
Hindi na bago ang pangamba ng mga estudyante ng UP na matapos ang kanilang pag-aaral sa itinakdang oras, at ang pagkakaroon ng sapat na units upang makamit ang inaasam na Sablay. Kaya naman, pagkadismaya ang sumalubong sa karamihan ng sangkaestudyantehan sa pagbubukas ng unang semestre sa UPLB ngayong pang-akademikong taong 2023-2024, dahil sa isang aberyang nagdulot ng pagkawala ng units sa Academic Management Information System o AMIS. Kapuna-puna man ang nangyari, hindi mapagkakaila na ang lahat ng nasasakupan ay biktima rin lamang sa mas malaking suliranin na hinaharap ng buong unibersidad.
Maiiwasan sana ang naging aberya kung napagbigay-alam nang maaga ang mga estudyante na mayroong pagsasatabi ng mga slots para sa mga incoming freshmen sa mga section na nakalaan sa platform, kagaya ng karanasan natin sa lumang registrational portal. Maaaring ito’y nakaligtaan lalo na’t sumabay ang maagang pagbubukas ng semestre sa panahon ng pagpapatibay ng sistema ng AMIS bilang bagong enrollment system ng unibersidad, ngunit hindi maiwasan ang pagkadismaya ng mga estudyante matapos paghirapang kunin ang mga inaasam na units. Bagaman naiintindihan natin na hindi perpekto ang anumang bagong sistema, karapatan pa rin naman ng mga estudyante ang disente at kalidad na pag-aaral, kaya’t sa kabila ng mga birthing pains ng AMIS ay nararapat lamang na punan sa hinaharap ang naging pagkukulang sa pamamagitan ng pag-ako at harapin ng may pananagutan sa naging aberya.
Subalit, kahit agaran namang pinahaba ang panahon ng registration period at iba pang mga hakbang na isinagawa ng administrasyon, mahihinuha na kahit anuman ang kanilang gawin ay hindi ito tutugma sa pinakaugat ng isyu: ang kakulangan ng slots na ibinibigay ng mga kolehiyo.
Sa atin sa Devcom, itinuturo na dapat tinutugunan ng solusyon sa anumang problema ang ugat ng suliranin, at hindi lamang ang sintomas nito, upang hindi maantala sa isang vicious cycle. Sa madaling sabi, pagdaragdag lamang ng mga bagong sections ang maituturong solusyon sa paulit-ulit na problemang ito dahil hindi naman makakakuha ang mga mag-aaral ng isang bagay na kulang naman talaga sa simula pa lamang.
Lahat ito’y tumuturo sa sentrong suliranin: ang kakulangan sa budget upang makapagbigay ng sapat na pondo para may makatarungang sweldo sa pagtuturo, at ang mga maayos na mga pasilidad at mga pagkukuhanan upang matugunan ang academic requirements ng sangkaestudyantehan. Kasunod ng halos P3 bilyong budget cut sa unibersidad, pilit na lumubha ang kakayahan ng institusyon upang maibigay sa mga sektor sa unibersidad ang pangangailangan nito.
Hindi mapagkakaila na ang mga naging kilos at resolusyon ng gobyerno sa mga priyoridad na programa nito ay kaugnay sa katayuan ng Unibersidad sapagkat ito ay isang state instititution na dumedepende sa pondo na ibinibigay ng pamahalaan. Kaya naman, patuloy dapat na ipaglaban ng sangkaestudyantehan ang kanilang karapatan sa kalidad na edukasyon sa gitna ng mga budget cuts at mga hindi makatarungang educational reforms, kagaya ng pagsasabatas ng mandatory ROTC at ang DepEd Order No. 21, series of 2023 o ang Brigada Eskwela Implementing Guidelines kung saan itinuturing distraksyon ang mga dekorasyon na mahahanap sa silid-paaralan ng mga estudyante sa mababang paaralan.
Tandaan: walang daang perpekto sa pagtamo ng kaunlaran. Sa diwa ng sinasabing #WalangIwanan, hindi nawawala ang tungkuling tugunan ang mga pananagutang sumasalubong sa daan papunta rito. Mahaba pa ang panahon at malayo pa ang daang tatahakin upang makita kung ito’y mapaninidigan, at alalahaning hindi dapat hinahayaang hadlang ang masalimuot na sistema upang matagumpay na ibigay ang mga nararapat sa sangkaestudyantehan. Alalahanin natin ang tunay na may sala at singilin ang nararapat sa pamamagitan ng pakikibahagi sa pagpapahayag ng mga panawagan ng sangkaestudyantehan sa unibersidad at sa pamahalaan.
Ito ay isang komentaryo mula kay Tanglaw columnist Andrea Bodaño, na naglalahad ng personal niyang opinyon sa mga napapanahong isyu.




You must be logged in to post a comment.