Kasama ng istoryang ito ang mga ulat nina Princess Leah Sagaad at Sean Angelo Guevarra.
Isang mapagmahal at malikhain na guro, na may kalinga ng pagiging isang ina. Ito ang paglalarawan ng komunidad ng Devcom kay Assistant Professor Lynette B. Carpio-Serrano, na pumanaw noong Okt. 18 sa edad na 44 taong gulang.
Tila isang mahigpit na yakap ang mabasa ang mga mensaheng iniwan ng mga mag-aaral sa bintana ng opisina ni Carpio-Serrano sa gilid ng CDC Building, kung saan nagkaroon ng pagkakataon ang Tanglaw na makausap ang ilang mga taga-Devcom na naroroon.
‘Pay it forward’ — ito ang paniniwala ni Ma’am Lynette ayon sa kaniyang estudyanteng si Jheana Medialdia, Batch 2021. Aniya, tinuro ng guro ang kahalagahan ng pagbibigay sa iba, at hindi lang niya ito ibinahagi sa salita kung ‘di pati rin sa gawa.
Inalala ni Medialdia ang isang pangyayari sa kanilang klase kung saan namigay ng kape si Carpio-Serrano, at pinaalalahanan ang klase nila na sa susunod ay ibang estudyante naman ang magbabahagi ng pagkain o inumin.
“Kahit anong mangyari, kahit nagtitipid kayo, turo daw sa kaniya ng tatay niya, eat good food. Kasi pano kayo magfa-function nang maayos kung ‘di kayo kakain nang maayos. Parang ok lang daw kumain ng mga junk food, pancit canton, pero i-minimize daw kasi kailangan daw maging healthy kasi syempre nasa UP daw,” pagbabahagi ni Medialdia sa mga turo ni Carpio-Serrano.
Ayon naman kay Naomi Delos Reyes, Batch 2019, na batid niya na inilaan ni Carpio-Serrano ang kaniyang puso para sa mga kapakanan ng mga mag-aaral. “What I like about her is ‘yung she has an eagerness to remember all students. Anywhere with her is a safe space to speak and be heard,” aniya.
Isa rin sa mga nagbahagi ng kanilang karanasan ay si Alby Sabiniano, Batch 2020, na nagbahagi ng kaniyang karanasan kay Carpio-Serrano na lubhang tumatak sa kaniya kahit na sa panahon ng remote learning.
Sa isang pagkakataon noong online pa ang mga klase, kinwento ni Alby na siya ay nakapagpasa ng maling output, ngunit tinanggap pa rin ito ni Ma’am Lynette. “At that moment, doon ko lang din nalaman na ganoon siya ka-considerate as a teacher. Sobrang considerate at sobrang lenient niya sa lahat.”

Ramdam ng buong kolehiyo
Maging sa mga taga-Devcom na hindi naging guro si Carpio-Serrano, malalim ang sentimyentong kanilang naramdaman sa pagpanaw ng guro. Ito ang naging kwento ni Zawadi Atangan, na inilarawan si Carpio-Serrano bilang isang inspirasyon at taong laging maaasahan sa kahit anong situwasyon o adbokasiya.
“Ma’am Lynette always inspires not just through words but also through action kasi she’s one of the stalwart professors na advocate ng animal safety, animal conservation — isa siya roon. Even though hindi niya ‘ko naging student, I always find Ma’am Lynette approachable,” kwento ni Zawadi.
Dagdag pa ni Zawadi na naging isang inspirasyon niya si Carpio-Serrano dahil sa masigasig nitong katangian sa iba’t ibang mga bagay o larangan. “Nakaka-inspire siya through her passions. She loves musicals. Alam ko nagk-kwento siya lagi about Zsazsa Zaturnnah. And doon pa lang, there’s more to her. Akala mo very serious person si Ma’am Lynette because of how she holds high standards sa mga quality ng work na binibigay ng students pero deep inside mafi-feel mo that she always cares for the child in her and I think that’s what matters most.”
Silakbo ng saya at dalamhati ang bumalot sa bawat patak ng luhang umaagos sa mukha ng mga mag-aaral na ito, sa harap ng isang memorial na binuo ng mga mag-aaral sa bintana ng kaniyang opisina. Ngunit para sa kanila, mananatili ang mga alaala ni Ma’am Lynette sa kanilang mga isip—at ito ay isang bakas sa kung gaano kalaki at kahalaga ang buhay ni Ma’am Lynette sa mga mag-aaral ng Devcom at ng UPLB.
At habang nakadungaw ang mga mag-aaral na nagbibigay ng kanilang huling pagpupugay sa yumaong guro, tila nagpapayo si Carpio-Serrano sa kanila sa pamamagitan ng kaniyang huling ipinaskil na motivational message: “One step at a time”. ■




You must be logged in to post a comment.