DAPAT MONG MALAMAN
- Ilang reklamo na hinaharap nina Kenneth Rementilla, Jasmin Rubia, John Peter Angelo Garcia, at Hailey Pecayo, binasura na dahil sa kakulangan ng ebidensya o probable cause.
- Nanawagan ang mga grupo na labanan ang patuloy na paglabag ng human rights, kasama ang nagaganap na militarisasyon sa Batangas.
Ibinasura na ng prosekusyon ang mga isinampang reklamo, kaugnay ng ‘di umano’y paglabag sa Anti-Terrorism Act of 2020 (ATA), laban sa ilang human rights defenders sa Southern Tagalog.
Noong Nob. 23, inilabas ng Antipolo City Prosecutor’s Office ang resolusyong nagbabasura sa isinampang reklamo ni Sgt. Jean Bajaro ng 59th Infantry Battalion of the Philippine Army (IBPA) kay Kenneth Rementilla, regional coordinator ng Anakbayan-TK at isang mag-aaral ng College of Development Communication (CDC). Siya ay inakusahang lumabag sa Seksyon 12 ng ATA o ang pagbibigay ng suportang materyal sa mga terorista.
Si Rementilla at ang secretary-general ng Mothers and Children for the Protection of Human Rights (MCPHR) na si Jasmin Rubia ay magkasabay na hinainan ng reklamo dahil sa ‘di umano’y pagbibigay ng tulong sa transportasyon ni Hailey Pecayo, isa rin sa mga inireklamong lumabag sa ATA. Ito ay matapos nilang tulungan si Pecayo, ang tagapagsalita ng Tanggol Batangan, na makapunta sa burol ng batang napaslang sa engkwentro ng mga militar at rebelde sa Batangas.
Ayon kay Associate City Prosecutor Kristoffer Tayhopon, walang patunay si Bajaro na nagbigay ng tulong materyal sa mga terorista sina Rementilla at Rubia.
“The alleged act of the respondents in providing an ‘organized transportation’ to Hailey Pecayo in going to the wake of Kyllene [Casao] is not per se providing material support to a terrorist, because going to a wake in itself is not an act of terrorism as defined and enumerated in Section 4 of R.A. [11479],” saad ni Tayhopon.
Ang siyam na taong gulang na si Casao, tulad ng magsasakang si Maximino Digno, ay pinaslang sa dalawang hiwalay na insidente sa Batangas noong Hulyo 2022, umano’y sa kamay ng mga elemento ng 59th IB. Sina Rementilla, Rubia, at Pecayo ay kasama sa iba’t ibang fact-finding missions upang imbestigahan ang dalawang pagpaslang.
Noong Nob. 22 rin ay ibinasura ng Sta. Rosa City Prosecutor’s Office ang akusasyon laban kay John Peter “Jpeg” Garcia, pangulo ng Youth Advocates for Peace with Justice (YAPJUST)-UPLB.. Ayon sa isinampang affidavit ni Bajaro, si Garcia umano ay nag-”tour of duty” sa Batangas habang nagtatago sa alyas na “Ka Tango.”
Dismissed ang implikasyon kay Garcia dahil sa pagkakabasura ng limang kasong isinampa kay Pecayo. Sa pahayag ng YAPJUST, sinabi nilang kakulangan ng ebidensya ang dahilan nito. Matatandaang nagsagawa ng imbestigasyon sina Rementilla, Pecayo, at Rubia kaugnay ng pagkamatay kina Casao at Digno.
Sa ngayon, may isa pang reklamong isinampa laban kina Rementilla, Rubia, at Garcia, kasama ang 11 pang progresibo. Nirereklamo ng Quezon City Police Department (QCPD) na sila umano’y walang permit para magprotesta noong State of the Nation Address ni Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. noong Hulyo 24, 2023. Ayon sa Defend Southern Tagalog, inutusan umano ng “disgraced police general” na si Nicolas Torre na isama sina Rementilla at Rubia sa akusasyon.
“Like the two decisions, and many others before, the continuing validity of the people’s right to expression and assembly shall logically topple these charges,” pahayag ng Defend Southern Tagalog.
Paliwanag ng Karapatan-TK sa Tanglaw, hinihintay pa lamang angn resolution mula sa naganap na preliminary investigation sa reklamo ng QCPD.
Ipaglaban ang demokrasya
Sa gitna ng lahat, naiulat ng Tanggol Batangan, isang progresibong grupo sa Batangas, na higit 75 na human rights violations na ang naganap sa probinsya ng Batangasmula Enero nitong taon. Kasama na rito ang hiwalay na pagdakip sa 64-anyos na fisherfolk organizer na si Mariano Jolongbayan at ang 24-anyos na volunteer ng Sugarfolks Unity for Genuine Agricultural Reform Batangas at dating estudyante ng UPLB na si Karla Mae Monge nitong Nobyembre.
Ngunit, sa mga nakalipas na linggo, tampok ang serye ng mobilisasyon ng mga lider-estudyante ng UPLB bilang pagkundena sa patuloy at lumalalang panggigipit ng mga elemento ng estado sa mga human rights defender. Kaya lamang, nananawagan ang YAPJUST-UPLB na managot ang 59th IBPA.
“Lt. Col. Ernesto Teneza Jr., Lt. Perine Pangilinan, Sgt. Jean Claude Bajaro, Cpl. Ivan Neil Ortagis, and other elements of the 59th IB along with its mercenary institution, the Armed Forces of the Philippines, must be held liable to the law for their series of war crimes and human rights violations,” pahayag ng YAPJUST-UPLB.
Nanawagan rin ang Tanggol Batangan para sa pagtataguyod ng hustisya para sa mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao. “We urge everyone to be vocal and active in joining mobilizations against human rights violations, especially those perpetrated by our supposed prosecutors, the AFP-PNP.”
Anila, “we should not let the state destroy democracy!”



