DAPAT MONG MALAMAN

  • Panawagan ni UP Student Regent Iya Trinidad na makiisa ang UP admin sa pakikibaka at pagkondena sa mga pang-aatake ng estado sa kanilang mga lider-estudyante.
  • Pinabulaanan ng mga lider-estudyante ang paratang sa kanila ng estado na sangkot sila sa terorismo.
  • Ayon sa mga biktima, ginagawang rason ng estado ang Anti-Terrorism Act of 2020 para supilin ang mga human rights defenders.


Nanawagan ang UP Office of the Student Regent (OSR) at Katipunan ng mga Mag-aaral sa UP (KASAMA sa UP) sa administrasyon ng University of the Philippines na aksyunan ang mga pang-aatake ng estado sa mga lider-estudyante.

Sa inorganisa nilang Defend the Defenders online press conference noong ika-5 ng Setyembre, idinetalye ng mga lider-estudyante at mga Student Regent Nominee ang mga naranasan nilang sunod-sunod na pangdidiin mula sa estado kamakailan lang.

Pinabulaanan ni John Peter Angelo Garcia, Chairperson ng Youth Advocate for Peace and Justice (YAPJUST) UPLB at third Student Regent Nominee, ang paratang sa kanya ng 59th Infantry Battalion na siya umano si alyas Tango ng New People’s Army (NPA). Base sa alegasyon sa kanya, namataan daw siya bilang isa sa mga nag-tour of duty sa NPA sa Batangas noong 2021. “Wala pong katotohanan lahat ng mga paratang nila at malinaw na idinidikit lang nila ako sa pangalang Tango para ma-intimidate o matakot ako dahil kasama ako sa nag-imbestiga sa pagpatay ng 59th IB kay Kyllene Casao last year,” ayon kay Garcia.

Ang paratang na ito kay Garcia ay kasunod ng pagtayo niyang paralegal ni Ken Rementilla, mag-aaral sa UPLB na Regional Coordinator ng Anakbayan Southern Tagalog. Una nang inakusahan si Rementilla ng 59th IB noong Hunyo ng ‘gawa-gawang’ kaso na paglabag umano sa Anti-Terrorism Act of 2020. Ayon sa Karapatan Southern Tagalog, isang fact-finding mission ang isinagawa ni Rementilla sa Taysan, Batangas. 

“Dahil sa Terror Law, mas nagiging legitimized ang panghahambing ng gobyerno sa tapat ng human rights work at sa terorismo na parang iisa lang ang dalawang ito… We stand that these accusations are all lies as part of the military’s attempt to blur the lines between armed and civilian individuals,” giit ni Garcia. “We call on our justice system, dismiss the trumped-up complaints filed against human rights defenders now.”

Samantala, nakatanggap naman si Red Masacupan, Associate Editor ng Himati at second Student Regent Nominee, ng isang liham na iniwan sa kanyang dormitoryong tinutuluyan sa Davao City noong ika-22 ng Agosto. “Kakauwi ko lang sa dorm tapos may napansin akong nakatuping bondpaper, naka-ribbon pa, nakasulat: Masacupan, komunista, nakamasid kami saiyo at sa mga kasama mo,” pahayag niya. 

Nangyari ito ilang araw matapos ang ika-55 na General Assembly of Student Councils (GASC) na isinagawa sa lungsod, kung saan hinarangan ng pulisya ang kilos-protestang inorganisa ng mga lider-estudyante at human rights defender. “Mga estudyante lang naman tayo. Placard at megaphone lang ang bitbit natin. Ano ba ang kinakatakot nila?… Wala tayong ginagawang mali.”

Kaugnay ng mga pang-aatakeng nararanasan ng mga lider-estudayante at human rights defender ng Unibersidad sa kamay ng mga estado, panawagan ni UP Student Regent Iya Trinidad sa isinagawang press conference “ang pakikiisa ng administrasyon ng UP sa pakikibaka at pagkondena sa mga pang-aatake ng estado sa kanilang mga constituent, pati na ang manawagan sa pagpapatalsik ng isang pasistang estado.”

Hinamon ni Trinidad ang administrasyon para sa agarang pag-iinstitusyonalisa ng Committee on the Promotion and the Protection of Human Rights and Academic Freedom “upang kagyat na matugunan ang pagprotekta sa karapatan, kapakanan, at kalayaang pang-akademiko.”

“Nitong mga nagdaang buwan, tuloy-tuloy ‘yong paggamit ng estado sa Anti-Terrorism Act upang iintimida ‘yong ating mga human rights defenders. And we condemn all these attacks,” pahayag ni Gio Olivar, Chairperson ng UPLB University Student Council.

“Asahan ninyo na sa bawat pang-aatake ay iigting ang aming paglaban. Hindi tayo ang mga terrorista at walang mali sa ating paglaban,” giit ni Trinidad.

#


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya