sa komunidad, na sinuportahan naman ng mga dumalong miyembro mula sa iba’t ibang organisasyon ng CDC.
Tinalakay rin sa pagpupulong ang mga inisyatibong naisagawa at nilahukan ng CDC-SC sa nakaraang buwan na kanilang idinetalye sa inilabas na transparency report ng College Representative to the USC at kauna-unahang General Assembly (GA) ng bagong konseho ng Devcom.
Pangunahin sa mga naging agenda ng konseho ay ang pakikipag-ugnayan sa lokal na administrasyon ng CDC para ilahad ang iba’t ibang administratibo at akademikong panawagan ng komunidad ng Devcom.
Ilan na rito ay ang aktibong pakikibahagi ng konseho at buong CDC sa ginanap na Pride Month, pakikiisa sa pagkilos laban sa mga gawa-gawang kaso na isinampa kina Ken Rementilla at Jasmin Rubia, request para sa extension ng academic submissions noong ikalawang semestre, at petitions para sa karagdagang kurso sa Devcom ngayong midyear.
Iba pang mga plano
Bagaman bigo umano ang konseho na makumbinsi ang administrasyon na magdagdag ng DEVC courses ngayong midyear, hinikayat ni CDC-SC Vice Chairperson Leo Verdad ang mga taga-Devcom na agad na mangalap ng tao kung sakaling may mga kursong nais muling ipetisyon para sa darating na unang semestre.
Samantala, habang papalapit ang bagong akademikong taon, ibinahagi ng CDC-SC ang ilan sa mga proyektong inihahanda nito para sa sangkaestudyantehan ng Devcom.
Ito ay matapos ang term planning na isinagawa ng konseho sa GA nito noong Hulyo 8, kung saan nagtakda na ang CDC-SC ng bagong committee assignments para sa mga bagong-halal na lider-estudyante ng kolehiyo.
Ilan dito ay ang welcoming initiatives at activities para sa paparating na bagong batch ng Devcom freshmen, buwanang tambayan clean-up drive, at ang pagbuo ng konseho ng isang komprehensibong kalendaryo na naglalaman ng lahat ng mga mahahalagang kaganapan at anunsyo mula sa nasyunal, lokal, kampus, at pang-kolehiyong lebel.
Ayon kay CDC-SC Councilor at kasalukuyang Education and Research Committee Head ng konseho Carlo Alvarez, magsisilbing “knowledge box” ng komunidad ng Devcom ang nasabing kalendaryo.
Kasalukuyan na ring nagpaplano ang CDC-SC para sa mga nalalapit na events sa unibersidad at UP System, gaya ng State of the Youth Address, seleksyon para sa susunod na UPLB Chancellor at 40th UP Student Regent, at Kasama sa UP convention at General Assembly of Student Councils na gaganapin ngayong Agosto sa UP Mindanao sa Davao. ■



