DAPAT MONG MALAMAN

  • Tinalakay sa unang araw ang estado ng lahat ng mga pahayagang kabilang sa alyansa.
  • Sumentro ang pagtitipon sa problema sa pananalapi na s’yang pangunahing kinakaharap ng bawat isa.
  • Kinaharap din ng ilan ang lantarang red-tagging at state surveillance na nagbanta sa malayang pamamahayag.

Tinalakay sa unang araw ng biannual UP Solidaridad Congress 2023 sa UP Mindanao ang kalagayan ng mga student publications sa iba’t ibang UP campuses sa nakalipas na anim na buwan.

Ang UP Solidaridad Congress ay ang pagtitipon ng mga publikasyon ng UP system upang pag usapan ang kinakaharap na mga isyu at suliranin at bigyang resolusyon ang mga ito. 

Litrato mula sa UPLB Perspective

Pag-atake mula sa estado

Ayon sa mga dumalo, ang mga pag-atake mula sa pwersa ng estado ay isa sa mga naglilimita sa mga pahayagan upang magkaroon ng maayos na operasyon lalo na sa kanilang mga social media accounts. 

Binigyang diin ng SINAG (UP Diliman College of Social Sciences and Philosophy), Union of Journalists of the Philippines (UJP-UP), UP Vista (UP Tacloban), Ang Tagamasid (UP Manila College of Arts and Sciences), at ng Manila Collegian (UP Manila) ang talamak na red-tagging, trolling, coverage attacks, at state surveillance na kanilang nararanasan sa nakalipas na mga buwan at ang nagpapahirap sa kanila upang maitaguyod ang bawat mobilisasyon. 

Dagdag pa rito ang pagre-report sa Facebook page ng UJP-UP at SINAG at ang pag-akusa sa UPLB Perspective (UP Los Baños) ng pagpapakalat ng fake news mula sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). 

Litrato mula sa UPLB Perspective

Relasyon sa admin at problema sa budget

Inilahad naman ni Marianne Zen Therese de Jesus, ang UP Solidaridad National Executive Council (NEC) National Chairperson sa kanilang term report, na ang pinakamalaking suliraning kinakaharap ng mga publikasyon ay ang usaping budget.

“Pinakamalaking problema ngayon ay funding pa rin. Mga university-wide pubs ay nakakatanggap ng funds albeit ‘yung iba ay kulang pa rin pero ang mga local college pubs ay wala talaga,” aniya. 

Ang mga daing mula sa UPB Outcrop (UP Baguio), Vital Signs (UP Manila College of Nursing), Tug-ani (UP Cebu), Tanglaw, (UP Los Baños College of Development Communication, Pagbutlak (UP Visayas College of Arts and Sciences), The Accounts (UP Visayas College of Management), UP Vista, Ang Tagamasid, at Manila Collegian tungkol sa kanilang budget ay mula sa burukrasya ng mga ahensya na nagpapahirap sa kanila upang makagawa ng mas maraming kopya ng kanilang print issues, makabili ng mga kagamitan sa kanilang mga opisina at masuportahan ang kanilang mga isinasagawang coverage sa labas ng campus. 

Ang problemang ito ay may kinalaman din sa estado ng recognition o pagkilala sa ilan sa mga publikasyon, kung saan sila ay hindi nakatatanggap ng karampatang mga benepisyo, gaya ng pondo na kinukuha mula sa student fees. 

Samantala, patuloy pa rin ang proseso ng recognition para sa Tinig ng Plaridel (UP Diliman College of Mass Communication) na ngayon ay nasa Board of Regents (BOR) level na, at ang Tanglaw na patuloy ang koordinasyon mula sa kanilang kolehiyo at mga college-based organizations sa pagpapasa ng Saligang Batas nito. Pinaplano naman ng Ang Tagamasid ang pagratipika ng kanilang constitution sa susunod ng editorial term. 

Ipinagbunyi rin ng mga student publications ang ilang matagumpay na events ng bawat isa tulad ng SCrutiny at UPakan (UPB Outcrop), Break Free (UJP-UP), at #UPDChancy at #votewatchUPD coverage (Philippine Collegian), gayundin ang pagtulong sa Tinig ng Plaridel mula sa pag-atake ng isang bloggger sa isang video na inilabas ng pahayagan noong nakaraang selection ng susunod na chancellor sa UP Diliman.

Nakalatag naman ang mga susunod na events ng iilang publikasyon tulad ng sa darating na 50th anniversary ng UPLB Perspective sa Paaralang Roger Sese at magazine launching at ang ML@51 ng Philippine Collegian na aprubado na ng Office for Initiatives in Culture and the Arts (OICA). 


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya