
Napawalang-sala kamakailan ang beteranong mamamahayag at kilalang kritiko ng nagdaang administrasyong Duterte na si Maria Ressa ng Rappler. Naharap sa limang patong-patong na tax evasion case si Ressa at ang Rappler, na isinampa ng administrasyong Duterte laban sa kanila noong taong 2018. Enero 2023 nang sila ay mapawalang sala sa apat na kaso at tuluyang nabasura ang panglima. Subalit, hindi pa rito natatapos ang kanilang pagharap sa hamon sapagkat may dalawang kaso pa na cyber libel ang kakaharapin sa korte ni Ressa, kasama si Rey Santos Jr., isa rin sa mga manunulat ng Rappler.
Sa bansang nasa ika-132 pwesto sa 180 na bansa na kasapi sa World Press Freedom Index, maituturing na pagkapanalo ang naging hatol ng korte sa kasong kinaharap niya. Kaugnay nito, nagbigay rin ng pahayag si Maria Ressa para sa kasalukuyang administrasyong Marcos, aniya: “I think we’ve seen the transition from the last administration to this administration is lifting of fear, right? We feel it in the public. We feel even, I suppose, among the cases [of] the journalists.”
Dinagdag naman ni Ressa na marahil ang panahong ito ay dapat na bantayan ng mga mamamahayag: “I hope it isn’t the calm before the storm.” Sa sitwasyon ng ibang mga peryodista, mukhang nararamdaman na ang hagupit ng tinaguriang bagyo. Sa unang taon ng pagkakaupo ni Marcos Jr., tatlong kaso ng pag-atake sa mga pamamahayag ang naitala sa Pilipinas. Isa rito ang pananambang sa batikang mamamahayag na si Percival “Percy Lapid” Mabasa, na kilalang matinding kritiko ng rehimeng Marcos-Duterte.
Mismong si Ressa ay naging saksi kung gaano kasalimuot ang araw-araw na pakikibaka ng mga mamamahayag para lamang makapaghatid ng balita sa sambayanan. Sa anim na taong pamumuno ni Duterte, anim na taon rin siyang nakaranas ng mga pananakot, pag-atake at pang-aabuso sa kaniya bilang indibidwal at sa Rappler. Nakakatanggap siya ng maaanghang na pahayag mula sa dating Pangulo. Ilang beses rin siyang pinagbantaang makulong dahil sa mga paratang na ibinabato sa kaniya.
Ayon sa Philippines-Bases Center for Media Freedom and Responsibility (CFMR), mula Hunyo 30, 2022 hanggang Abril 30, 2023 o sa sampung buwan mula nang maupo si Marcos Jr. ay nakapagtala sila ng 75 na paglabag sa malayang pamamahayag. Ito’y higit na mataas kaysa bilang ng pag-atake noong unang taon ng panunungkulan ni Rodrigo Duterte. Paano pa kaya sa mga sumunod na buwan at darating pang taon ng panunungkulan ng anak ng diktador?
Maraming mga mamamahayag ang hindi kasingpalad ni Ressa na kinatigan ng gulong ng hustisya. Katulad na lamang ni Frenchie Cumpio na inaresto noong Pebrero 2020, isang mamamahayag na hanggang ngayon ay nananatiling nasa piitan sa kasong possession of Illegal firearms at pagkasangkot sa terorismo. Nanatiling mabagal ang pag-usad ng kaso.
At sa yugtong ito ng pamumuno ni Marcos, hindi maaninag ang kalayaan ng kahit na normal na mamamayan na ipahayag ang kanilang saloobin. Nito lamang Setyembre 19, isiniwalat ng dalawang aktibista na sina Jhed Tamano at Jonila Castro sa isang press conference na mismong inorganisa ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELFAC) ang pandurukot na kanilang naranasan sa kamay ng mga militar, taliwas sa kanilang pahayag na boluntaryo daw ang mga ito na sumuko at humingi ng saklolo. Ika-2 ng Setyembre noong sila ay nawala at ginawan ng pekeng affidavit. Pinagbantaan rin ang kanilang buhay upang sapilitang dakpin. Walang bahid ng salitang “malaya” ang naranasan ng dalawang kabataang aktibistang ito sa kamay ng mga militar.
Talamak din ang red-tagging maging sa mga katutubong lider, tulad na lamang ni Beverly Longid, ang nangunguna sa partidong Katribu. Kilala ang Katribu sa pagtataguyod ng karapatang-pantao ng mga katutubo sa Pilipinas. Ayon kay Longid, 2009 pa lamang ay nakakaranas na siya ng mga pagbabanta bilang dating lider ng Cordillera People’s Alliance. Kasama sa mga harassment na kaniyang nararanasan ay ang pagpapakalat ng mga litratong siya lamang ay nakasuot ng salawal matapos itong i-edit mula sa orihinal niyang mga litrato. Ang iba rin niyang litrato ay nilalagyan ng mga pangil at sungay. At nitong 2020, naranasan niyang maparatangan sa isang news conference na inorganisa ng mga kapulisan bilang isang recruiter ng New People’s Army (NPA), ngunit hindi naman ito napatunayan.
Sanga-sanga ang ebidensya na nagpapatunay na nananatiling may busal pa rin ang bibig ng mga Pilipino, masikip pa rin ang Pilipinas para sa malayang pamamahayag at aktibismo. Marami pa rin ang mamamahayag at aktibistang nanganganib ang buhay dahil lamang sa pagganap nila sa kanilang tungkulin. Kung tutuusin, marami sa mga lokal na mamamahayag ang nananatiling nakalagay sa hukay ang isang paa at malayong makatikim ng karirimpot na hustisya laban sa mga pag-atake. Ang pagkakawalang-sala kay Ressa ay simula pa lamang ng malayong lakbayin para sa tunay na kalayaan na dapat na tinatamasa ng mga mamamahayag.
Ito ay isang komentaryo mula kay Tanglaw columnist Thesa Mallo, na naglalahad ng personal niyang opinyon sa mga napapanahong isyu.




You must be logged in to post a comment.