Kasama ng istoryang ito ang ulat ni Maryrose Alingasa.
DAPAT MONG MALAMAN
- Bitbit ang paniniwalang ang basketball ay maaaring laruin ng sinuman ay nagpursigi si Marx Karlo Villaseñor maging student-athlete upang labanan ang stereotyping.
- Pagmamalasakit sa kapwa ang isa sa pinahahalagahan ni J-ann Coladilla na minsan nang naging Captain ng UPLB Women’s Football Team.
Hindi maikakaila ang hindi pagkakapantay-pantay ng lipunan, ngunit isa ring sandata ang mga larong pampalakasan upang puksain ang mga isyung bumabalot dito. Sa pamamagitan ng pagsasama ng sports at komunikasyon, nabibigyan ng oportunidad ang mga indibidwal na gamitin ang palakasan upang labanan ang mga perwisyo at pagkakait ng pagkilala na patuloy na nagiging hamon sa mga student-athletes.
Nagpapamalas ng katangi-tanging husay at talento sa larangan ng palakasan ang dalawang mag-aaral ng Devcom, kung saan patuloy nilang hinuhubog ang kanilang pagiging tagapagtaguyod ng kanilang hangarin para sa kapwa at sa lipunan. Pinatunayan nila na ang pampalakasan ay maaaring magsilbing plataporma upang labanan ang stereotype at mapaigting ang pakikipagkaisa at malasakit sa kapwa.

(Kuha mula sa UPLB Men’s Basketball Team)
Labanan ang stereotyping
Ang pagkakakilala na ito ay nakikita, halimbawa, sa karaniwang pag-uugnay ng basketball sa mga propesyunal na liga tulad ng NBA, kung saan ang karamihan ng mga manlalaro ay may katangiang matatangkad. Sa larong ito, ang laki at taas ng isang manlalaro ay maaaring magbigay ng malaking kapakinabangan sa pagkuha ng rebounds, pagdepensa sa mga kalaban, at pag-shoot ng bola.
Taliwas ito sa paniniwala ni Marx Karlo Villaseñor, isang senior Devcom student, na pinatunayan na ang basketball ay maaaring laruin at magustuhan ng sinuman. Ito ay nagbibigay ng mga oportunidad para ipakita ang iba’t ibang katangian at talento. Ayon sa kaniya, kahit ang mga manlalaro na may mas mababang taas ay maaaring nang magtagumpay sa basketball gamit ang bilis, pag-intindi sa laro, at iba pang mga kasanayan.
“Ini-invite ako ng mga school at university sa Manila na mag-tryout sa kanila pero unfortunately, hindi nila ako kinukuha kasi lahat sila pare-parehas sila ng reason na masyado akong maliit,” salaysay ni Marx sa Tanglaw hinggil sa kaniyang unang karanasan sa paglalaro ng basketball. “Para sa kanila kasi, height is might. Kaya yung matatangkad, mabilis nang pagalingin pero yung maliliit kahit magagaling, mahirap nang patangkarin,” dagdag pa niya.
Para kay Marx, napakalimitado ng mga oportunidad para sa mga point guard na tulad niya na may tunay na potensyal na hindi binibigyan ng pagkakataon na maipakita ang kanilang kakayahan. Ito ay lubhang nakakabawas ng pagkakataon at hindi nagbibigay ng pantay na oportunidad sa mga manlalarong ito na umunlad.
“Throughout my life, I have been trying to prove them wrong. Every time na kakapit ako ng bola, every time na maglalaro ako, there’s this certain drive na I want to prove people wrong na the small guards can be as good and should have the opportunities as those na matatangkad na players,” pahayag niya sa umano’y hindi pantay na pagtingin sa mga manlalaro ng basketball.
Dahil sa patuloy na paniniwala ni Marx na huwag sumuko at magpatuloy, nagkaroon siya ng oportunidad na makapasok sa kolehiyo sa UPLB at maging miyembro ng UPLB Men’s Basketball Team noong 2020. Ito ay bunga ng kanyang pagtitiyaga at determinasyon sa kabila ng mga pagsubok na kanyang pinagdaanan.
“Ang patuloy ko lamang talagang pinaninidigan ay huwag panghihinaan ng loob. Tuloy lang kasi there are times na nararamdaman ko pa rin yun ngayon pero don’t quit. Kapag may opportunity, kahit gaano kaliit man yan, take advantage of it,” aniya sa kabila ng patuloy na pagsubok na kanyang kinahaharap sa larangan ng sports.
“Huwag mawawala ‘yung confidence kasi you know who you are as a player then keep working lang kahit hindi nakikita ng mga tao, ng coach or teammates mo yung pagtatrabaho mo. Just keep working and continue to develop yourself kasi ginagawa mo yun sa sarili mo, hindi para sa iba,” dagdag niya.
Ayon pa sa kanya, ang chemistry sa paglalaro ng buong koponan ay hindi lamang nabubuo sa loob ng court, kundi nagsisimula rin ito sa labas dahil ito ang susi sa pagkakaroon ng matibay na koneksyon at komunikasyon, pati na rin sa pagtatag ng relasyon sa loob ng court.
Naniniwala naman si Marx na kahit ano mang mangyari sa kanya, o kahit anong marating niya, mananatili pa rin ang basketball sa kanyang buhay. “Kung bigyan man ako ng opportunity na makapaglaro sa mga higher na mga liga, siguro iko-consider ko pero as of now, ‘yung basketball talaga ay parang something na iche-cherish ko kahit hindi ako maging successful as a basketball player. Hinding hindi s’ya mawawala habang pine-pursue ko yung gusto kong profession,” saad niya.

Pakikipagkaisa at pagmamalasakit
Bilang kinalakihan na ang pagiging aktibo sa sports ay binibigyang halaga naman ni J-ann Coladilla ang pagkakaroon ng malawak na pang-unawa sa ibang mga mananlaro. “I think may connection naman ‘yong dalawa since Devcom aims to communicate with people for—ayun nga, development. And of course, empathizing with each individual. Since ‘yong sports ko is teamwork or team sports naman siya,” wika ni J-ann.
Bagaman hindi maiwasan ang hindi pagkakaunawaan sa sports ay isinasabuhay ni J-ann ang isa sa mahalagang katangian ng mga Devcom students—ang pagmamalasakit sa kapwa. “Frustrating sa part ko lalo na kapag ‘yong sakin is nag-de-devote talaga ako ng oras para mag-training. Kasi ‘yong training, hindi siya pwedeng basta-basta kung kailan mo lang gusto mag-train tsaka ka lang mag-train,” kuwento ng manlalaro ng football o futsal sa Tanglaw. “‘Pag… student athlete ka, parehas kang may commitment — may commitment ka sa acads, may commitment ka sa pagiging athlete mo or sa sports.”
Ito ang dahilan kung bakit para kay J-ann ay mahalagang bigyang tuon ang komunikasyon upang makagawa ng team play, maka-iskor, at manalo sa laban. Kaya naman sa mga panahon ng hindi pagkakaunawaan ay labis na pinahahalagahan ng former team captain ng UPLB Women’s Football Team ang pagmamalasakit sa kanyang teammates.
“‘Yong mga frustrations ko nga with some of them, you have to empathize din with them kung bakit ba sila nagkakaganon or bakit ba nahihirapan silang gawin ‘yong skill na ‘to? What are the factors affecting them? Kung bakit hindi nila magawa nang maayos ‘yong ganitong type of skills or type of place na want mo,” paliwanag ni J-ann sa kung bakit mahalagang unawain ng mga atleta ang isa’t isa lalo at magkakaiba ang mga ito ng nararanasan.“Paano mo dapat ma-co-communicate sa kanila para makuha mo ‘yong dapat mangyari? Para mas magkaro’n kayo ng teamwork or team play para makagoal kayo.”
Bitbit ang pagmamahal sa futsal at sports sa pangkalahatan ay kinaya at hinarap ni J-ann ang mga pagsubok na ito nang may dedikasyon kahit may iba pa siyang responsabilidad. “Mayroon talaga akong passion for sports or love for sports na aside from wanting to excel in academics is gusto ko rin talaga no’ng mga exercises and other vigorous stuff,” aniya nang ilahad kung paano nadiskubre ang pagkahumaling sa futsal.
“Na-e-enjoy ko lang talaga ‘yong ano—‘yong paglalaro, kasi it gives like comfort or escape na rin sa ano sa stress ng acads, sa stress ng life. It’s something I enjoy talaga,” dagdag pa ni J-ann.
Para kay J-ann, ay hindi pa niya naaabot ang tuktok ng kanyang karera sa paglalaro ng futsal kaya naman nais niya pang ipagpatuloy ito kung mabibigyan ng pagkakataon. “I don’t think I’ve ano, I’ve reached that big break or parang nareach ko na ‘yong peak ng playing career ko kasi there are still some pose or some skills na gusto ko pang mas matutunan or there are also some people na gusto ko pang mas makalaro para mas maka-teamwork,” wika niya.




You must be logged in to post a comment.