Kalakip ng istoryang ito ang ulat ni Princess Leah Sagaad. Ang litrato ay kuha ni Marius Cristan Pader.
DAPAT MONG MALAMAN
- Tinalakay sa mga plataporma ng mga kandidato sa CDC FC ang mga isyung panlipunan at kapakanan ng mga FSTs.
- Humarap ang mga kandidato sa mga panelists mula sa iba’t ibang organisasyon at institusyon sa UPLB.
Pagsulong ng karapatan sa edukasyon ng sangkaestudyantehan ng Devcom at pagsasagawa ng mga inklusibong inisyatibo para sa mga freshies, shiftees, at transferees (FSTs) ang naging sentro ng ginanap na Miting de Avance ng mga lider-estudyante na kumakandidato para sa bagong hanay ng College of Development Communication Freshman Council (CDC FC) noong Biyernes, Okt. 13.
Isa-isang naglahad ng kani-kanilang mga General Plan of Actions (GPOA) ang mga kandidatong sina Gean Magbuo at Adriyana Nieto ng bloc B3, Johnrey Delos Santos ng bloc F5, Jedd Abordo at Adrienne Palomar ng bloc WX3, at Juliana Alcoriza ng bloc WX4.
Bilang tanda ng pagpapalit ng posisyon, nagbahagi rin si outgoing CDC FC Chairperson Raymond Balagosa ng payo sa mga kandidato sa kanilang magiging responsibilidad bilang bahagi ng konseho. “Susubukin tayo ng maraming pagbabago, hahamunin tayo ng panahon, at may pagkakataong tatalikuran tayo ng lipunang ipinaglalaban natin, ngunit ang mga laban at panawagang walang pagod nating itinataguyod para sa kanila ay isang manipestasyon ng pag-asa.”
Pagsulong ng makamasang adbokasiya
Kabilang sa mga ibinahaging plataporma ng mga kandidato ang pagpapatambol ng mga isyung panlipunan na karapatang malaman ng mga FSTs. Kabilang dito ang pagbabahagi ng regular na pahayag ng CDC FC sa mga tinaguriang “red letter dates” o mga araw na may komemorasyon, tulad ng ibinahagi nina Abordo, Alcoriza, at Magbuo.
“Bilang isang estudyante ng komunikasyong pangkaunlaran […] dapat ipatambol ang ating kampanya sa mga social media platforms,” wika ni Magbuo. “Mulatin pa po natin ‘yong kamalayan ng mga FST at hindi lang dapat mangyari po sa FC ‘yon kung hindi dapat tayo din po as part of the FST,” salaysay naman ni Alcoriza.
Binanggit din ni Delos Santos ang pagsasagawa ng mga workshops at educational discussions ukol sa mga isyung napapanahon. “Makisali tayo sa mga kilos-protesta na nagaganap at the same time let us maximize our use of platforms. Napakarami nating social media accounts bakit hindi natin suportahan ang mga mass organizations na naglulunsad ng ganitong mga kilusan.”
Kasama rin sa mga aksyong layong isagawa ng mga kandidato ang mga aktibidad tungo sa pagbuo ng pagkakaisa sa lahat ng FSTs. Ibinahagi ni Abordo ang pagkakaroon ng CDC FC and Freshie Connection upang mas magkaroon ng kaalaman ang mga FSTs ukol sa kung ano ang mandato ng CDC FC para sa lupon ng FSTs, habang hindi nawala sa GPOA ng mga kandidato ang pagsasagawa ng open forum at regular na pagtitipon upang maibahagi ng mga mag-aaral ang kanilang mga hinaing na maaaring takdaan ng konseho.
“Let’s first have a discussion within the DevCommunity [Devcom Community], kailangan well informed muna tayo, well-versed tayo. Dapat napag-uusapan natin ‘to sa loob ng classroom, sa ating mga magkakaibigan, kung ano ba talaga ‘yong nangyayari nang sa gayon tama ‘yong mabibigay nating impormasyon sa labas,” ani Palomar.
Pagsasabuhay ng diwa ng Devcom
Bilang mga kinatawan ng mga FSTs ng Devcom, binigyang diin din ng mga kandidato ang pagsasagawa ng mga aktibidad na nakaangkla sa turo at prinsipyo ng komunikasyong pangkaunlaran.
Kabilang sa mga inisyatibong ibinahagi nila ang pagsisilbi sa iba’t ibang mga sektor sa loob at labas ng kolehiyo, tulad ng pagsasagawa ng public service activities na layong magbahagi ng tulong at makakaunlarang balita sa iba’t ibang mga komunidad gamit ang mga natutunan ng mga mag-aaral sa kanilang mga kurso.
“Bilang isang Devcom in training, we are for the marginalized at tayo ang nagiging boses para sa kanilang lahat kaya dapat aware tayo kahit freshie palang sa mga ganitong uri ng bagay [mga napapanahong isyu] upang maipakita natin sa publiko na merong existing problem at kailangan magkaroon ng isang aksyon para masolusyunan ito,” wika ni Abordo.
Bilang mga kinatawan din ng konseho para sa mga susunod na pangkat ng mga freshman sa darating na taong-pang-akademiko 2024-2025, ibinahagi rin ng mga kandidato ang kanilang plano sa pagsasagawa ng mga freshie welcoming activities upang gabayan ang mga bagong mag-aaral. Kasama rin dito ang pagsasagawa ng mga aktibidad na layong ipakilala ang programa ng Devcom sa publiko.
Tindig sa isyung napapanahon
Matapos ang paglalahad ng kanilang mga GPOA, humarap naman ang mga kandidato sa mga panelists na kumakatawan sa iba’t ibang mga organisasyon at institusyon sa UPLB.
Kabilang sa kanila sina Benedict Kyle Barber ng National Network of Agrarian Reform Advocates (NNARA Youth-UPLB), Maggie Dolar, Councilor ng University Student Council, Ken Rementilla, Regional Coordinator ng Anakbayan-ST, Jelaine Kate Pagayon, Chairperson ng CDC Student Council (CDC-SC), Raymond Balagosa, outgoing CDC FC Chairperson, at isang kinatawan ng Tanglaw.
Isa sa mga katanungan nina Dolar at Pagayon ay ukol sa paghimok sa sangkaestudyantehan upang makibahagi sa pagsagot ng mga surveys para sa kolektibong panawagan ng mga mag-aaral tulad ng Students’ Agenda and List of General Demands (SAGD), at ang pagpapataas ng partisipasyon ng mga mag-aaral ng Devcom sa ginaganap na Council of Student Leaders (CSL).
Naging tugon ni Magbuo sa katanungan na isa sa mga dahilan kung bakit mababa ang partisipasyon ng mga FST ukol sa ganitong surveys at pagpupulong ay dahil hindi ito pamilyar sa kanila. “Dapat isama ‘yong mga list of SAGD sa freshman orientation pa lang para alam agad ng mga FST ang mga kinakaharap nating isyu, kung ano ‘yong dapat nating gawin at saan ba naninindigan ang ating konseho pagdating mga sa isyung ito.”
Binahagi naman ni Barber ang kaniyang katanungan sa kung paano magagamit ng mga kandidato ang gawi ng komunikasyong pangkaunlaran upang matugunan ang pagkalugi ng mga magsasaka sa palay.
Tugon naman nina Delos Santos, Magbuo, at Palomar na ang problema ay nag-uugat sa kung sino ang nakaluklok sa pwesto. “I will be brave enough to say na si Bongbong Marcos ang problema. Hindi nabibigyan ng funding ang Department of Agriculture at the same time, yung totoo, we are becoming food dependent na,” diin ni Delos Santos.
“Ang ugat ng problemang ito [pagbaba ng bili sa palay] ay mali kasi ‘yung iniluklok sa pwesto. Yung mga secretary ng mga ahensya, hindi naman talaga sila qualified para sa ahensyang ‘yun,” wika ni Palomar. “Gagamitin ko po ‘yung komunikasyong pangkaunlaran hindi lamang sa pagbabalita ng ganitong isyu bagkus para mainform natin ang mga magsasaka sa kanilang karapatan,” ayon naman kay Magbuo.
Ang diwa ng paglilingkod
Sumentro naman sa lokal na isyu ang katanungan ni Rementilla at ng kinatawan ng Tanglaw, sa kung paano mapapatambol ng mga kandidato ang mga panawagan para sa Defend the Defenders at pagprotekta sa press freedom, partikular sa konteksto ng Devcom.
Hinimok ng mga kandidato ang mga kapwa mag-aaral nila na lumabas sa ‘echo chambers’ at makibahagi sa mga mobilisasyon na po-protekta sa mga student activists at sa karapatang magpahayag. Ibinahagi rin ni Magbuo ang kahalagahan ng paralegal training. “Dapat alam natin kung paano dedepensahan ang ating karapatan […] hindi lang ang ating sarili kundi buong komunidad natin.”
Nilahad naman ni Palomar ang pagtanggal ng kaisipan ng kompetisyon sa larangan ng pagbabalita, upang matanggal ang anumang pagkabahala ng mga mag-aaral sa pagsusulat. “Marami sa atin ang informed sa ganitong mga issue, marami rin sa atin ang campus journalist. Tanggalin ang intimidation dahil sa Devcom, lahat tayo ay natututo pa lang.”
Sa huling bahagi ng pagtatanong ng mga panel, binuksan ni Balagosa ang usapan ukol sa pagbubuklod ng mistulang ‘harang’ sa pagitan ng mga mag-aaral ng Associate of Science in Development Communication (ASDC) at Bachelor of Science in Development Communication (BSDC).
“Galing po ako ng AS[DC], kami ‘yong pioneer batch… Kung gusto nating mag-unify ang BS[DC] at AS[DC] ‘wag niyong ipamukha sa amin na kalaban namin ‘yong BS[DC] sa slots. Alam ko hindi namin kalaban ‘yong BS pero parang ganun kasi ang lumalabas na kailangan namin makipag-agawan sa kanila. We must hold the admin accountable in this issue kasi if you are not prepared to offer this course, then why offer it in the first place?” kwento ni Magbuo, isang ASDC student.
Nagwakas ang Miting de Avance sa isang open forum kung saan nagbahagi rin ng katanungan ang iba pang mga mag-aaral na dumalo. Isang mensahe rin ang ibinahagi ni Pagayon para sa mga kandidato. “Para kanino ba’t lagi tayong lumalaban? Para sa ating pamilya at para sa bayan. Sana sa mga dadaan pang mga taon ninyo dito sa UP mas mapataas natin ‘yong awareness ninyo sa mga samu’t saring isyu at sana ‘yong mga freshies natin dito, huwag tayong matakot lumaban.”



