Nakaatas sa tumatayong pangulo ang taunang State of the Nation Address (SONA) upang ipaalam sa mamamayan ang kinatatayuan ng bansa. Ngunit, sa SONA ngayong taon, kapansin-pansin ang mistulang paghahati sa pagitan ng masa at mga may kapangyarihan, hindi lamang sa karangyaan ng pagdaraos nito kundi pati na rin sa paraan ng Pangulo upang italumpati ito.

Tila paiba-iba ang kausap ng Pangulo sa SONA. Papalit-palit ginamit ang Filipino at Ingles; ang banyagang wika ay ginagamit sa masalimuot at teknikal na detalye, habang Filipino ang bigkas para sa mga karaniwang karanasan at usaping masa. Marami itong implikasyon: maaaring sabihin na ang paggamit nito ay arbitraryo, ngunit ang ganitong uri ng talumpati ay pinaghahandaan. Maaari ring sabihin na ang Ingles ay para sa mga usaping mahirap isa-Filipino at ang Filipino ay upang i-laymanize ang implikasyon ng mga detalyeng ito, ngunit mas mainam itong magagawa kung isinalin na lamang ito sa mas payak na mga pahayag.

Hindi ko mapigilang mapansin na tila ang paggamit ng Ingles ay upang kausapin ang mga may kapangyarihan – kagaya ng mga nakatataas na mga negosyante, mga pulitiko, o mga naghaharing-uri. Ang mga kasiya-siyang mga mithiin, pangako, at mga benepisyo ay ibinibigkas sa Filipino upang ipakitang-gilas sa mga mamamayan ang umano’y pagsulong ng administrasyon sa mga ipinangakong plano. Imbis na ipagbigay-alam kung ano ang ibig sabihin sa likod ng mga estadistika at mga jargons, piniling ikubli ng SONA ang ilang bahagi nito sa likod ng wikang hindi naman lubusang maiintindihan ng lahat. 

Kumbaga sa tinapay, puno ng hangin ang mga naging pahayag ni Marcos. Lantad man ng mga binansagan niyang resulta ang kaniyang talumpati, hindi naging malinaw kung paano kongkretong nakamit ang mga ito. Maraming positibong pang-uri ang bumihis sa mga tagumpay na pinanghahawakan ng administrasyon, habang napapalibot sa mga malawak na deskripsyon ang mga napapanahong usapin. Upang masabi na dumating ang ‘Bagong Pilipinas’, dapat ito’y maibabase sa mga batayan na magsisigurong tunay at makatotohanan ang ulat ng Pangulo.

Bagamat hindi perpekto at nabalot na sa karangyaan sa mga nakalipas na panahon, hindi maitatanggi na ang SONA ay isang paraan upang ilapit ang pamahalaan sa mamamayan, at dapat itong maging malinaw at tapat. Ika nga sa Devcom, ang komunikasyon ay dapat purposive, value-laden, at pragmatic upang maudyok ang pagkamit sa mga pagbabago sa lipunan. Kung ito’y hindi kayang pangatawanan ng puno ng pamahalaan, dapat siya’y handang harapin ang kritisismo at panawagan ng masa sa kabila ng mga mithiin at pangakong binitawan niya sa kaniyang talumpati. Maaari nating alalahanin ang salawikaing ito: ang lalagyang walang laman ay mas magdudulot ng ingay.

Ang paraan ng paghahatid ng mensahe ng Pangulo ay sumasalamin sa kakayahan nitong makatwirang panghawakan at ipatupad ang mga planong ipininangako nito sa loob ng anim na taong paglilingkod sa bayan. Sa kabila ng mga pinanghahawakang datos na nabanggit ay patuloy ang panawagan ng mga mamamayan para sa dekalidad na pamumuhay. Makalipas pa lamang ang isang taon sa ilalim ng administrasyong Marcos, patuloy na nahaharap ang mga mamamayan sa mataas na presyo ng bilihin, kakulangan sa maayos na transportasyon at sahod, at ang nagpapatuloy na pag-atake sa ating mga batayang karapatan.  Ito ang pilit na ikinubli ng SONA, ngunit batid ng mas malawak na mamamayan.


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya