DAPAT MONG MALAMAN
- Nananatiling sa Disyembre 31 ang deadline ng mandatory franchise consolidation na pinangangambahang magdudulot ng pagkawala ng hanapbuhay ng libo-libong jeepney driver at operator sa susunod na taon.
- Nangangamba rin ang mga komyuter at drayber sa nagbabadyang epekto ng PUV modernization program (PUVMP) ng gobyerno.
- Batid ang banta ng isyu sa kanila, kaisa rin ang ilang mga kabataang estudyante sa laban ng mga tsuper.
Pagsapit ng bagong taon, hindi lamang ang mga numero sa kalendaryo ang magbabago. Inaasahang unti-unting mag-iiba rin ang daloy ng mga lansangang kinagisnan ng mga Pilipino dahil sa napipintong “modernisasyon” ng mga tinaguriang hari nito.
Sa Disyembre 31 na ang itinakdang deadline para sa mandatory franchise consolidation ng mga jeepney driver at operator. Ang polisiyang ito ay nag-oobliga sa kanila na ikonsolida ang kanilang mga prangkisa sa mga korporasyon o kooperatiba bago ang bagong taon, upang tuluyang mapalitan ng mga mas modernong modelo ang mga tradisyonal na jeepney.
Batay sa datos ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), 66% ng mga tradisyonal na jeepney sa Calabarzon ang hindi pa konsolidado, habang 73.5% naman ang hindi pa nakokonsolida sa Metro Manila at 30% naman sa buong bansa.
Bunsod nito, ayon sa transport group na Pagkakaisa ng Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON), aabot sa halos 70,000 jeepney ang maaapektuhan at 200,000 trabaho ang mawawala kapag nagpatuloy ang deadline sa Disyembre 31.
Matatandaan na noong Disyembre 12 ay nanindigan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi na mauusad ang itinakdang petsa na ito para sa franchise consolidation.

Pangamba sa mga komyuter at drayber
Hindi maiwasang mangamba ng mga komyuter at drayber sakaling tuluyan nang pagbawalan ang mga unconsolidated na jeepney sa lahat ng lansangan pagsapit ng Enero 31, 2024. Ayon kay Kelly, isang komyuter mula Bay, Laguna na nag-aaral pa sa Quezon City, inaasahang mas magiging mahirap ang kaniyang biyahe batay sa kaniyang karanasan sa pagkokomyut sa Maynila.
“Kasi, na-experience ko na po from Manila, mahirap po talagang sumakay kasi dagsa rin po ‘yung mga tao talaga,” salaysay ni Kelly na hindi nagbigay ng buong pangalan sa Tanglaw. “Feel ko, like kung ngayon pa lang po, nahihirapan na kami, feel ko mas lalo po talagang magkakaroon ng issues after po [ng deadline ng franchise consolidation].”
Pangamba rin ang magiging epekto ng public utility vehicle modernization program (PUVMP) sa bulsa ng mga drayber, maging sa mga consolidated na, tulad ng namamasadang si Fred. “Dapat walang phase-out. Maraming mahihirapan. Estudyante, empleyado, mamamayan. Hindi naman namin kakayanin ‘yung presyo niyan ng mga bagong yan. Milyon-milyon. Saan ka kukuhang milyon?” saad niya habang namamasahero sa may Olivarez.

Magagawa ng kabataan
Bilang pagtugon sa naka-ambang deadline, nakibahagi sa nationwide transport strike ang ilang mga grupo mula Timog Katagalugan ngayong buwan ng Disyembre. Kabilang sa mga nakilahok sa mga aktibidad ay ang mga kabataan mula sa ilang progresibong grupo mula sa UPLB.
Ayon kay Aya Dela Providencia ng Serve the People Brigade UPLB (STPB-UPLB), malaki rin ang magiging epekto ng PUVMP hindi lamang sa mga drayber kundi pati sa mga kabataan. “‘Pag dumating sa punto na P40 na ‘yung pamasahe natin, hindi natin kakayanin ‘yon kasi sobrang mahal na nga ng bilihin. Hindi na natin kayang magbayad ng gano’n pang kalaki na bawas sa allowance natin,” saad niya.
Ayon sa Anakbayan, aabot sa ₱50 ang kakailanganing itaas sa pamasahe upang makabawi ang mga tsuper sa pagtustos sa inaalok ng gobyerno na modern jeepney na nagkakahalaga ng ₱2.8 milyon.
Dahil dito, mahalaga ang gampanin ng mga kabataan sa pagpapatambol ng mga isyu hinggil sa PUVMP. “Siyempre, ‘yung role natin, ‘yung kahalagahan ng pagpapaliwanag sa kapwa nating kabataan hanggang sa iba pang sektor kung ano ‘yung nangyayaring strike,” ani Dela Providencia.
Dagdag pa ng lider-estudyante: “Tapos, tayo din, as kabataan, tayo ‘yung may skills, talents, at energy bilang mga kabataaan na magpaliwanag hindi lang sa iisang porma kahit through iba’t-ibang means na kaya natin… ‘Yun ‘yung power nating mga kabataan.” ■




You must be logged in to post a comment.