DAPAT MONG MALAMAN

  • Ilan sa mga mag-aaral ng UPLB ang maaaring mawalan ng enlisted units dahil sa problema sa AMIS.
  • Sa Devcom, tinatayang lagpas 150 na mag-aaral ang nawalan ng units dahil sa naganap na aberya.
  • Humihingi ng palugit ang mga student councils upang mabigyan ng panahon ang mga mag-aaral na humanap ng solusyon sa problema.

Bukas na ang balik-eskwela ng UPLB, ngunit maaaring mabawasan pa ang enlisted units ng ilang mag-aaral dahil sa isang error sa Academic Management Information System (AMIS).

Ito ay ayon sa abisong natanggap ng ilang mag-aaral mula sa AMIS Support Team nitong Sabado, Agosto 27, na nagsasabing  ilan sa mga binuksang klase sa AMIS ay nakalaan na para sa mga freshmen. 

Dahil dito, maaaring matanggal ang enlistment ng mga Batch 2022 at mga naunang batch na nakapag-enlist sa mga klase na kabilang doon. Ayon sa isang email na ipinadala ng Support Team sa mga apektadong mag-aaral, nag-apela na ito sa mga kinauukulang kolehiyo ngunit wala pang kasiguraduhan kung mapapalitan ng panibago ang mga apektadong klase. 

Bilang tugon sa aberyang ito, pinalawig pa ang enrollment hanggang sa susunod na linggo, mula Agosto 29 hanggang Setyembre 1; ang change of matriculation period naman ay sa Setyembre 4 hanggang 8.

Walang iwanan

Sa isang sensing poll na isinagawa ng CDC Student Council (CDC-SC), mahigit 150 na ang tinatayang bilang ng mga mag-aaral na naapektuhan ng pagkawala ng mga units. 

“Naalarma ang konseho sa nangyaring pagtanggal ng enlisted units na reserved pala sa mga freshies. Sa ginawang sensing poll… majority mula sa Batch 2021 at 2022 ang nakatanggap ng email mula sa AMIS. Nakakadismaya na kahit tagumpay ang pagbasura sa SAIS, tila naging pabigat pa rin sa mga estudyante ang ginawa ng AMIS,” saad ni CDC-SC Vice Chair Leo Verdad.

Isang Council of Student Leaders (CSL) meeting ang gaganapin ng CDC-SC ngayong araw, Agosto 28, 8 p.m.

Umani naman ng pagkadismaya mula sa mga mag-aaral ng Devcom ang bagong aberya sa registration system. “Very disheartening siya,” saysay ni Alyssa Magno, Batch 2021 sa kolehiyo, at kasama sa mga maaaring mabawasan ng units. “Kasi during enlistment parang iniisip mo na guaranteed na meron ka nang unit.” Ayon sa kanya, hindi nakasaad sa abiso kung anong klase ang matatanggal sa enlisted units niya. 

“Nawa’y mapangatawanan ng komunidad ng AMIS ang Walang Iwanan dahil ngayon pa lamang, kapansin-pansin na marami nang naiiwanan,” pahayag naman ni Vincent Moreno, Batch 2022 na mag-aaral sa Devcom na kinukumpleto pa rin ang kanyang units para sa darating na semestre.

Hiling na adjustment period

Kasalukuyan namang nangangalap ng mga tugon sa isang survey ang UPLB University Student Council (USC) upang malaman ang bilang ng mga estudyanteng naapektuhan ng aberyang ito at kung ilan pa ang kakailanganing karagdagang mga klase.

“Patuloy na nagsusumikap ang DX AMIS Team at Committee na binubuo ng mga mag-aaral, staff at administrators upang matugunan ang kabagalan ng website,” wika ni USC Chair Gio Olivar sa Tanglaw. “Ngunit ang pinaka-ugat pa rin ng problema na kinakaharap natin tuwing registration period ay ang kakulangan ng slots na epekto ng budget cut.” 

Nakikipag-ugnayan din ang konseho sa Office of the Vice Chancellor for Student Affairs (OVCSA), Office of the Vice Chancellor for Academic Affairs (OVCAA) at Office of the Chancellor upang humiling ng dalawang linggong ‘adjustment period’.

Ang adjustment period ay inimungkahi simula ngayong Agosto 28 hanggang Setyembre 8 “para makapag-adjust, maka-avail ng teachers’ prerog at makakuha pa ng units ang ating mag-aaral.” Pahayag ni Olivar sa student press, nagbigay na ng rekomendasyon ang OVCSA na pagbigyan ang hiling ng mga konseho; hinihintay pa ang magiging tugon ng OVCAA at ni UPLB Chancellor Jose Camacho Jr.

Kaugnay nito, hinihimok ng konseho ang mga mag-aaral na makilahok sa gagawing First Day Rage Mobilization ngayong Miyerkules, Agosto 30 ng 3:30 p.m. sa harap ng CAS Building. “Nanatili ang ating panawagan na hindi dapat mga Iskolar ng Bayan ang kumakargo ng mga ganitong uri ng problema,” pagdidiin ni Olivar. “Kaya’t patuloy na naniningil ang konseho sa UP System at Marcos-Duterte administration dahil sa kanilang misaligned priorities, lalo na sa sektor ng edukasyon.”


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya