Kalakip ng istoryang ito ang mga ulat nina Reuben Pio Martinez
at Dan Alexander Abas mula sa Maynila.

DAPAT MONG MALAMAN

  • Hindi tumutugma ang ilang sinabi sa SONA sa hakbang ng mga galamay ng pamahalaan.
  • Sa People’s SONA sa labas ng Batasan, nakapanayam ng Tanglaw ang mga kinatawan ng iba’t ibang sektor.
  • Marami pang dapat patunayan si Marcos upang matugunan ang mga hinaing ng mga mamamayan.

Tinapos ni Pangulong Marcos Jr. ang kaniyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ngayong araw, Hulyo 24, sa mistulang pagpupugay sa mga manggagawang umano’y nagpapatuloy na nagmamahal sa Pilipinas.

“I have stated before that my confidence in our future was grounded in our world-class, quality workforce — be they the farmers in the field, corporate giants, government officials, schoolteachers, health workers, or employees. That confidence has been furthered buoyed by the demonstration of love for the Philippines,” aniya. 

“Handa silang magbigay ng tulong dahil mahal nila ang kanilang kapwa Pilipino, at mahal na mahal nila ang Pilipinas. And thus, with this in my heart, I know that the state of the nation is sound and improving.”

Sa kabila ng matatamis na salita at mistulang pagpapakita ng pagkakaisa sa mga mangagagawang nagbubuhat sa ating bansa, mapapansing hindi nabigyang pansin sa talumpati ni Marcos ang mga isyung malapit sa bituka ng mga pinupuri niya, kagaya ng mga ibinanderang panawagan ng mga nagtipon sa Commonwealth Ave. sa tinaguriang People’s SONA.

“Hanggang ngayon ay hinahagilap ko sa alapaap ang sasabihin niya para sa mga mangagagawa,” saad ni Elmer Labog, isang lider-manggagawa at dating kandidato sa pagkasenador, sa isang panayam ng Tanglaw bago ang SONA.

Sa mahigit isang oras na SONA, hindi kinilala ng Pangulo ang matagal nang kampanya na pataasin ang pambansang minimum wage. Bagamat tumaas ng ₱40 ang minimum wage sa Kamaynilaan, malayo pa rin ito sa panawagang ₱750 minimum wage na nagbunsod sa mga manggagawang tawagin itong “Barya-Baryang Minimum”.

“Hindi puwedeng barya-barya ang ibibigay sa mamamayan. Kailangan ay patakaran… Sa mangagagawa? Hindi lang simpleng 40 pesos. Dapat ang ating gobyerno ay sumandig na sa mga manggagawa, sa mga magsasaka, at hindi isa mga malalaking korporasyon,” ayon naman kay Leody de Guzman, isa ring lider-manggagawa na nakatunggali ni Marcos sa pagkapangulo noong nakalipas na halalan.


“Magkaroon ng programa na tunay na reporma sa lupa, ipamahagi nang totoo ang mga lupain, lalo na sa hanay ng agrikultural, ibigay nila nang totohanan sa mga magsasaka at bigyan ng suportang subsidyo na hindi nalulugi ang magsasaka at ‘di nawawalan ng pag-asa magsaka.”

Berina San Juan, isang magbubukid mula sa Bulacan


Malayo sa katotohanan?

Hinati ni Marcos ang ilang bahagi ng kaniyang ulat sa bayan sa magkaibang wika. Pauka-ukang pinalamanan ng Pangulo ang talumpati ng mga malalawak na pangako at mithiin sa Filipino, habang ipinaliliwanag ang masalimuot na detalye sa Ingles. Mistulang malayo sa katotohanan ang kaniyang ulat sa bayan sa kasalukuyang sitwasyon ng bawat sektor.

Sa SONA ngayong taon, ibinida ni Marcos ang iba’t ibang mga programa ng kaniyang administrasyon upang tugunan ang mga problemang kinakaharap ng Pilipinas. Maganda mang pakinggan na, halimbawa, lumago ng 7.2 percent ang ekonomiya ng bansa sa nakalipas na taon. Ikinukubli nito ang katotohanang binabawi pa lamang ng ekonomiya ang ibinagsak nito sa nakalipas na tatlong taon dahil sa pandemya, isang pagpapaliwanag na tinaguriang “misleading” ng economic thinktank na IBON Foundation.

Isa pang halimbawa ay nang binigyang-diin ni Marcos ang kahalagahan ng edukasyon bilang aniya’y “armas” ng mamamayang Pilipino. Ipinagmalaki ng Pangulo ang mga programa upang umano’y mapalakas ang sektor ng edukasyon, at ang pagdami ng mga higher educational institutions sa mga world university rankings. Sa kabila nito, kinaltasan ng ₱128 milyon ang pondo ng UP para sa taong kasalukuyan, isang hakbang na magpapahirap sa pagtugon sa samot-saring problemang kinahaharap ng unibersidad.

Kasama na rin rito ang umano’y hakbang ng pamahalaan para sa “capacity-building” at “community development” upang matugunan ang ugat ng armadong pakikibaka sa kanayunan. Kung tunay na inklusibo ang paraan ng administrasyon sa isyung ito, hindi ito ang ipinapakita ng nagpapatuloy na red-tagging spree sa mga progresibo ng mga galamay ng gobyerno katulad ng National Task Force to End Local Communist Armed Groups (NTF-ELCAC) o ang paggamit ng Anti-Terror Law laban sa mga aktibista at mga tinaguriang komunista.


“Hindi puwedeng barya-barya ang ibibigay sa mamamayan. Kailangan ay patakaran… Sa mangagagawa? Hindi lang simpleng 40 pesos. Dapat ang ating gobyerno ay sumandig na sa mga manggagawa, sa mga magsasaka, at hindi isa mga malalaking korporasyon.”

Leody de Guzman, lider-manggagawa


Marami pang dapat patunayan

Isa rin sa naging pokus ng SONA ay ang mga hakbanging isinagawa at pinaplano ng administrasyong Marcos sa sektor ng agrikultura, kung saan mismong si Marcos ang nakaupong kalihim ng Department of Agriculture. Ibinida ng Pangulo ang kapapasa lamang na Agricultural Emancipation Act, na umano’y nagtanggal sa mahigit 610,000 na magsasaka mula sa tanikala ng utang para sa lupang sakahan.

Kaya para sa mga magsasaka, marami pang dapat patunayan ang pagtulong sa sektor sa pamamagitan ng mas matagalang tulong na hindi nagtatapos sa debt condonation. “Magkaroon ng programa na tunay na reporma sa lupa, ipamahagi nang totoo ang mga lupain, lalo na sa hanay ng agrikultural, ibigay nila nang totohanan sa mga magsasaka at bigyan ng suportang subsidyo na hindi nalulugi ang magsasaka at ‘di nawawalan ng pag-asa magsaka,” hiling ni Berina San Juan, isang magbubukid mula sa Bulacan.

Marami pang hindi nabanggit si Marcos mula sa mga problemang bumabagabag sa mga magsasaka. Sa panayam kay San Juan ng Tanglaw bago ang talumpati ng Pangulo, idinetalye niya ang sunod-sunod na dagok na kinakaharap ng mga mambubukid sa Plaridel, Bulacan. Nariyan ang malubhang epekto ng pagbaha at pagdami ng pesteng kuhol sa tanim nilang palay, maging ang problema ng land conversion sa lugar.

“Mauubos na ang lupain ng Plaridel para i-convert sa iba’t ibang uri ng pasilidad… na kung saan ang katanungan naming malaki, bakit naganap ‘yon, samantalang may batas ang pamahalaan na hindi dapat iconvert sa anumang gamit liban sa agrikultural,” tanong ni San Juan. “Nakakalungkot isipin, andiyan na talaga, andyan na, halos mauubos na.”

Para sa iba pang mga nakapanayam ng Tanglaw, marami pang dapat gawin si Marcos kung nais talaga nitong patunayan ang kaniyang mga minimithi sa SONA. “Mahalaga ngayong ay pagkakaisa ng mamamayang Pilipino upang itaguyod ang pagkakaroon ng tunay na pagbabago sa ating bayan,” dagdag pa ni Labog.

“Magandang ipinapakita sa araw na ito ang paglahok ng marami nating mga kababayan sa martsang ito, nagpapakitang hindi maayos ang kalagyan ng mga mamamayan at matapang na tinutuligsa ang ‘di makatarungang pamamalakad ni Marcos.”

Para naman kay De Guzman, hindi sapat ang papalit-palit na bansag o logo ng mga programa ng pamahalaan kung patuloy na isusulong ni Marcos ang interes ng mga kapitalista o ng mga dayuhan. “Sawang sawa na kami sa mga pambobolang ‘yan. Iyan ang dahilan kung bakit nagkakaisa ang mamamayan ngayon, dahil sa kawalang pag-asa sa gobyernong ito… Walang maaasahan ang mamamayan.”


Editor’s note: Layunin ng pormang news analysis na gamitin ang kaalaman ng mga Tanglaw reporters upang ipaliwanag ang mga balita sa pamamagitan ng pagbibigay-konteksto, pagpapakahulugan, at obserbasyon.


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya