Kalakip ng istoryang ito ang ulat ni Princess Leah Sagaad.

DAPAT MONG MALAMAN

  • Sa muling pagtitipon ng mga student councils, lumitaw ang problemang kinakaharap ng mga mag-aaral tulad ng limitadong student spaces at ang banta ng militarisasyon
  • Sa kabila ng umiiral na UP-DILG accord, mas dumarami ang presenya ng pulisya at militar sa loob ng mga campuses.

Lumitaw sa unit report ng mga University Student Council (USC) ang mga suliraning kinakaharap ng bawat campus sa nakalipas na anim na buwan, sa unang araw ng 55th General Assembly of Student Councils (GASC) noong Huwebes, Agosto 17. 

Itinuturing ng mga USC na pangunahing mga problema ang mga isyu ng student repression dulot ng budget cuts, kakulangan ng espasyo para sa mga mag-aaral at pagasupil ng estado sa academic freedom.

Sa pagsisimula ng programa, inilahad ni Siegfred Severino, ang ika-39 na Student Regent, ang kaniyang ulat sa isang taong panunungkulan bilang rehente. Binigyang-diin niya ang karapatan sa edukasyon ng mamamayan at pakikiisa sa mga kampanya ng mga student council. Hinamon din ni Severino ang kasalukuyang administrasyon na bigyang-pansin ang kakulangan ng mga espasyo para sa mga mag-aaral tulad ng 24/7 learning hubs at centers sa muling pagbabalik ng face-to-face classes. 

Sa pagtatapos ng kaniyang termino, nagpasalamat sa naging tiwala ng mga konseho at nagbigay ng mensahe si Severino para sa susunod na mahahalal na rehente ng mga mag-aaral. “Hopefully ay… hindi magbabago yung miltanteng tradisyon ng konseho ng mag-aaral ng Pilipinas na ipaglaban ang public character ng University bilang pamantasan ng bayan at i-uphold ang prinsipyo na dapat pinagsisilbihan ng Unibersidad ang mamamayan,” aniya. 

Ang lumiliit na espasyong pang-akademiko

Ayon sa mga USC, ang limitadong espasyong nakalaan para sa mga estudyante ang naglilimita sa pagbuo ng mobilisasyon at formation sa mga campus. 

Ibinahagi ni Latrell Felix, UP Diliman USC Chair, ang kahalagahan ng pag-okupa sa mga student space tulad ng kanilang Student Union Building. Aniya, ang gusaling dapat nakalaan para sa mga estudyante ay inookupa lamang ng iba’t ibang UPD systemwide offices. 

“Tulungnan niyo rin po kami na ipaglaban ang aming Student Union Building, na ma-claim namin ang ownership. Dahil nakikita natin na hindi naman for the benefit ng aming UPD students,” panawagan ni Felix. 

Ang patuloy na komersyalisasyon ng mga campus ang isa rin sa mga ipinupuntong dahilan ng pagkawala ng mga espasyo para sa mga mag-aaral. Sa pinakaunang unit report ng UP Tacloban bilang isang ganap na autonomous college, ibinahagi ni USC Chair Paul Lachica ang kakulangan ng spaces para sa mga social science at humanities students sa ipinapatayong academic building sa UP Tacloban City Campus. Mas binigyang prayoridad umano nito ang iba’t ibang mga business establishments.

KAUGNAY NA ISTORYA

  • Labinsiyam na mga resolusyon na naglalayong gabayan ang magiging hakbang ng mga UP student councils tungkol sa samot-saring isyuang naipasa sa 55th General Assembly of Student Councils. Basahin
  • Itinanghal si UP Baguio University Student Council Chair Sofia Jan “Iya” Trinidad bilang ika-40 na Student Regent, na magsisilbing tanging kinatawan ng mahigit 50,000 mag-aaral ng national university sa Board of Regents (BOR). Basahin

“Itong Academic Building…kung titingnan niyo open yung first, second floor kasi hindi talaga siya for academic purposes…makikita niyo Infinitea, Starbucks. Plano talaga siya as comercialized space ng admin,” paliwanag ni Lachica. 

Sa ulat ni UPLB USC Chair Gio Olivar, kaniyang isinaad ang tumitinding komersyalisasyon sa campus. “Napakarami nang mga private entities na nagbi-bid, in the guise of providing student spaces,” saad ni Olivar. Dagdag pa niya na ipinapasa lamang umano ng gobyerno ang responsibilidad nito sa pribadong mga entidad, upang i-renovate ang mga student space.  

Ayon naman kay UP Baguio USC Chair Cathleen De Guzman, nasasayang lamang ang mga inilaang budget para sa student services tulad ng konstruksyon ng mga dormitory at connectivity stair sa campus, na hindi pa nagagamit dahil hindi pa ito natatapos.

Ang militarisasyon at paniniktik sa mga campus 

Ikinabahala din ng mga student council ang banta ng militarisasyon sa mga campus at paniniktik sa mga lider-estudyante. Isang araw bago ang pagtitipon, nakaranas din ng panggigipit ang delegasyon nang harangin ng kapulisan ang walong jeep na patungo sana sa Freedom Park, Davao City.  Sa kabuuan rin ng programa ay may namataan ring drone habang nagpapatuloy ang sesyon. Sa ulat ni UP Mindanao USC Chair Fauzhea Guiani, ang host campus ngayong taon, nagiging madalas ang presensya ng militar sa campus, sa porma ng umano’y courtesy call kasama ng Chancellor, isang paglabag sa umiiral na  DILG accord. 

Ayon kay Felix ng UPD USC, sa pagpapalit ng bagong administrasyon sa UPD ay nagkaroon ng pagtaas ng bilang pulisyang namataan sa loob ng campus. Ganito rin ang kinakaharap na problema ng UP Tacloban, saad ni Lachica, at ang presensya ng pulisya sa loob ng kolehiyo ang nagpapatuloy na intimidasyon at red-tagging sa mga mag-aaral. 

“Unwarranted” naman kung tawagin ang panghihimasok ng mga uniformed personel sa compound ng College of Public Health sa UP Manila, ayon kay USC Councilor Rebecca Baliton. Hinarass din at nagkaroon ng surveillance ang 85th Infantry Battalion sa mga mag-aaral ng UP Manila na nagsasagawa ng community practicum sa Brgy. Silongin, San Francisco, lalawigan ng Quezon.

Inudyok naman ni Olivar ang kasalukuyang UPLB at systemwide administration na paigitingin ang laban sa campus militarization sa kabila ng mga isinampang kaso ng 59th IBPA kay Kenneth Rementilla, isang mag-aaral ng Devcom. 

“May isang estudyante na ang ginawan ng gawa-gawang reklamo, ilang estudyante pa ba ang kailangan para kumilos ang UP system administration at UPLB administation upang makapagbigay pa ng mekanismo upang maprotektahan ang ating mga mag-aaral?” tanong ni Olivar, na binanggit ang kaso ni Rementilla, na nagsisilbi ring regional coordinator ng Anakbayan Southern Tagalog (ST), na kinasuhan sa ilalim ng Anti-Terror Law.


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya