Hinimay ng Isko’t Iska 2023 ang iba’t ibang sangkap na sumasalamin sa realidad ng aktibong pakikibaka at suliraning panlipunang namamayani sa bansa.
Ulat nina Denyll Almendras at Neil Andrew Tallayo
DAPAT MONG MALAMAN
- Itinampok sa Isko’t Iska 2023 ang Chrissy’s Overload na tumalakay sa sala-salabat na mga isyung kinakaharap sa loob at labas ng pamantasan.
- Nagsilbi itong plataporma para sa pagpapalakas ng mga lokal at pambansang panawagan gaya ng panawagang Defend the Defenders at pagtutol sa UP Budget Cut.
“Ang terorismo daw ay kahit anong gawi na naghahasik ng lagim at takot sa mga ordinaryong mamamayan […] kami yung ordinaryong mamamayan. Kami ang tinututukan ng baril, nilolooban ang mga bahay, pinagsisiraan ng mga panananim, at tinataniman ng pekeng ebidensya. Ngayon, sino ang naghahasik ng lagim at takot?”
Isa lang ang mga ito sa mga linyang lumitaw sa Chrissy’s Overload, ang dulang tampok sa Isko’t Iska 2023. Ang Isko’t Iska ay taunang pagtatanghal ng mga freshie na estudyante ng UPLB na pinangungunahan ng Umalohokan, Inc. Naglalayong magkwento ng mga istoryang mula sa masa, tungo sa masa, masining nitong siniwalat ang diskurso ukol sa overload ng mga isyung kinakaharap ng ating pamantasan, ng lipunan, at ang nakakalaking sistemang nagdudulot ng mga ito.
Sa Chrissy’s Overload, sumentro ang istorya sa buhay nina Isko at Iska, kapwa mag-aaral ng unibersidad. Ipinakita sa unang yugto ang pagkamulat ni Iska, isang freshie, sa mapapait na reyalidad sa loob ng pamantasan, gaya ng pamamalimos sa teacher’s prerogative ng mga mag-aaral at pagkakahati ng atensyon ng mga propesor sa pagtuturo at sa trabahong administratibo. Natunghayan naman ang pagpapatuloy ng kabulukang ito sa labas ng unibersidad sa paniniil ng mga nasa kapangyarihan kay Isko at sa kanyang mga magulang na magsasaka matapos nilang maninidigan para sa kanilang karapatan sa lupang taniman.

Ang mga karanasang ito’y pinagtagpo sa Chrissy’s Karinderiya na laging tinatambayan ng dalawang bida. Si Aling Chrissy na ina ni Iska ay dinudusta rin ng mga nasa kapangyarihan sa porma naman ng hindi rasonableng pagpapasara ng pamahalaan sa kanyang tindahan. Ang pangangailangang manindigan ang nagtali kina Isko, Iska, at Aling Chrissy upang sabay-sabay kumilos laban sa mga opresyong kanilang kinakaharap.
Nagbunga ang pagtindig nila sa pangalawang yugto. Nagamit ni Isko ang kanyang kaalaman upang ipagtanggol ang mga magulang sa pag-atake ng estado. Kasama ang komunidad, nabuhay muli ni Aling Chrissy ang kanyang karinderiya sa mumunting paraan. Tuluyan namang niyakap ni Iska ang kanyang pagkamulat na noong una’y kinakatakutan pa niyang linangin tungo sa pagkilos. Dito, nabigyang diin ang pagunawang may pag-asang makamit ang hustisya basta’t patuloy tayong nakikibaka labang sa sistemang mapangalipusta.
Umani ang pagsasadulang ng iba’t ibang reaksyon mula sa mga manonood. Sa panayam ng Tanglaw kay Kyla Balatbat, isang freshie na unang beses makapanood ng Isko’t Iska, naibahagi niyang pinakatumatak sa kanya ang pagkakapinta ng karakter ni Iska.

“[Pumukaw ng atensyon] ko ‘yung [kwento] ni Iska at [kung] paano nakatulong ang kapaligirang pinasukan niya upang mahubog siya hindi lamang bilang isang estudyante, kundi bilang isang mamamayan para sa bayan… Ang ganda lamang ng [mensahe] na ang isang freshman student na tumungtong sa pamantasan [na] ang [pangarap] lang ay pansarili, ay [may] pagkakataong mapalalim ang [kanyang] kaalaman [sa pamamagitan] ng paglubog sa ating lipunan.”
Gayundin, naibahagi ni Althea Villaluna, isang dati nang nakapanood ng pagtatanghal ng Isko’t Iska, na ang kabuuang mensahe ng palabas pinakalumitaw para sa kanya.
“Kada taon naman theme na ng [dula ang mga] political issues natin sa [bansa]… Itong theme ngayon, naepmhasize ‘yung landgrabbing… power imbalances sa bansa natin…Siguro natutunan ko rin kung gaano kahalaga ‘yung mag-speak up [para labanan] ‘yung ganong system kasi doon sa play [ipinakita] na hindi nagpatalo [ang mga karakter]. Sana ganoon din in real life… kapag nilabanan natin ang [opresyon] may magandang outcome din na nakukuha.”
Tila hindi nga maipaghihiwalay ang magkakabit na ugnayan ng Isko’t Iska at ng lipunan ng Pilipinas. Mahihinuhang hindi lamang sinalamin ng produksyon ang katotohanang kumukumpronta sa mga mga mamamayan, bagkus ay pinalakas din nito ang mga panawagan para sa hustisya sa loob at labas ng pamantasan.

Kampanya para sa mga tagapagtanggol
Magkakaibang tema man ang tampok taun-taon, hindi maikakailang ang layunin ng mga produksyon ng Isko’t Iska ay nananatiling nakaangkla sa mahabang kasaysayan nito na nag-ugat pa sa kasagsagan ng batas militar noong 1979. Pagsulong sa iba’t ibang adbokasiya ukol sa karapatang pantao at pagpapalawig sa mga napapanahong isyu ang ilan lamang sa mga sinasalamin ng produksyon sa bawat diyalogo ng mga artista at nota ng mga kanta.
“‘Yung sining at lipunan, hindi sila mapaghihiwalay talaga. Hanggang may dinaranas ang ating lipunan, may iku-kwento tayo sa ating sining. Ngayon, sobrang daming nangyayari sa ating lipunan, kahit sa labas ng pamantasan and especially sa loob,” kwento ni Joseph Curbilla, Head Artistic Director ng Isko’t Iska 2023.
Tangan ang pagpapatambol sa iba’t ibang kampanya tulad ng panawagang Defend the Defenders, hindi nalalayo ang produksyon ng Isko’t Iska ngayong taon sa mga isyung napapanahon kung saan naging sangkot din ang ilan sa mga mag-aaral ng UPLB.

Sa katauhan ni Isko sa pagsasadula, mahihinuha na ang sinapit ng kaniyang karakter kung saan siya ay pinatawan ng gawa-gawang kasong paglabag sa Anti-Terrorism Act ay isang manipestasyon ng realidad ng ilan sa mga mag-aaral ng UPLB tulad nina Jpeg Garcia at Ken Rementilla.
Matatandaang inakusahan ng 59th Infantry Batallion ng Philippine Army (IBPA) si Garcia na umano’y nasa ‘Tour-of-Duty’ ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) noong 2021; habang si Rementilla, kasama si Jasmine Rubia, ay kinasuhan sa pagbibigay umano ng ‘material support’ sa CPP-NPA habang sila ay nasa fact-finding mission upang imbestigahan ang pagpaslang kay Maximino Digno at Kyllene Casao.
Masasalamin din sa katauhan ng mga karakter nina Tsong Miguel at Tatay Danny ang sinapit ng ilang mga aktibista, human rights defender, manggagawa, at mga magsasaka na patuloy na nagsusulong ng sari-sarili nilang mga adbokasiya tulad ng tunay na reporma sa lupa at pagkakaroon ng patas at makatarungang pasahod. Isa itong sitwasyong dikit sa realidad, sapagkat makikita rito ang hangganan ng mga progresibong tao at grupo—ilan sa kanila’y inaresto’t dinukot dulot ng gawa-gawang kaso, samantalang ang iba’y kinitil ang buhay.

KAUGNAY NA ISTORYA
- ‘Gawa-gawang’ akusasyon laban sa 2 lider-estudyante, kinundena. Basahin
- Mga hamon sa mga mag-aaral ng UP, tinalakay sa GASC 55. Basahin
Mga lokal na isyu
Sa kabila ng mga pambansang isyung tinalakay ng dula, hindi pa rin nito nakalimutang bigyang pansin ang mga isyung partikular sa iba’t ibang mga komunidad ng bansa, kabilang na ang UPLB. Isa sa mga eksenang nagpatawa sa mga manonood ay ang mistulang ‘game show’ ng propesor na si Sir Oble para sa mga mag-aaral na nagmamakaawang matanggap para sa kaniyang instructor’s prerogative o prerog.
Nakatutuwa mang isipin at panoorin, ngunit ang sitwasyong ito ay hindi lamang isang maliit na bagay sapagkat manipestasyon at epekto ito ng pagkakaroon ng budget cut, isa sa mga pagsubok na kinakaharap ng iba’t ibang mga unibersidad at kolehiyo sa bansa. Pinag-uugatan ito ng iba’t iba pang mga suliranin tulad ng kakulangan ng maayos na pasilidad at sahod ng mga guro at propeso rna nagdudulot din ng kakulangan sa units ng mga mag-aaral, kaya’t humahantong sa tila isang ruletang magdidikta ng kapalaran ng sangkaestudyantehan.
Isa pang isyung lokal na binigyang pansin ng dula ay ang ‘gentrification’ na nagaganap sa mga komunidad, na gayon ding kinaharap ng karinderia ni Aling Chrissy. Sa dula ay perpektong itinanghal ang kinakaharap ng mga manggagawa sa panahon ngayon kung saan samu’t saring mga proyekto ang inilulunsad ng mga lider na mga mayayaman lamang ang makikinabang at lubhang maaapektuhan ang kabuhayan ng mga simpleng mamamayan.

Ngunit sa kabila nito, naipakita sa karakter ni Iska ang diwa ng aktibismo at pag-asa—isang repleksyon ng mga mag-aaral sa loob at labas ng UP na nagsisilbing signos ng mga kayang magawa ng kabataan upang labanan ang nagsasanib-pwersang makapangyarihan. Si Iska ang simbolismo ng mga mag-aaral na unti-unting namumulat sa loob ng pamantasan at nagkakaroon ng lakas ng loob upang makialam at makibahagi sa kasalukuyang kalagayan ng mga Pilipino at maging instrumento sa pagsulong ng pagbabagong karapatan ng mga ito.
Sama-sama ang karakter nina Iska, Isko, Aling Chrissy, at ang buong komunidad ng Batong Maliit, sinasalamin ang dulang Isko’t Iska sa realidad ng Pilipinas ngayon. Idealistiko mang tingnan ang naging resolusyon ng dula kung saan napuksa nila ang naghaharing uri sa kanilang komunidad at nabigyang hustisya ang mga walang sala, nagsisilbi itong layunin at inspirasyon sa kung ano ang kayang matamo ng mga Pilipino.





You must be logged in to post a comment.