Isinulat ang istoryang ito ni Sean Angelo Guevarra at Reuben Pio Martinez.
DAPAT MONG MALAMAN
- Nahaharap sa iba’t ibang paraan ng pamamasista ang mga aktibista sa Southern Tagalog, gaya ng pagbaluktot ng batas o direktang pananakot at pagbabanta.
- Para sa mga nahaharap sa mga banta o panganib, patunay lamang ito ng kawalan ng pagpapahalaga ng pamahalaan sa karaingan ng mamamayan.
Patuloy ang umiigting na pag-atake sa mga progresibo sa Southern Tagalog, sa sunod-sunod na red-tagging at pagsampa ng mga sundalo at kapulisan ng mga gawa-gawang kaso.
Mula sa naging reklamong natanggap ng mga lider-estudyante mula sa mga elemento ng estado, hanggang sa mga karanasang isinalaysay ng ilang mga aktibista sa Tanglaw, mahihinuha ang nagpapatuloy na panunupil sa mga kritiko ng pamahalaan.
Kamakailan, inaakusahan si John Peter Angelo Garcia, tagapangulo ng Youth Advocates for Peace and Justice (YAPJUST) UPLB at isa sa mga naging nominado sa pagiging susunod na UP Student Regent bilang kasapi ng New People’s Army (NPA).
Ayon sa isang Facebook post ng YAPJUST noong ika-1 ng Setyembre, inakusahan ni Sgt. Jean Bajaro ng 59th Infantry Battalion ng Philippine Army (IBPA) si Garcia na umano’y nasa “tour-of-duty” para sa Batangas noong 2021. Gamit pa umano ni Garcia ang taguring “Tango.”
Paniwala naman ni Garcia na ang mga alegasyon ay maiuugat sa kaniyang pagiging paralegal ni Kenneth Rementilla, regional coordinator ng Anakbayan Timog Katagalugan (TK) at dating councilor ng College of Development Communication Student Council (CDC-SC). Matatandaang inakusahan din si Rementilla kasama ni Jasmin Yvette Rubia, secretary-general ng Mothers and Children for the Protection of Human Rights sa Batangas, ng paglabag sa Anti-Terrorism Act of 2020 nitong taon.
Nakibahagi sina Rementilla at Rubia sa iba’t ibang fact-finding mission sa pag-iimbestiga sa kaso nina Maximino Digno at Kyllene Casao noong 2022. Pinaslang sa Taysan, Batangas noong Hulyo 2022 si Casao, isang 9 anyos na babae. Apat na araw ang makalipas, pinatay naman si Digno, isang matandang magsasaka, sa Calaca, Batangas.
Hinuha ni Garcia, ang kanyang partisipasyon sa imbestigasyon ay maaari ring rason kung bakit siya nahaharap sa akusasyon ng 59th IBPA. Paliwanag ng lider-estudyante sa isang press conference: “Malinaw naman na idinidikit lang nila ako sa pangalang ‘Tango’ para ma-intimidate o matakot ako . . . . August last year pa po nila isinasampa ang kaso sa isang nangangalang ‘Tango,’ pero bakit ngayon lang nila ako idinadawit dito? Bakit ngayon lang sinasabi na ako si ‘Tango?”
Dagdag ni Garcia, ginagamit umano ng pamahalaan ang Anti-Terrorism Act upang pigilan ang mga human rights workers na makapaglingkod sa mga nananagalilangan. “Gusto kasi ng state forces na pagtakpan ang state violations na ‘yun, and in the end, ang sisi ay sa mga progresibo. Dahil sa Terror Law, mas nagiging legitimized ang pahambing ng gobyerno sa human rights work at sa terorismo, na parang iisa lamang ang dalawang ito.”
Pagbabanta at pananakot
Sa Batangas, laganap rin ang iba’t ibang klase ng pananakot sa mga aktibista kasabay ng militarisasyon sa lalawigan. “Lumalala ito dahil ninonormalisa na ng mga kasundaluhan ang pagha-house-to-house, malalang red-tagging, at panlilinlang sa mamamayan,” saad ni Christian Bearo, tagapagsalita ng Sugarfolks’ Unity for Genuine Agricultural Reform (SUGAR), sa isang panayam ng Tanglaw.
Ang SUGAR ay alyansa ng mga magbubukid na ipinapaglaban ang mga hanapbuhay ng mga nasa industriya ng asukal. Matatandaan na sila ay nanawagan na buksan muli ang Central Azucarera de Don Pedro Inc. (CADPI), isang sugar mill na noo’y pinakamalaki sa Luzon at isinara ng kumpanyang nagmamay-ari nito noong Disyembre 2022.
Makikita ang punto ni Bearo ang iba’t ibang insidente sa Batangas, tulad sa Brgy. Calantas sa Calaca, ang komunidad ng San Isidro Sur sa Sto. Tomas, at lalo na sa Brgy. Putol sa Tuy. Noong ika-3 ng Agosto, pinagbantaan ang mga residente at inokupa umano ng mga kasapi ng 59th IBPA ang mga bukid at tahanan sa barangay.
Paliwanag ng SUGAR sa isang Facebook post, ang mga residente ay natatakot para sa kalusugan ng mga bata at matatanda sa barangay, at maging biktima ng extrajudicial killing (EJK). Bunsod nito, napilitang lumikas si Jaysie Balugna, tagapagsalita at provincial coordinator ng Kaisahan ng mga Manggagawang Bukid sa Tubuhan (KAISAHAN) Batangas, kasama ang kanyang pamilya.
Nagbanta rin ang isang nagpakilalang “ahente ng estado” sa kapatid ni Balugna na “kung hindi ilalabas si Jaysie, ay ang pamilya nila ang babalikan ng militar, dadamputin, at sila ang kakasuhan.”
Kakasuhan din sina Balugna, Garcia, Rementilla, Rubia, at 10 pang progresibo at iba pa ng Quezon City Police Department (QCPD) sa kawalan umano ng permit para magdaos ng protesta noong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Marcos noong Hulyo 24.
Ilan sa mga miyembro ng SUGAR ay nakaranas din ng intimidasyon, gaya ni Kim Federizo. Iniulat noong ika-7 ng Agosto ng Bahaghari Batangas, kung saan nagsilbi bilang chairperson si Federizo simula 2020, na anim na miyembro ng 59th IBPA ang kumuha ng kaniyang litrato. Nagsagawa rin umano ang militar ng house-to-house sa lugar dala ang litrato ni Federizo.
Kamakailan din ay dinukot ang dalawang volunteer ng SUGAR na sina Alfred Manalo at Lloyd Descallar sa labas ng Medical Center Western Batangas sa Balayan noong ika-26 ng Marso. Kasama ang bystander at senior citizen na si Angelito Balitostos, inakusahan ang tatlo bilang mga miyembro ng NPA, at nilagay sa kustodiya ng 59th IBPA nitong Abril.
Nang tinanong si Bearo kung ano ang mga maaring rason kung bakit nagaganap ang militarisasyon, pinaliwanag niya na ito ay “bunsod ito ng magiting na kilusang masa sa lalawigan”. “Maaring threatened ang kasundaluhan dito at desperado para gapiin ang mga rebolusyonaryong grupong CPP-NPA-NDF sa lalawigan na laging inili-link sa amin,” dagdag ni Bearo.
Sa kabila ng sitwasyong ito, paniwala ni Bearo na nahuhumiyaw ang mga mamamayan ng Batangas para sa hustisya laban sa mga “berdugong kasundaluhan.” “Kaya naman, patuloy ang ating panawagan upang tuldukan na ang militarisasyon sa buong lalawigan ng Batangas … Nananawagan tayo sa mga mamamayan na makiisa para palayasin ang sinungaling, redtagger, holdaper, at mamamatay-taong 59th IBPA,” bahagi niya sa Tanglaw.
Hindi natatapos ang laban
Bukod sa mga miyembro ng SUGAR, nabangit din ni Bearo ang iligal na pag-aresto kina Ernesto Baez, Jr., Jose Escobio, at Junald Jabonero sa Brgy. Buhay na Sapa sa San Juan, Batangas noong ika-24 ng Agosto. Bagaman nakalaya na sina Escobio at Jabonero noong ika-3 ng Setyembre, nananatiling nakakulong si Baez sa Camp Miguel Malvar.
Si Escobio ay isang multicab driver, kasama ang kanyang kaibigan na si Jabonero, at sinusundo si Baez, isang organisador ng Samahan ng Magbubukid sa Batangas (SAMBAT). Ayon sa SAMBAT, tinaniman ng pulis ng mga baril at pampasabog sa kanilang sasakyan, pagkatapos silang “pinababa, tinutukan ng mga baril ng kapulisan, dinampot sa hindi nila malamang dahilan, at tinakluban ang mga ulo.”
Ayon sa panayam ng Tanglaw kay Hailey Pecayo, tagapagsalita ng Tanggol Batangan, pinilit ang tatlo ng mga miyembro ng Batangas Provincial Police Office (PPO) na umamin bilang NPA at nagbanta pa na “idadamay at gagalawain” ang kanilang mga pamilya.
Bagaman kapulisan at hindi ang 59th IBPA ang nasa likod ng pag-aresto sa tatlo, giit ni Pecayo na sinasalamin ng sitwasyon ang pang-aabuso ng mga pulis at sundalo sa batas. “Ang mahabang listahan ng mga paglabag sa karapatang pantao at paggamit sa mga batas laban sa mamamayan ay siya ding nagdudulot ng pagkawala ng tiwala ng mamamayang Pilipino sa administrasyong Marcos-Duterte,” aniya.
Dagdag din niya, ginagamit lamang na “gatasang baka” ng mga elemento ng estado ang mga confidential at counter-insurgency funds sa ilalim ng mga ahensya ng pamahalaan. Kamakailan lamang ay kinundena ng mga progresibo ang paghingi ng Department of Education (DepEd) nang higit P150 milyon sa budget nitong P758.6 bilyon sa 2024 para sa “national security.” Para kay Pecayo, “hindi kailanman nanaisin ng rehimeng ito na mabigyan ng hustisya ang mga biktima ng paglabag ng karapatang tao.”
Si Pecayo din ay nakasama sa ilang fact-finding mission sa pagpaslang kina Casao at Digno, at inakusahan din siya ng 59th IBPA bilang kasapi ng NPA. Bukod dito, siya rin ay inakusahan ng paglabag ng International Humanitarian Law at umano’y attempted murder.
Sa kabila ng mga ito nagpapatuloy ang paninindigan ni Pecayo bilang human rights defender. Aniya, lumalaban ang mga progresibo sa paraan ng “sama-samang pagkilos – pagharap sa mga kasinungalingang inaakusa sa akin at sa mga katulad ko pang biktima. Tiyak akong kung papanig lamang sa katotohanan at kung gaano ka sinsero ang aking human rights work, mababasura ang mga kasong inireklamo sa akin.”
PAGWAWASTO (Set. 10, 2023): Walang sinasampang reklamo ang QCPD kay Pecayo, ukol sa naganap na mga kilos-protesta sa nakaraang SONA.



