Kasama ang ulat ni Jan Paolo Pasco.

DAPAT MONG MALAMAN

  • Naglabas ng hinaing ang mga mag-aaral ng UPLB sa pre-registration sa Academic Management Information System (AMIS).
  • Umiiral pa rin umano ang mga problemang kinakaharap dati gamit ang Student Academic Information System (SAIS).
  • Nagbahagi rin ang ilang mga mag-aaral ng kanilang maayos na karanasan sa bagong sistema.

Kasabay ng paglunsad ng Academic Management Information System (AMIS), naglabas ng hinaing ang mga mag-aaral ng UPLB para sa bagong sistema sa unang araw ng pre-registration kahapon, Agosto 15.

Ito ay bunsod ng mabagal na pag-load ng website at mabilis na pagkaubos ng slot sa mga kurso na kanilang kukunin para sa unang semestre ng taong pang-akademiko 2023-2024.

Sa mga ulat na nakalap ng Tanglaw galing sa mga mag-aaral na nag-enroll para sa unang araw ng pre-registration period, anila’y umiiral pa rin ang ugat ng mga isyung dati nang pasakit noong ginagamit pa ang Student Academic Information System (SAIS).

Nitong nakaraang midyear unang nilipat sa AMIS ang pagrehistro mula sa SAIS kaya ito ang unang beses na malawakang gagamitin sa isang regular na semestre ang website. Konektado pa rin sa SAIS ang AMIS dahil ito ang pinagkukunan ng mga kinakailangang impormasyon ng estudayante para makapagrehistro ng kurso.

Sa panayam kay Danica Aguinaldo, isang estudyante ng BS Biology (Batch 2019), ipinahayag niyang mabagal pa rin ang naging sistema ng rehistrasyon ngunit hindi na ito katulad ng sobrang kabagalang naranasan noong nakaraang midyear.

“Siguro yung concern ko lang, hindi pa rin on time nag-start yung registration. Kasi around 10:30 a.m. na kami naka-access,” kwento ni Aguinaldo sa kanyang karanasan sa pagsisimula ng pre-registration na nakatakdang maganap ng 10:00 a.m. 

Dagdag pa ni Aguinaldo, hindi na niya nagamit ang ‘bookmark feature’ ng sistema kung saan maaring maplano nang maaga ang iskedyul ng mga kukuning kurso bago ang takdang araw ng pagrerehistro dahil hindi nakakapasok sa website. Naging ‘Under maintenance’ ang website ilang araw bago ang pre-registration period.

Katulad ito sa hinaing ni Noreen Donato, BS Applied Mathematics (Batch 2019) na sa parehong oras na rin nakapasok sa AMIS. Aniya, nahirapan din siyang mag-ayos ng iskedyul niya dahil sa bagal ng pagproseso ng website na salungat sa kanyang inaasahang magaan na pagrerehistro ngayong kaunting batch pa lamang ang nakakapag-enlist. 

Bukod rito, una nang iniusog ng UPLB Office of University Registrar Team ang simula ng pre-registration noong Lunes sa Martes dahil sa hindi inaasahang pagbagal ng ‘data transmission’ mula sa SAIS papuntang AMIS. Inihabol nito ang mga bagong datos na natanggap nitong nakaraang linggo na kakailanganin ng mga mag-aaral para makapag-enlist.

‘Mas forgiving’

Gayunpaman, nagbahagi din ng mga maayos na karanasan ang ilan sa mga estudyanteng nasubukan nang gamitin ang AMIS.

“Mas forgiving siya in a way compared sa SAIS na hindi ka malolock-out kapag nag-open ka more than one tab,” wika ni Carla Laciste, isang BS Sociology (Batch 2022).

Hindi katulad ng SAIS, mas kaunti nalang ang kailangan buksan na tabs sa AMIS para makapagrehistro ng kurso.

Mas madali mag-enroll kasi almost everything na kailangan mo normally ay nasa iisang view lang, ang issue na lang ay kung hindi ka familiar sa course code,” pahayag ni Paolo Rodriguez, BS Computer Science Batch 2018.

Bagaman marami pang umiiral na mga problema sa pre-registration ang hindi natutugunan ng Unibersidad tulad ng sa kakulangan ng sapat na slots sa bawat kurso, sinabi ng karamihan sa mga nakapanayam na mga estudyante na mas maayos ang registration sa AMIS kumpara sa SAIS. 

Inaasahan naman na matatapos ang pre-registration ngayong araw para sa Batch 2020 na nagsimula ng 10:00 a.m. hanggang 10:00 p.m. Susunod naman sa iskedyul ang pre-registration para sa Batch 2021 sa Huwebes at Batch 2022 sa Biyernes sa parehong oras.


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya