Ang Editorial Notebook ay isang bagong kolum kung saan maaaring ilahad ng mga editor at staffer ng pahayagan ang mga saloobin tungkol sa pagpapatakbo ng student publication. Isa rin itong hakbang upang mas maging bukas at tapat ang pahayagan sa mga mambabasa nito, na sa aming palagay ay mahalaga para sa isang student publication.
Sa unang labas ng kolum na ito, nais kong pagnilayan ang mga napagtagumpayan ng Tanglaw sa unang taon nito, at ilahad ang mga dapat ninyong asahan mula sa pahayagan sa paparating na 2024. Batid naman natin na isang hindi makakalimutang taon ang 2023 para sa mga mag-aaral ng Devcom, at nalulugod ang Tanglaw na naging bahagi ito sa pamamagitan ng pagbabalita sa mga kaganapan sa panahong ito.
Matapos ang ilang taong pagkakulong sa bahay o dorms dahil sa pandemya, nagsimulang magbalik sa dating face-to-face setup ang mga klase at ang mga aktibidad sa kolehiyo. Naging sentro ng atensyon ngayong taon ang naganap na Devcom Halalan noong Mayo, kung saan lubos na nakibahagi ang mga mag-aaral sa diskursong patungkol sa student representation. Sa pamamagitan ng isang nakatutok na student politics reporter ng Tanglaw, atin ding siniguradong may nagbabantay sa bawat kilos ng mga konseho sa kanilang pag-upo. Nariyan rin ang Shortform Department ng Tanglaw upang bigyang konteksto at ipaliwanag ang mga mabilisang balita, labas sa nakasanayang ‘news update’.
Isa pa sa aming nais ipagmalaki ay ang pangilan-ngilang national stories ng Tanglaw. Sa paglipad ang Tanglaw patungong UP Cebu noong Enero sa unang sabak nito sa pagbabalita ng General Assembly of Student Councils (GASC) at UP Solidaridad Congress, ang taunang pagpupulong ng mga student council at ng mga student publication, ay maraming mga istorya ang aming napulot na siya namang inilathala namin ngayong taon.
Hanggang sa pagtatapos ng taon, maraming istorya ng mga danas ng mamamayan mula sa iba’t ibang sulok ng bansa ang itinambol ng Tanglaw. Nariyan ang mga mamamayan ng Pola, Oriental Mindoro na naapektuhan ng oil spill; ang mga mananayaw sa Magellan’s Cross; at ang mga mangingisda mula sa Minglanilla, Cebu. Ito ay mga istoryang bagaman walang direktang koneksyon sa Devcom o sa Laguna ay aming inilathala dahil sa paniniwala ng mga mambabasa sa mga kritikal at makamasang istorya saanman ang pinanggalingan nito.
Hindi maikakaila na nagmarka sa taon ang kabi-kabilang mga paglabag sa karapatang pantao at pang-aabuso ng rehimeng Marcos-Duterte sa mamamayang Pilipino. Sa pamamagitan ng mga istorya ng Tanglaw, sinubukan nating itampok ang tunay na kalagayan ng masa. Binigyang-diin din natin ang kinaharap na sitwasyon ng mga lider-estudyante sa UPLB, tungkol sa patong-patong na mga gawa-gawang reklamo laban sa kanila. Ang pagbabalita sa aspetong ito ang nais pa nating palawakin sa susunod na taon.
Nariyan din ang Lathalain staffers ng Tanglaw, na naglathala ng mga istoryang napapanahon at sinubukang isalaysay ang mga kuwento ng iba’t ibang sektor sa ating lipunan. Hindi rin nagpahuli ang Media Resources Department ng Tanglaw, na siyang nagbigay ng bagong dimensyon ng coverage sa mga palagiang pagkilos at ng ibang mga kaganapan sa kolehiyo at unibersidad. Sa tulong naman ng External Affairs Department, patuloy ang ating pakikipagtulungan at kooperasyon sa mga makatutulong na programa at proyekto ng mga organisasyon sa UPLB.
Ngayong taon ay nagpamalas din ang tatlong bagong sangay ng Tanglaw: ang Sports, na tinutukan ang Palarong UPLB, UAAP, at maging ang mga atletang Devcom; ang Opinyon, kung saan tatlong regular na kolumnista ang makakasama ninyo sa parating na taon at naglalayong ipahayag ang kritikal na paninindigan ng pahayagan; at ang Internal Affairs, na sinisiguro ang kapakanan ng mga bahagi ng Tanglaw at ang pangunahing gumaod sa recognition process at Saligang Batas ng Tanglaw.
Asahan ninyong marami pang istoryang hatid ang pahayagan sa mga huling araw ng 2023, kasabay na rin ng aming holiday tradition na simulan noong nakaraang taon.
Pag-alpas sa mga suliranin
Pagdating sa mga pagsubok, hindi naman maikakaila na nagkaroon din ng mga pagkakamali ang pahayagan sa pagbabalita nito. Dalawa ang aming maipapangako, sa diwa ng tapat at bukas na pamamahayag. Una, aming titiyakin na maging tapat kung may pagkakamali sa aming reportage, sa pamamagitan ng pagwawasto at paglilinaw. Ikalawa, at ang mas mahalaga, ay ang pagbuo ng Tanglaw News Guidelines, isang dokumento na naglalayong idirehe ang proseso ng pagbabalita ng Tanglaw, mula sa pagsusulat hanggang sa paglalathala. Natapos ang dokumentong ito noong Oktubre 2023. Kakabit nito ang patuloy naming pagiging bukas sa inyong mga suhestiyon at komento, na siyang nagiging paksa ng mga pagpupulong ng mga Tanglaw editor upang matugunan.
Ngayon, sa pagpasok ng 2024, nais ko ring maglahad tungkol sa recognition process ng Tanglaw upang maging opisyal na pahayagan ng mga mag-aaral ng Devcom. Aaminin ko na minsan ay naging mabagal ang pag-usad ng proseso. Ito ay dahil sa aking paniniwala na kung papipiliin ako (bilang editor in chief) kung uunahin ang proseso ng recognition o ang pagbabalita sa samu’t saring isyu kagaya ng nakasagupa natin noong 2023, mas nais kong unahin ng Tanglaw ang pagbabalita dahil dito mas mabubuo ang tiwala ng mga mambabasang taga-Devcom.
Sa kabila nito, ang patuloy na kawalan ng pagkilala sa Tanglaw ay nagiging sanhi ng ilang mga balitang hindi namin mabantayan at mailathala. Sa gitna ng tuloy-tuloy na coverage ng Tanglaw ngayong taon ay umusad din ang recognition process ng publikasyon. Nagsimula ito sa pagtatapos ng unang draft ng Saligang Batas ng Tanglaw, ang dokumentong gagabay sa mga proseso ng pahayagan gaya ng pagpili ng susunod na editor-in-chief o ang pagkalap ng mga bagong kasapi.
Ito ay dumaan sa konsultasyon sa tatlong CDC organizations at sa isang Council of Student Leaders (CSL) meeting, ang pinakamataas na consultative body sa kolehiyo. Nais naming pasalamatan ang CDC organizations at ang CDC Student Council dahil sa kanilang suporta sa recognition process at sa kanilang mga suhestiyon sa aming Saligang Batas.
Ngayong Enero, inaasahan na matatapos ng pahayagan ang natitirang mga hakbang bago ang recognition. Ito ay ang consultation sa Saligang Batas kasama ang CDC administration; ang paglikom at pagpili ng mga nakuhang suhestiyon sa lahat ng mga naganap na konsultasyon at ang revision ng ipinakitang draft ng Saligang Batas; at ang pagkuha ng “adoption” ng student body ng pinal na draft ng dokumento sa isa pang CSL meeting. Nagpapasalamat din ang pahayagan sa patuloy na suporta ng CDC administration sa pagbuo ng kauna-unahang college publication sa UPLB.
Panata sa mas malawak na pahayagan
Sa pagkamit ng Tanglaw ng pagkilalang ito, aming masisigurong mas malawak ang maging paglilingkod ng pahayagan sa kolehiyo. Dito pa lang maaaring madagdagan ang aming staff, at magkakaroon ng pagkakataong sumailalim ang pahayagan sa journalism skills trainings at educational discussions upang mas mapatalas pa ang pagbabalita ng Tanglaw. Dito rin magkakaroon ang pahayagan ng pagkakataong humiling ng budget, na siyang makakapagpondo ng isang website, buwanang print edition, at ng pagdalo sa mga coverage sa labas ng Laguna kagaya ng GASC.
Kung magtuloy-tuloy ang proseso, plano rin ng pahayagan na ilunsad sa Marso ang proseso ng pagpapalit ng editor-in-chief ng Tanglaw. Kagaya ng proseso sa ibang student publications sa UP at kahulma ng prosesong aking pinagdaanan noong 2022, maaring sumubok ang lahat ng mga mag-aaral sa editorial exam upang maging punong patungot ng pahayagan. Magsisilbi ang mairerekomenda ng search committee na editor in chief sa puder na ito sa loob ng isang pang-akademikong taon. Mahihinuha ninyo sigurong sobra-sobra na ang termino ng inyong lingkod; bunsod lamang ito ng paniniwalang hindi dapat tayo lumisan habang hindi pa nakukuha ang recognition.
Samakatuwid, ang lahat ng naging hakbang ng Tanglaw sa taong ito ay ginawa sa layuning bumuo at maglabas ng isang pahayagang de-kalidad, kritikal, at maaasahan mula sa mga maliliit na pangyayari sa ating kolehiyo hanggang sa mga malalawak na isyung bumabalot sa ating lipunan. Sa ganang akin, napatunayan naman ng pahayagan na – bagaman ito ay isang taong gulang pa lamang – na kaya itong maisakatuparan.
Ang mga tagumpay ng pahayagan ay maaaring iatang sa mahigit na 30 Tanglaw editors, reporters, at staffers, na hindi bumitaw sa kabila ng mga pagsubok na ating kinaharap. Maraming istorya sa 2023 ang talagang sumubok sa katatagan ng mga bumubuo ng pahayagan, kagaya na rin marahil ng inyong naramdaman sa ilang mga kaganapan sa taong ito. Subalit, mas malaki ang aming pagpapasalamat sa lahat ng mga mambabasa ng Tanglaw sa loob at labas ng Devcom. Ang inyong patuloy na pagtitiwala at pagsuporta sa pahayagan ay, aaminin ko, ang nagsilbing inspirasyon sa pagbabalitang nagliliwanag at mapagpalaya.
Sa huli’t huli, hindi naman ang mga bumubuo sa pahayagan ang dapat na maging bida. Kami ay tagapagpalakas lamang ng tinig ng mga mag-aaral at ang tagapagtampok ng mga istorya at karanasan ng masang ating nais na paglingkuran. Ito ang pinanggagalingan ng aming paniniwala na “ikaw ang Tanglaw” – at nawa’y magpatuloy ang inyong pagtangkilik sa paparating na taon. ■
Si Ian Raphael Lopez ang kasalukuyang editor in chief ng Tanglaw



