Kalakip ng istoryang ito ang mga ulat nina Princess Leah Sagaad, Janelle Macandog, at Denyll Almendras.
DAPAT MONG MALAMAN
- 19 na resolusyon ang naipasa ngayong GASC 55, kung saan ang kalakhan ay nakatuon sa mga isyung malapit sa mga mag-aaral ng UP.
- Dala ng GASC ang mga matagal nang panawagan sa karapatang pantao, politika, at ekonomiya.
Labinsiyam na mga resolusyon na naglalayong gabayan ang magiging hakbang ng mga konseho ng mga mag-aaral sa UP tungkol sa samot-saring isyu sa Unibersidad at bansa ang naipasa sa 55th General Assembly of Student Councils (GASC) noong Biyernes, ika-18 ng Agosto.
Ginugol ng mga konseho ang ikalawang araw ng GASC 55 sa UP Mindanao upang pag-usapan at kilalanin ang mga resolusyon. Nagtipon din ang mga ito upang alamin ang sitwasyon ng mga mag-aaral sa iba’t ibang UP campuses at upang pumiling ika-40 na UP Student Regent.
Sa isang talumpati sa gitna ng resolution-building, binigyang-halaga ang kahalagahan ng mga resolusyong ito, na madalas ay umuubos ng malaking bahagi ng oras sa panahon ng GASC.
“Ang layunin ng GASC ay gumuhit ng mga kampanya para sa epektibong implementasyon nito at sa pagpapahayag sa estado na tugunan ang kagyat na pangangailangan ng sambayang Pilipino,” saad ni Andrew Ronquillo, national chairperson ng KASAMA sa UP (KSUP), ang alyansa ng mga student council sa UP.
Hinamon din ni Ronquillo ang mga student council na bitbitin ang diwa ng bawat resolusyon sa magiging hakbang nito sa paparating na semestre. “Itong mga kampanyang shina-sharpen natin sa GASC… kung mananatili lang sa atin ‘yung mga resolution, wala ring saysay ‘yon, walang kwenta sa masa.”
Mga isyu sa Unibersidad, edukasyon
Isa sa mga naipasang resolusyon ay naglalayong singilin ang administrasyon ng UP sa isang tapat at bukas na pamumuno, lalo na sa napipintong pagpapalit ng chancellor sa UP Manila at UP Los Baños. Tinuturol nito ang nakikita ng mga konseho na kawalan ng “open access” sa mga naging desisyon ng Board of Regents sa nakalipas na buwan, gaya ng bagong chancellor sa UP Diliman.
Natalakay rin sa mga resolusyon ang panawagan sa patuloy na pagpapalakas ng mga student council sa UP, at ang pagbabantay at pagtutol laban sa anumang porma ng student repression, gaya ng red-tagging o ang mga opresibong patakaran ng mga UP campus sa LGBTQIIA+ community.
KAUGNAY NA ISTORYA
- Sa muling pagtitipon ng mga student councils, lumitaw ang problemang kinakaharap ng mga mag-aaral tulad ng limitadong student spaces at ang banta ng militarisasyon. Basahin
- Itinanghal si UP Baguio University Student Council Chair Sofia Jan “Iya” Trinidad bilang ika-40 na Student Regent, na magsisilbing tanging kinatawan ng mahigit 50,000 mag-aaral ng national university sa Board of Regents (BOR). Basahin
Nariyan rin ang pagpapanatili ng safe spaces para sa mga mag-aaral laban sa sexual harassment at ang paniningil ng karampatang pondo at pasilidad para tugunan ang mga kaso nito sa Unibersidad.
Naipasa naman ang isang resolusyon mula sa ika-54 na GASC sa UP Cebu noong Enero, na humihingi ng karagdagang suporta para sa mga university student athlete at debater, at ang isang bagong resolusyon na naglalayong humingi ng karagdagang espasyo para sa university art scene. Kakabit ng mga ito ang panawagan para sa karampatang pondo sa UP, na nahaharap sa isang P2.5 bilyong kaltas sa badyet sa 2024.
Sa aspeto ng edukasyon, isang resolusyon na nakatuon sa pagtatampok at pagtutol sa kawawang estado ng edukasyon sa Pilipinas, kung saan binibigyang-prayoridad ng administrasyon ni Pangulong Marcos Jr. ang mga programa gaya ng Mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC). Tinutulan din ng GASC ang pagtanggal sa Mother Tongue-Based Multilingual Education, isang sistema na ginagamit ang lokal na wika sa pagtuturo mula Kindergarten hanggang Grade 3.
Suliraning pambansa at sa ekonomiya
Katulad sa mga nakaraang GASC, marami ring mga resolusyon tungkol sa pagprotekta sa karapatang pantao ng iba’t ibang mga sektor. Isang resolusyon na inakda ng UPLB College of Development Communication Student Council ang nananawagan sa pagprotekta ng mga karapatan ng mga mamamahayag sa Pilipinas, hindi lamang mula sa mainstream kundi pati na rin ang mga nasa alternative at student publication.
Sa dalawang magkahiwalay na resolusyon, pinatatag rin ng GASC ang matagal na nitong pagtindig para sa karapatan ng mga indigenous people at ng mga human rights defender laban sa patuloy na pamamasista ng pamahalaan lalo na sa kanayunan. Hinimok din ang GASC na patuloy na tutulan ang pagpasok ng mga elemento ng pulisya at militar sa mga UP campus.
Pagdating sa mga isyung pambansa, nagpahayag ng pagtutol ang GASC sa pamamagitan ng mga resolusyon tungkol sa Charter Change, ang patuloy na presensyang militar mula sa U.S. at China, at ang nagaganap na malawakang reklamasyon at ang dala nitong development aggression lalo na sa mga probinsya.
Sa usaping ekonomiko, isang resolusyon ang naipasa laban sa patuloy na pagsasapribado ng mga power utility, na siyang itinuturong dahilan sa mataas na bayarin sa kuryente. Hinimok din nito ang pamahalaan para sa responsableng pamamahala ng ekonomiya ng Pilipinas, matapos ang pagpasa ng kontrobersyal na Maharlika Investment Fund.
Dala rin ng GASC ang nagpapatuloy na kampanya sa pagtataas ng sahod ng mga mangagagawa at ang kakabit na mga hakbang upang mapababa ang presyo ng mga pangunahing bilihin, at ang pagtutol sa napipintong phaseout ng mga traditional jeepney. ■



