DAPAT MONG MALAMAN

  • Pinabulaanan nina Jpeg Garcia at Ken Rementilla ang kanilang naging kalagayan sa ilalim ng gawa-gawang akusasyon ng 59th IBPA.
  • Ayon kay Garcia at Rementilla, hindi pa natatapos ang kanilang laban upang tuluyang maibasura ang Anti-Terrorism Act of 2020.

Sa kulturang Pilipino, naguumpisa ang panahon ng kapaskuhan pagsapit ng Setyembre. Ngunit para sa mga human rights defenders at mga mag-aaral ng UPLB na sina John Peter Angelo “Jpeg” Garcia at Kenneth Rementilla, ang panahong ito ngayong taon ay kung kailan mistulang nagpatuloy ang kalbaryong kanilang kinahaharap.

Kasabay ng bawat kislap ng kumukutitap na pailaw, patuloy naman na nangangamatay ang sindi ng pag-asang kanilang pinanghahawakan. “Sa isang punto ng buhay namin ni Ken this year, inakala namin na matatapos ang taon na kami ay makukulong; na magce-celebrate kami ng Christmas nang naka-detain,” kwento ni Garcia sa harap ng mga mag-aaral at kawani ng UPLB sa ginanap na Paskong UPLB Christmas Nights noong Dis. 7.

Ito ay matapos humarap sa gawa-gawang paratang ng 59th Infantry Battalion of the Philippine Army (IBPA) sina Garcia at Rementilla, kasama sina Hailey Pecayo at Jasmin Rubia, sa ilalim ng Anti-Terrorism Act of 2020. “Dito natin malalaman na ginagamit ang Terror Law for its own purpose. Noong una, sinasabi natin na inaabuso ang Terror Law para patahimikin ang mga aktibista, at malalaman natin na iyon talaga ang purpose niya at in-implement ang terror law para magpatahimik ng mga aktibista at human rights defenders,” pagpapaliwanag ni Rementilla.

Ngunit sa kabila ng mga akusasyon kanilang kinaharap, nitong Nobyembre 22 at 23 ay magkasunod na ibinasura ng mga prosecutor office ng mga lungsod ng Sta. Rosa at Antipolo ang isinampang reklamo laban kina Garcia at Rementilla. Isang maagang pamasko kung tutuusin, ngunit hindi ito ang kinalabasan sapagkat patuloy pa rin ang panggigiit ng 59th IBPA sa mga sinampahang defenders. “However, hindi pa rin kampante, kasi [si] Hailey naka-receive na siya ng motion for reconsideration. Ibig sabihin, iyong [59th IBPA] ay hindi pa rin tumitigil sa attacks nila,” ani Garcia.

Marahil ay nakikita sina Garcia, Rementilla, Pecayo, at Rubia bilang simbolo ng katapangan sa kanilang pagharap sa isang matinding pagsubok, ngunit sa kabila nito ay sila’y mag-aaral pa rin — mga kabataang nagnanais makauwi sa kanilang mga tahanan ngunit hindi nila magawa dulot ng kanilang kinaharap na sitwasyon; at mga Pilipinong dapat ay gumugunita sa kapaskuhan na ngayo’y patuloy na pinapapait ng pilit na panggigipit ng estado.

“We can’t be complacent kasi despite the prosecution’s dismissal, humahanap pa rin ng paraan iyong 59th IBPA na gamitin iyong batas laban sa amin at sa mga mamamayan,” dagdag pa niya.

Jpeg Garcia

Diwa ng pamilya sa Paskong Pilipino

Tulad ng ibang mga Pilipino, ang kapaskuhan para sa kanila ay isang oportunidad upang makapiling ang kanilang mga pamilyang napagkaitan ng pagkakataon upang makasama sila nang mapayapa at matiwasay sa kasagsagan ng mga reklamong kinakaharap nila. “For me, personally, Christmas is a time for reconnecting with my family. Kasi dahil doon sa terror law complaints, hindi talaga ako nakauwi sa province ko, dahil sa threats against my security and safety,” kwento ni Garcia.

“Sobrang saya kasi hindi inabot ng pasko ‘yung ganong situation na may ongoing na case […] ‘yung fact na pwede na akong makauwi at makasama sila ngayong pasko, malaking bagay na ‘yun. Bilang sa kultura natin sa Pinas na importanteng i-celebrate ang pasko na kasama ang mga pamilya,” ayon naman ni Rementilla.

Ipinamalas lamang lalo ni Garcia ang karaniwang sentimyentong naglalarawan sa Paskong Pilipino bilang isang selebrasyon ng pakikisama sa mga pamilya, komunidad, at kaibigang nagkaroon ng mahalagang papel sa papatapos na taon. Para sa kanya, ang kaniyang pamilya ang isa sa naging sandigan niya nang siya ay sumailalim sa mga kathang-isip na paratang. Kasabay ng aktibong pakikibaka, sina Garcia at Rementilla ay tao, at Pilipino rin, na tulad ng iba’y gusto lamang makasama ang kanilang mga mahal sa buhay sa panahong ito.

“Opportunity ito to bond again with my family and thank them for actively participating in the campaign to defend the defenders. Kasi iyong family ko, madalas din silang sumama noon sa mga press conferences at iba pang activities in line with our campaign,” kwento ni Garcia.

Isang hindi pangkaraniwang pangyayari kung maituturing ang makita ang suporta ng pamilya sa pagkilos ng mga aktibista at human rights defenders. Kabaligtaran ng sitwasyon ni Garcia, nabanggit ni Rementilla na may agam-agam pa ang kaniyang pamilya sa kaniyang pakikibaka: “Hindi sila naging supportive masyado. Intindi naman kasi parang kultura na rin natin na parang taboo ang activism sa most families dahil na rin talaga sa lipunan na kinalakihan natin.”

Bunsod nito ay hindi gaanong nakilahok ang pamilya ni Rementilla sa mahabang proseso ng pagbabasura sa kasong isinampa sa kaniya. “All throughout noong ongoing pa ‘yung case ay takot sila so hindi rin talaga sila naging present tuwing presscon, sa mga preliminary investigations.” Ngunit sa kabila nito ay nakikita itong oportunidad ni Rementilla upang patuloy na ipaunawa sa kaniyang mga magulang ang kaniyang layunin at dahilan ng kaniyang pakikibaka.

“Pero siguro nitong recently, mas nagawan ko naman ng paraan para mas maipaliwanag sa kanila kung bakit ako kumaharap sa mga trumped up charges dahil sa pagiging aktibista at human rights defender. Nagkaroon naman ng opportunity para maipaliwanag ko sa kanila at maipaunawa,” dagdag niya.

Halimbawa ang pamilya nina Garcia at Rementilla na hindi pa huli ang lahat upang hamigin ang mga taong hindi pa lubos nauunawaan ang konsepto ng aktibismo; sa likod ng mga pagkilos ay ang layuning ipaglaban ang karapatan ng mga Pilipino at mapabuti ang kalagayan ng mga mamamayan sa bansa.

“I think for a lot of activists, problema iyong pag-disapprove ng pamilya mo sa activism. For me, nagsimula rin naman iyon sa disapproval pero nakakatuwa na along the way, naunawaan nilang we have to fight back kasi we are being attacked […] for me, constant struggle ‘yung pagpapaunawa,” ani Garcia. “Ibang level of warmth and assurance iyong makitang pamilya ko mismo ang tumitindig.” 

Kasama nina Jpeg Garcia at Kenneth Rementilla ang mga lider-estudyante ng UPLB sa isang Black Friday protest noong Oktubre, kasagsagan ng mga gawa-gawang paratang laban sa kanilang dalawa.
(Kuha ni Marius Cristan Pader, Tanglaw photojournalist)

Pagbangon mula sa takot na ininda

Bukod sa pagiging mga human rights defenders, sina Garcia at Rementilla, pati ang iba pang katulad nila, ay mga mag-aaral at kabataan din na nakakaramdam ng takot at pangamba sa kanilang buhay at kung ano pang kahaharapin nila. Marahil ay nakikita sila sa mga pagkilos bilang matatapang na aktibista, ngunit sa pagharap nila sa mga gawa-gawang akusasyon ay hindi maikailang napapanghinaan din sila ng loob.

“Natakot pa rin talaga ako. Lahat kami, napakaraming pagkakataon na iniiyak namin ito sa mga press cons at sa mga public speaking engagements namin. Naluluha na lang kami sa mga posibilidad gaya nung pagkaka-detain by the end of the year at mapatawan ng reclusion perpetua,” kwento ni Garcia.

Inilarawan naman ni Rementilla ang kaniyang sarili bilang ang pinakamahina sa pagitan nina Garcia, Pecayo, at Rubia. “Kung ikukumpara natin ‘yung levels ng katapangan, siguro ako na ‘yung weakest. Ako na ‘yung mabilis panghinaan ng loob kumpara kina Jpeg, Hailey, at Jasmin. Kaya rin talaga, ‘yung katapangan nilang tatlo ‘yung nagpalakas sa akin, nagpanatag sa akin na kung sila kaya nilang maging matapang, ang positive ng impact sa akin na kailangan kong maging malakas ang loob.”

Ang nagpalala pa sa sitwasyong ito ay hindi lamang sila ang naapektuhan ng mapapait na epekto ng mga akusasyon ng 59th IBPA, bagkus ay pati ang kanilang pamilyang pinakamalapit sa kanilang puso ay nakaramdam din ng pangamba sa kanilang seguridad. “‘Yung tatay ko ay takot na takot kasi aside roon sa takot na kung ano ang mangyari sa akin ay sa sa kanila rin, iniisip nila na baka may mangyari rin sa kanila,” kwento ni Rementilla.

“Nakaramdam din sila ng takot for their safety as my family dahil ‘yung 59th IBPA, naka-base siya sa Batangas at iyon iyong home province namin. So definitely, ‘yung anxiety ay hindi lang nanatili sa akin, naging shared trauma siya ng pamilya,” dagdag naman ni Garcia.

Signos ito na nabawasan man ang kanilang kalbaryo ay hindi kailanman mawawala ang markang iniwan ng pagyurak ng 59th IBPA sa katauhan at karapatan ng mga human rights defenders.

“Ngayon naman na natapos na, para siyang malaking tinik na natanggal pero nag-leave talaga siya ng sugat na hanggang ngayon ay naghihilom pa rin […] hindi normal ‘yung buhay kasi hindi ka ‘yung normal na estudyante na pwede kang lumabas, pwede kang umuwi sa bahay at makasama ‘yung pamilya mo. I think ‘yun ‘yung pinakamahirap na part na parang hindi normal ‘yung buhay mo na kailangan mong magtago,” ani Rementilla.

Kenneth Rementilla

‘It’s our time of reckoning’

Naibasura man ang mga gawa-gawang kaso at akusasyon ay hindi rito natatapos ang paglaban ng mga aktibista at human rights defenders sa estadong patuloy na nanggigipit sa sambayanan gamit ang hindi makatarungang pagsasabatas ng Anti-Terrorism Act. 

Inilarawan ni Garcia ang panahong ito bilang “time of reckoning” ng kanilang paglaban muli sa mapanghamak na elemento ng 59th IBPA, na noong Dis. 17 lamang ay walang habas na niyurakan ang karapatang pantao ng pitong napaslang sa engkwentro sa pagitan ng New People’s Army (NPA) at Armed Forces of the Philippines (AFP). Pilit na itinago at pinagpasa-pasahan ng 59th IBPA ang labi ng mga napaslang mula sa kanilang nagdurusang mga pamilya, na nabawi lamang noong ika-23 ng Disyembre.

“Starting December kasi, we declared this month and the times to come as our time of reckoning. Now that the complaints have been dismissed, ang option na lamang sa amin ay to fight back, to file countersuits and campaign for the junking of the terror law.”

Inilarawan pa ni Rementilla ang kanilang nagpapatuloy na misyon upang ipatambol ang tunay na kalagayan ng mamamayan, sa pagbubukas ng isa na namang taon. “Naging de facto martial law. Hindi na kailangang i-declare ng estado na may martial law. Talagang de facto martial law siya sa dami pa lang ng human rights violations na nangyayari […] itong darating na taon, patuloy tayong kikilos para labanan ‘yung ganitong impunidad kasi kung magpapatuloy ito, tataas ‘yung bilang ng human rights violations,” panawagan ni Rementilla.

Kasama ang mga human rights defenders ng Timog Katagalugan, matapang na inihayag ni Garcia ang kanilang plano sa hinaharap. “We are preparing for filing of countersuits laban sa mga elemento ng 59th IBPA na nagsampa ng mga gawa-gawang reklamo sa amin. At the same time, tuloy iyong kampanya to junk terror law kasi gaano pa karaming complaints iyong ma-dismiss sa hinaharap, kung mayroon pa ring terror law ay hindi talaga magiging ligtas ang mga human rights defenders at mga mamamayan.”

Ang diwa ng kapaskuhan ay marahil puno ng kasiyahan at selebrasyon kasama ang mga pamilya, ngunit para sa mga human rights defenders na halos napagkaitan ng ganitong pagkakataon ay hindi kailanman matatapos ang paglaban. Muli mang nag-alab ang sindi ng ilaw ng pag-asa nina Garcia at Rementilla upang muling bumangon, ito rin ang magsisilbing mitsa upang lalong palawigin ang mga panawagang kanilang sinimulan.

“Moving forward, we will fight back and moving forward, we will hold the state forces accountable for their human rights violations against human rights defenders, ordinary civilians, even revolutionaries na tinuturing nilang terorista,” dagdag pa ni Garcia.

Ang aktibismo at aktibong pakikibaka ay walang pinipiling oras, sapagkat ang paglabag ng estado sa karapatang pantao ng mga mamamayang Pilipino ay hindi rin pumipili ng anumang panahon. Kagaya nina Garcia at Rementilla, magpapatuloy ang kanilang pakikibaka ngayong kapaskuhan at sa darating pang mga araw, at magiging oras ito upang patuloy na labanan ang estadong nanggigipit.

Header: File photos na kuha ni Dan Alexander Abas, Tanglaw photojournalist (2023)


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya