Isinulat ni Ian Raphael Lopez ang istoryang ito mula sa mga ulat nina Jian Martin Tenorio, Angelo del Prado, at Reuben Pio Martinez.

DAPAT MONG MALAMAN

  • Uupo pa din sa pagkakonsehal ng CDC SC si Angelo Antipuesto.
  • Sinusunod sa kasalukuyan ang precedent noong 2019 sa USC level, kung saan dadaan sa isang CSL meeting ang sinumang kandidatong naungusan ng ‘abstain’.
  • Nais na linawin ng mga dumalo sa CSL ang ibig sabihin ng ‘abstain’ upang magkaroon ng masasandigan kung mangyari ulit ang sitwasyon.

Matapos ang tatlong oras na Council of Student Leaders (CSL) meeting noong Nob. 20, 2023, lumitaw na uupo si Angelo Antipuesto, ang kandidato sa pagkakonsehal na naungusan ng ‘abstain’ sa College of Development Communication Student Council Special Elections kamakailan.

Matatandaang matapos ang resulta ng halalan, kung saan lumamang ang abstain votes sa nakuha ni Antipuesto, 97-93, naglabas ng guidelines ang CDC SC noong Okt. 31 upang linawin sa madla ang hinaharap ng kandidato.

Sa inilabas ng CDC SC noon, dapat na magpahayag ang kandidato ng kaniyang kapasiyahan upang maupo sa puwesto at harapin ang mga mag-aaral sa isang CSL. Bilang highest consultative body sa mga mag-aaral labas ng halalan, sa CSL inaasahang matugunan ng kandidato ang mga hinaing ng mga mag-aaral.

Bilang resulta ng inilabas na guidelines, nagpaabot naman si Antipuesto ng tugon noong Nob. 3 na hindi niya na itutuloy ang proseso upang maupo sa konseho. Ngunit, matapos ng tatlong araw – at ang konsultasyon sa mga kasapi ng USC at All Student Councils Assembly (ASCA) – nilinaw ng CDC SC na dapat palang masunod ang 2019 precedent sa noo’y kandidato para sa University Student Council (USC) Vice Chair Jasper Sunga. 

Sa prosesong ito, dadaan sa masinsinang pulong sa CSL ang kandidato upang mailatag ang mga contentions ng mga mag-aaral. “Kung sa tingin natin ay misrepresentation, doon pumapasok ang CSL, ang pagbuo ng mga resolusyon. Doon natin matatatas kung paano natin maho-hold accountable ang natalong candidate based doon sa kahilingan ng mga mag-aaral,” paliwanag ng kasalukuyang USC Chair na si Gio Olivar.

Wagi si Antipuesto sa pagsunod sa precedent na ito dahil, sa konteksto ng UPLB student council elections, hindi kinikilala ang ‘abstain’ bilang isang boto. “Hindi kandidato [ang] abstain kung kaya’t hindi siya maaring manalo. Kailangan ba nating mag-abide sa 2019 decision? Yes po. Dahil no guidelines were created that would supersede the 2019 CSL resolution.”

“Kailangan dumaan sa CSL ang kandidato. Kung anuman ang magiging resulta ng CSL, dapat nakaangkla ito sa taking accountable ang kandidato. Ang abstain ay hindi isang kandidato. Dahil hindi ito kandidato, hindi natin puwede isuko ang student representation,” saad ni Olivar sa CSL.

Sa ginanap na CSL rin nalaman ng mga mag-aaral na ang botong ‘abstain’ ay hindi makakapigil sa isang kandidato sa pag-upo, lalo na’t kung wala naman itong kalaban. “Based on the 2019 CSL, hindi natin maaaring masuko ang student representation,” ayon kay Olivar. 

Gio Olivar, USC Chair

Kalituhan sa boto

Bakas sa mga naging tanong ng mga mag-aaral ng Devcom ang kalituhan sa epekto ng pagboto ng 97 na mga mag-aaral ng ‘abstain’ sa naganap na CDC SC special elections. “Hindi same ang rules sa university at iba pang konteksto,” opinyon ni Ijanver Realo, isang mag-aaral ng kolehiyo. “Sa atin kasi, nandoon ang abstain na choice na pinipili natin siya, unlike sa blangko na balota na [maaaring] nahihiya ka or may considerations.”

“Bakit kailangang paupuin pa ang nanalo sa abstain? Bureaucracy, parang prolonged pa ang process. Bakit hindi pa siya napag-uusapan, apat na taon ang nakalipas, hindi ba siya maling representasyon ng boses ng estudyante? Malaking loophole po siya sa demokrasya ng student body,” tanong naman ni Alby Sabiniano, director ng UP Alliance of Development Communication Students (UP ADS).

Bagaman kinikilala ng konseho ang mga agam-agam ng mga mag-aaral, ipinaliwanag naman ni CDC SC Vice Chair Leo Verdad ang nasa likod ng precedent. “Sa balota, we cannot define beyond that ‘yung reason kung bakit siya nag-abstain. Maybe, o kaya po, ang nangyari sa context natin, abstain is not a vote. Kaya, Antipuesto will be declared as the councilor.”

Sa pag-upo ni Antipuesto, uminog ang usapan sa suhestiyon ng ilang mga mag-aaral na maisama muli sa mga guidelines sa halalan ang ‘abstain’ at malinaw ang ibig sabihin nito. Nang dumako ang kondukta ng CSL sa paghahain ng mga resolusyon na gagabay sa pag-upo ni Antipuesto, nagkaroon ng mungkahi na bitbitin ni Antipuesto ang pagbabago ng university-wide electoral guidelines at mabigyang-linaw ang botong ‘abstain’.

Para naman sa konseho, magiging mahabang usapin ang hinaharap ng ‘abstain’ vote. “Kahit gusto natin ng mas magandang guidelines, hindi nain siya mare-resolve within this CSL,” ayon kay College Representative to the USC Juthea Gonzales. “[Ang] kaya nating gawin ay collate [the] demands na ire-raise mismo ng CDC SC… doon siya puwedeng pag-usapan at palawakin.”

Plantsahin ang gusot

Napag-usapan rin sa CSL ang nakaumang na isyu ni Antipuesto sa UP ADS. Sa miting de avance bago ang special elections, inilatag ng UP ADS ang hinaing nila sa umano’y paglalabas ni Antipuesto ng sensitibo at pribadong impormasyon ng organisasyon. Hindi ipinaliwanag ng UP ADS kung ano ang impormasyong nabanggit ng kandidato, ngunit base sa napag-usapan sa CSL ay naganap ito sa Media Lab.

Bagaman humingi ng paumanhin si Antipuesto, sinabi rin nito sa CSL na siya ay biktima umano ng ‘pangtitsismis’ sa naging sitwasyon. “I wasn’t proud to say that information in a way na dapat ma-taint ‘yung image ng UP ADS. But the reason would be kaya ko sinabi iyon sa harap ng mga residente ng ADS ay to confirm the info that I received and stop the circulation ng tisismis na iyon.”

“I do hope that you understand the weight that this apology carries,” pahayag naman ni Denise Borbe ng UP ADS. “Because when you said that you were a victim of misinformation, it is very [hypocritical] for you to say na you are a victim but then you are also tolerating it. So it is not a good image for us that you will be representing the CDC studentry whilst having this incident with one of the socio civic orgs here in CDC, in this case, kami, UP ADS.”

Bilang tugon, ipinaliwanag ni Antipuesto na kanyang mga naging naunang pahayag ay upang hindi na kumalat ang impormasyon, “I’m not a resident member of the UP ADS but I do care for the reputation…by stepping up na i-confirm na ito yung kumakalat na chismis among CDC constituents.” 

Bakas sa mga kasapi ng organisasyon na hindi sapat ang naging hakbang ni Antipuesto, kaya’t pumayag ang UP ADS sa mungkahi ng kandidato ng isang pulong kasama ang executive committee upang maisaayos ang gusot. 

Nagpahayag naman ang UPLB Development Communicators’ Society (UPLB DevComSoc), ang organisasyong kinabibilangan ni Antipuesto, ng kagustuhang mag-imbestiga rin sa kinasangkutang gusot ng kandidato. “Ngayon kung may mapapatunayan na may nagawa si Gelo na against sa gano’n siguro i-se-settle din namin ito sa membersip committee para masabihan si Gelo ng dapat niyang gawin for accountability,” saad ni Auna Carasi, kasapi ng UPLB DevComSoc.

Pabalangkas ng isang resolusyon

Matapos ang naging diskusyon sa pagitan ng sangkaestudyatehan ng Devcom at ni Antipuesto, bumuo naman ng isang resolusyon ang mga mag-aaral, na naglalaman ng mga hinahangad kay Antipuesto kapag ito ay pormal nang maging bahagi ng konseho. 

Paliwanag ni Chair Jelaine Kate Pagayon, ang pagbuo ng resolution mula sa student body ay isang paraan upang kilalanin ang nanaig na ‘abstain’ vote sa kabila ng naging desisyon ng naunang kaso noong 2019 university-wide CSL. “One thing that we can do tonight is to craft a resolution regarding the expectations of the students towards the candidate. Ito ang magsisilbi nating kumbaga tangible na dokumento sa paghingi ng accountability sa kanya.” 

Bilang panimula, iminungkahi ni Sharms De La Cruz, isang mag-aaral, ang paggawa ng isang komprehensibong electoral guideline na nagpapaliwanag sa kapangyarihan ng abstain vote. 

“Nung nag USC elections…ang nakarating na balita para sa kagaya kong estudyante ay hindi ganito ‘yung kahahantungan kapag nag-abstain ka, iba ‘yung definition ng abstain vote. Tapos ngayon na naranasan natin ito, dahil sa case ni Gelo… sana magkaroon na ng electoral guidelines.” 

Upang bigyang linaw naman ang magiging usapan sa pagitan ni Antipuesto at ng UP ADS, pormal na isinama sa mga inaasahan ng mga mag-aaral ang pagsasapubliko ng magiging resolusyon sa pagitan ng dalawang panig. 

Naghain naman si Ijanver Realo, isang mag-aaral, ng kaniyang suhestiyon sa partisipasyon ni Antipuesto, isang miyembro ng Alpha Sigma Fraternity Los Banos Chapter, sa mga mobilisasyon at mga programang tumutuligsa sa mga fraternity-related violence (FRVs). 

Tugon ni Antipuesto: “Wala akong problema dun [sa naging suhestiyon], mas natuwa ako dun, kasi yung violence hindi lang siya nasasakluban ng isang partcular affiliation for example fraternity, nandito yung gender-related violence, mga household violence.” 

Inaasahan naman ni Sabiniano ang 60 pursiyento na aktibong pagdalo ni Antipuesto sa mga meeting at aktibidad ng konseho sa loob at labas ng kolehiyo, na hindi sumasanga sa kaniyang academic schedule. 

Gean Magbuo, kasapi ng CDC Freshman Council

Usapin ng paniningil

Sa gitna ng paghahain ng mga ganitong kondisyon ng mga mag-aaral, nagpaabot naman ng alinlangan ang ilang dumalo sa CSL sa mga inilalatag na demands. “I was expecting na ang hihingin nating mga resolution or mga conditions ay parang kasing simple ng gawin niya what is mandated sa isang councilor… kasi feeling ko if andami na nating hinihinging condition, parang mas marami nang expectation from Gelo than the Chair,” ayon kay Maybeline Andres, isang mag-aaral.

Tugon naman ng mga dumalo, isang ‘special case’ ang sitwasyon ni Antipuesto dahil sa naging resulta ng halalan. “Nakikipag-negotiate po tayo dahil nanalo ‘yung abstain na boto ng sangkaestudyantehan. Marapat lang din po na mag-demand,” pahayag ni Gean Magbuo, konsehal ng CDC Freshman Council (CDC FC).

Hindi lumusot ang naging suhestiyon ni Magbuo na panghawakan ni Antipuesto sa kaniyang pag-upo ang kampanyang linawin sa CDC SC Constitution ang ibig sabihin ng ‘abstain’ vote sa loob ng apat na buwan. “Ito ay halos isang buong term project and… sana mabigyan ng resolution… pero hindi sana natin i-expect na it can happen in four months,” ayon kay Josiah David Marcelo, dating kasapi ng CDC FC. 

“Hindi kasi ito yung isyu na pwedeng ipa-slide, kasi four years na siyang nabubulok na isyu… so importante na… na maging transparent ang SC and mismong si Gelo na medyo nagkaproblema siya dahil sa kakulangan ng resolusyon at guidelines. Siguro mapapanatag ang mga estudyante na masisiguro na sasama si Gelo,” paniwala naman ni Realo.

Sa gitna nito, nagkaroon ng usapin tungkol sa mga kontekstong nakabalot sa paglahok ng mga mag-aaral sa konseho, kasabay ng usapin sa bigat ng mga demands kay Antipuesto. “Bakit kaunti lang ang tumatakbo sa student council for the reasons we know, these are personal, family, financial and academics. We are one in a struggle under this bulok na sistema, itong bulok na education system,” saad ng kandidato. 

Matapos na magkaroon ng mainit na talakayan sa ilang bahagi ng CSL, nagpahayag ang ilang mga dumalo sa kahalagahan ng patuloy na diskurso sa pagitan ng mga mag-aaral at ng kanilang mga kinatawan. “It’s never wrong na mag-demand tayo sa ating student leaders. Ang ating student leaders ay na-elect kahit sa anumang paraan… Regardless, na-elect ka pa rin, may tiwala sayo, binoto ka,” ayon kay Realo.

File photo na kuha ni Dan Alexander Abas, Tanglaw photojournalist (Enero 2023)


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya