Isinulat ang istoryang ito ni Taj Lagulao.
DAPAT MONG MALAMAN
- Muling nanawagan ang Anakbayan Timog Katagalugan at ibang grupo na palayain ang dalawang environmental defenders na sina Miguela Peniero at Rowena Dasig.
- Nais lamang imbestigahan ng dalawa kung paano maapektuhan ng Atimonan Power Plant ang mga malalapit na komunidad sa Quezon.
Muling pinaingay ang panawagan na palayain ang youth advocate na si Rowena “Owen” Dasig at ang health worker na si Miguela Peniero sa nakaraang International Day of Solidarity with Political Prisoners noong Disyembre 3.
Ilegal na hinuli sina Dasig at Peniero ng mga elemento ng 85th Infantry Battalion ng Philippine Army (IBPA) noong Hulyo 12, habang iniimbestigahan ng dalawa ang epekto ng Atimonan Power Plant sa mga kalapit nitong komunidad sa lalawigan ng Quezon.
Si Peniero ay isang magsasaka at dating political prisoner, na naunang inaresto noong 2012 at napiit nang walong taon. Samantala, si Dasig ay ang kasalukuyang Secretary General ng Anakbayan Southern Tagalog (ST) at kasalukuyang taga-Rizal.
Pareho silang kinakasuhan ngayon ng umano’y illegal possession of firearms at explosives, at inaakusahan bilang mga kasapi ng New People’s Army (NPA). Ito rin ang mga naging paratang kay Peniero noong 2012.
Simula pa noong Hulyo 15 ay sinusubukan nang bisitahin ng mga paralegal ang dalawa, bago pa inilipat si Peniero sa Quezon District Jail noong Hul. 17. Ayon kay Felipa Cheng, isa sa mga paralegal na kumakatawan kay Dasig, naghintay ang buong paralegal team ni Dasig sa harap ng gate ng Atimonan Police Station, ngunit sila ay hindi pinansin ng hepe at pinaghintay sa gitna ng sikat ng araw.
Hinarangan din ang pagtulong kina Dasig at Peniero. Sa isang video na inilabas ng alyansa noong Hul. 18, pinagbawalan ng Atimonan Municipal Police Station (MPS) si Dasig na ibigay ang kanyang mga case files sa mga paralegal ng organisasyon sa kabila ng awtorisasyon nito.
Dagdag ni Cheng, pinipilit ng hepe ng istasyon na mga kaanak lamang umano ang maaaring kumuha ng case files, ngunit nasa detainee dapat ang autorisasyon kung kanino niya man nais ibigay ang kanyang case files at walang dahilan para harangin ito.
Sa kasalukuyan ay nakapiit pa rin si Dasig sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Lungsod ng Lucena, Quezon, at si Peniero sa BJMP sa Lingsod ng Batangas. Humihingi rin ang Anakbayan Southern Tagalog, kasama ang bagong tinatag na Free Owen and Ella Network, ng mga donasyon upang masuportahan ang mga pangangailangan ng dalawa.
Panganib sa mga environmental activists
Ang sitwasyon nina Peniero at Dasig ay kasunod sa pagsampa ng Anti-Terrorism Council (ATC) ng terrorist designation sa apat na mga Cordilleran People’s Alliance (CPA) environmental activists na sina Sarah Abellon-Alikes, Windel Bolinget, Jen Awingan, at Stephen Tauli noong Hulyo 10. Ito ay naganap dalawang buwan pagkatapos ibasura ng Abra Regional Trial Court ang parehong kaso ng rebelyon na isinampa ng militar sa kanila noong May. 10.
Naging matunog rin ang kaso nina Jonila Castro and Jhed Tamano, dalawang environmental activists na inakusahang kabahagi ng New People’s Army (NPA). Ang dalawa ay nagsasagawa ng imbestigasyon sa epekto ng reklamasyon sa Manila Bay na direktang makakaapekto sa komunidad ng mga mangingisda. Matapos makabalik sa kani-kanilang kaanak noong Set. 19, ipinaliwanag nina Castro at Tamano na sila’y dinukot ng militar.
“The worsening state terror and attack on human rights under the Marcos Jr. regime only further justifies the advocacy of Peniero and Dasig, and their commitment to serve underprivileged peasant communities,” pahayag ng Karapatan-ST noong Hul. 17.
Makakabuti nga ba?
Nais malaman lamang nina Dasig at Peniero ang epekto ng Atimonan Power Plant sa mga malalapit na komunidad. Ang power station ng A1E, isang subsidiary ng Meralco PowerGen Corporation (MGen), na itatayo sa Brgy. Villa Ibaba, Atimonan ay unang naaprubahan noong Peb. 2015 ng provincial legislative council ng Quezon. Sa una, ang Atimonan Power Plant ay planong maging isang liquefied natural gas (LNG) plant, pero ito ay ginawang 1,200-MW coal-fired power plant. Kung matatapos, ito ang magiging pangatlong power plant sa Quezon.
Ayon sa website ng A1E, ang power plant umano ay ang magiging unang ultra supercritical coal-fired power plant at ang magiging “most-efficient” na baseload power plant ng bansa kapag nagsimula ang operasyon. Saad ng kumpanya, ang proyekto ay magbibigay umano ng hanggang 2,000 na trabaho para sa mga local construction worker.
Ayon sa A1E, ang pagbabago raw mula coal patungong natural-gas ay alinsunod sa mga global sustainability efforts upang maiwasan ang global climate change at sa pagdevelop ng mas mailinis na pinagkukunan ng enerhiya.
Saad ni MGen. president at CEO Jaime Azurin nitong Agosto, umaasa pa rin ang A1E na makakuha ng apprubal sa paglipat galing coal papuntang gas ngayong Oktubre. Balak matapos ang unang phase ng proyekto sa 2026, at ang pangalawang phase sa 2029.
Oposisyon laban sa power plant
Sa kabila nito, paliwanag naman ng Environmental Defenders Congress noong Hul. 17, “fossil fuels are the primary driver of greenhouse gas emissions that contribute to global warming and environmental degradation, so any plans for a fossil fuel power plant in the Philippines should be discouraged. Despite this, the Marcos Jr. administration has prioritized the expansion of the fossil gas industry.”
Mula nang inaprubahan ang plano sa pagpapatayo ng Atimonan Power Plant noong 2015, humaharap na sa matinding pagtutol mula sa iba’t ibang mga environmental groups ang pagiging coal-fired based na plano ng power plant. IIlang sa mga tumututol sa proyekto ay ang uezon for Environment (QUEEN), Tanggol Kalikasan, Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), at Center for Energy, Ecology and Development (CEED).
Kasama din ang Our Lady of Angels Parish Church sa Atimonan, na nagbigay-ingay sa proyekto sa kanilang mga misa at nagpatayo ng solar energy system sa kanilang simbahan. Noong 2015 din, nagsagawa ng “Lakad-Dasal Bibliya para sa Kalikasan” ang mga residente ng Atimonan sa pangunguna ng mga church leaders kung saan mahigit 1,500 ang nakilahok at umikot sa lungsod bago tumigil sa simbahan para sa isang overnight vigil.
Ayon sa mga grupo, walang benepisyong maidudulot ang proyekto sa Atimonan, at magdadala lamang ng samu’t saring mga problema sa mga residente. Panawagan rin ng mga grupo ay ang pagiging bukas sa posibleng dulot at epekto ng proyekto sa komunidad. Paliwang ng Power for People Coalition (P4P), ang power sa LNG ay parehong marumi at mahal, at umaabot sa halaga ng P9/kWh to P16/kWh upang maigawa.
Dagdag ng Kalikasan – People’s Network for the Environment Southern Tagalog na ang pagtatayo ng power plant ay nagpapalala lang sa mga problema na naidulot ng mga coal-fired power plant sa Antimonan at Pagbilao, na nasa may ari ng San Miguel Corporation Global Power Holdings. Pahayag ng grupo sa kanilang Regional State of the Environment in Southern Tagalog, naapektuhan ang pag-aani ng mga gulay at pangingisda ng mga debris mula sa konstruksyon, at nagkasakit din ang mga residente dahil sa mga emission.
“The people remain in their resolve to stop the project and hold A1E and its partner financing institutions accountable for the incurred damages,” ani Kalikasan. Paliwanag rin ng grupo na dahil sa mga insidente na ito, nag-file ng petisyon ang mga aktibista sa DENR upang makansela ang Environmental Compliance Certificate (ECC) ng power plant noong Nobyembre, 2019.



