Kalakip ng istoryang ito ang mga ulat nina Princess Leah Sagaad, Maryrose Alingasa, at Angelo del Prado.
DAPAT MONG MALAMAN
- Para sa GASC 55, nagpalitaw kay SR-select Trinidad ang porma ng “consultative leadership” na nakalatag sa kaniyang mga adbokasiya at plano bilang bagong rehente ng mga mag-aaral ng UP.
- Sa mahigit 15 oras na deliberasyon sa pagpili ng ika-40 na UP Student Regent, napuno ang diskurso ng iba’t ibang mga isyu, pagsubok, at banta na kasalukuyang kinahaharap ng buong UP System at mga komunidad nito.
Itinanghal si UP Baguio University Student Council Chair Sofia Jan Trinidad bilang ika-40 na Student Regent, na magsisilbing tanging kinatawan ng mahigit 50,000 mag-aaral ng national university sa Board of Regents (BOR).
Matapos ang mahigit 15 oras na deliberasyon sa huling araw ng 55th General Assembly of Student Councils (GASC) sa UP Mindanao noong Sabado, Agosto 19, lumitaw ang pinag-isang desisyon ng mga konseho sa matalas na suri, masigasig na tindig, at komprehensibong plano ni Trinidad.
Nasaklaw ng mga plano ni Trinidad, na manunumpa bilang bagong UP Student Regent sa susunod na linggo, ang mga isyung bumabagabag sa mga UP campus at ang hindi makamamamayang mga polisiya sa ilalim ng rehimeng Marcos-Duterte.
“Tandaan natin na hindi natatapos ang ating pakikibaka sa loob ng ating pamantasan, bagkus may mas malaki pang panawagan para sa atin na pagsilbihan ang mga mamamayan,” giit ni Trinidad sa pagtanggap niya sa hamon ng GASC 55 bilang bagong Student Regent.
Sa pagtatapos ng mahabang deliberasyon para sa SR selection, kung saan naging prayoridad ni outgoing 39th SR Siegfred Severino ang consensus-building kaysa sa “division of the house” o “straw polls,” hindi naging madali para sa mga konseho ng GASC 55 na bitawan ang ibang mga kandidato.
Diin ng mga konseho, lalo na sa pagtatambol ng suporta sa mga nominado na galing sa kanilang home units, bitbit ng mga ito ang kani-kaniyang suri at husay sa mga isyu ng Unibersidad at lipunan.
Bago maisapinal ang seleksyon para sa bagong SR, nagbigay-daan ang UP Mindanao USC para sa consensus. Pinalitan nito ang nauna nilang isinumiteng order of nominees, at ibinigay ang suporta kay Trinidad.
Sa huli, hinirang na pangalawang SR nominee si Red Masacupan ng UP Mindanao, samantalang magkasunod naman ang kinatawan na sina John Peter Angelo “Jpeg” Garcia ng UP Los Baños at Ed Caitum ng UP Cebu sa ikatlo at ikaapat na puwesto.
Pamumunong konsultatibo
Ugat sa naging matagal na deliberasyon tungkol sa mga adbokasiya at plano ng mga SR nominee, pinatingkad ng mapanghamig na istilo ng pamumuno ni Trinidad ang kaniyang kampanya.
Ayon sa mga nagpahayag ng suporta kay Trinidad, mainam na bitbit nito ang prinsipyo ng “consultative leadership,” na halaw mismo sa mga naging hakbangin ng konseho ng UP Baguio na siyang kasalukuyang tagapangulo.
“Ang usapin din ng consultative leadership ay ang nagpalitaw kay Iya Trinidad, lalong-lalo na nang kaniyang ipinahayag na ilalapit nito ang OSR hindi lamang para sa konsultasyon kundi pati na rin sa pagpunta at pagsuri mismo ng mga kondisyon sa ating mga constituent units,” saad ng kinatawan ng UP Visayas USC.
Tampok sa plano ni Trinidad, na pinamagatang SUMKAD! Rise with the People, Resist Tyranny, Defend Democracy!, ang pagsulong para sa edukasyong tunay na libre, abot-kaya, at dekalidad na siyang gagarantiya sa nasyonalista, siyentipiko, at makamasang pundasyon nito.
KAUGNAY NA ISTORYA
- Sa muling pagtitipon ng mga student councils, lumitaw ang problemang kinakaharap ng mga mag-aaral tulad ng limitadong student spaces at ang banta ng militarisasyon. Basahin
- Labinsiyam na mga resolusyon na naglalayong gabayan ang magiging hakbang ng mga UP student councils tungkol sa samot-saring isyuang naipasa sa 55th General Assembly of Student Councils. Basahin
Bitbit rin ng kaniyang plano ang demokratikong karapatan at kapakanan bilang mga Iskolar ng Bayan at mamamayan, pagtuligsa sa pasismo at mga atake sa human rights at academic freedom, at isang UP na malaya at mapagpalaya.
“More than being at the forefront of the fight for our rights and welfare, it [Student Regent] must also struggle to unite each and every student, strengthen our ranks, and militantly face the present conditions of our society,” saad ni Trinidad sa kaniyang vision paper.
Batay sa mga naging manipestasyon ng mga konseho, bagaman batid ng GASC 55 ang mga kani-kaniyang kampanya ng SR nominees sa kanilang GPOAs, mas nangibabaw ang naging plano ni Trinidad at mas sumasalamin ito sa maaaring maging hakbangin para masolusyunan ang mga problema sa UP at mga komunidad nito.
Mga pagsubok sa bagong student regent
Bukod sa hamon para sa isang miltanteng student representation sa BOR, haharapin din ni ni Trinidad bilang bagong SR ang mga isyung kakabit na ng institusyon.
Ilan sa mga tinalakay na university issues sa panel interview ang mabagal na distribusyon ng SLAS, kawalan ng pondo para sa mga undergrad research at degree program sa social sciences at humanities, kakulangan ng student learning spaces, komersiyalisasyon at pagsasapribado ng university spaces, recognition ng mga campus and college publication, Return Service Agreement at PGH expansion sa UP Manila, at kakulangan ng mga propesyonal na aagapay sa mental health ng mga mag-aaral.
Sa muling nagbabadyang budget cut ng Unibersidad ngayong taon na aabot sa P2.5 bilyon, binigyang-diin ng mga nominado na malaking hamon ito sa administrasyon ng UP upang siguraduhin na hindi makukompurmiso ang edukasyon, at ang mga tinatamasang benepisyo gaya ng scholarships, ng mga mag-aaral sa institusyon.
“As the Student Regent ay talagang i-forward natin at ipa-realize natin sa mga administrators and the Board of Regents na if you want to produce quality students, if you want to produce mga kritikal na talaga na estudyante, allocate budget for them,” saad ni Trinidad.
Tinalakay rin sa kasagsagan ng seleksyon ang mga bantang kinahaharap ng UP, gaya ng academic at press freedom, campus militarization at ang lumalalang paniniktik ng mga elemento ng pulisya at militar sa mga mag-aaral, genuine agrarian reform at iba’t ibang porma ng development aggressions, at ang patuloy na pag-iral ng fraternity-related violence.
Matatandang hindi pinalampas ng state forces ang mga delegado ng GASC 55 matapos mamataan ang drone nito na nagmamasid sa mga kaganapan ng pagpupulong sa UP Mindanao sa magkaibang araw.
Sa isang post ni Severino sa Twitter, kaniyang kinondena ang insidente: “The military or whoever entity do not have any right to put us in any form of surveillance! We are student leaders and organizers! Do not treat us like we are criminals!”
Pinagtuunan din ng diskurso ng mga nominado ang mga polisiyang naglalayong magbigay-seguridad sa mga mag-aaral gaya ng pagkupkop sa Safe Haven Resolution ng UP Los Baños, pagpapalawak ng student alliances sa UP System upang makapag-lobby ng mas inklusibong pro-student policies, at reinstitutionalization ng UP-DND Accord. ■



