Naging makasaysayan ang ika-72 taon ng Miss Universe na ginanap nitong Nobyembre dahil sa makabuluhang partisipasyon ng dalawang trans woman na sina Rikkie Valerie Kollé ng Netherlands at si Marina Machete ng Portugal. Gayundin, nakita rin nating tumapak sa entablado ng kompetisyon ang kauna-unahan sa kasaysayan ng buong Miss Universe ang mga nanay na sina Michelle Cohn ng Guatemala at Camilla Avela ng Colombia.

‘Di man nagtagal ang tatlo sa apat, mahalaga pa rin kung maituturing ang kanilang pagrampa dahil ito’y nagsisilbing representasyon ng iba’t ibang uri ng kababaihan na siyang kumikilos sa ating lipunan. Subalit, sa ilalim ng samu’t saring social media posts ay mga komento ng iba’t ibang netizens na negatibo at transphobic laban sa mga kandidato. Patunay lamang ito na malayo pa ang kailangang lakbayin para sa tuluyang pagbabago ng ating pakikitungo sa mga kababaihan. Gayunpaman, naniniwala ako na ang mga trans women, mga nanay, at iba pang mukha ng kababaihan ay nararapat lamang na may lugar sa mundo ng pageantry. Ito’y isang mahalagang simbolo ng kalakasan at tagumpay ng mga babae, at sa nais na ipatupad na “safe space” ng organisasyon mismo ng Miss Universe.

Sa mga nagdaang panahon, unti-unting sinusubukan ng organisasyon ng Miss Universe na umaklas mula sa mga nakagisnang pamantayan laban sa mga kalahok nito. Nito lamang nakaraang taon, inalis na ang patakarang nagbabawal sa mga nanay at may asawa na sumali sa kompetisyon, at ngayong tao’y inanunsyo na aalisin na rin ang limitasyon sa edad ng mga kalahok. Bukod dito, matatandaan na noong 2012 pa pinayagan ang mga trans women na sumali sa nasabing paligsahan.

Gayunpaman, marami sa mga Pilipino ang tutol dito. Tila isa daw itong pagaalipusta sa mga “natural born women” at sa puri ng pagiging isang babae. Isa sa mga kontra sa mga pagbabagong inihain ng kompetisyon ay ang mismong kauna-unahang Pilipinang Miss Universe na si Gloria Diaz, na sinasabing hindi na raw ito “Miss” Universe sapagkat kasali na ang mga trans women, nanay, at mga pamilyadong babae.

Ngunit, hindi ba kontra babae ang ganitong linya ng pag-iisip? Bakit ba tuwing sa usapin ng pagkababae ng trans women, ang una agad nating argumento ay ikumpara ang kanilang ari? Tila ating pinapalabnaw at ikinakahon ang depinisyon ng kababaihan sa kanilang ari at kakayanang magdala ng bata. Kung tutuusin, marapat lang nating itanong kung ano nga ba ang pagkababae? Ito ba talaga ay nangangahulugan lang na ikaw ay may ari ng babae at kayang manganak? Kung gayon, papaano ang mga babaeng may edad na o kaya nama’y walang kakayanang magdala ng anak dahil sa karamdaman? Hindi na ba sila babae sa ganitong lagay? Mismong nanggaling na sa mga taong trans na ang kanilang identidad ay umuugnay sa kanilang panloob na nararamdaman at naiisip; hindi lang ito nakabase sa kung anong ari ang meron sila, kundi isa itong kumplikado at malawak na sistema. Kung gayon, ang pagkababae ay walang konkretong paraan kung papaano ito ilalarawan; ito ay fluid. Ang konsepto ng pagkababae ay nakabatay sa kung papaano ito ilalarawan ng mga babae mismo. 

At saka, kung usaping ari lang naman, matagal nang mayroong pamamaraang medikal upang mapalitan ang ating ari. Napaka-transphobic kung tila ba’y nagbabago at tayo’y nagkakaproblema sa ating mga pananaw tungo sa mga trans people sa sandaling malaman natin na sila’y trans.

Bukod dito, ang pag-alis ng mga patakarang kontra sa pagsali ng mga nanay, may edad, at mga may asawa’y isang magandang pagbabago. Kung tutuusin, kaugnay pa nga nito ang retorika ukol sa sinasabing “natural na babae”; kung ikakahon natin sa makalumang depinisyon ang pagkababae, karugtong ng kanilang gampanin ang pagiging isang haligi ng tahanan, kaya nama’y marapat lang na kanilang maipamalas sa lahat ang kanilang sarili para sa buong mundo.

Bagaman nakatutuwa ang paunti-unting pag-aklas ng Miss Universe sa mga nakagisnang kaalaman, ‘wag sanang magkamali ang mga mambabasa na ang opinyon kong ito’y isang pagsuporta sa mundo ng pageantry. Naniniwala pa rin ako na isa pa rin itong sistemang pinapairal ang male gaze. Subalit, naniniwala ako na bilang isang malaki at kilalang organisasyon at kompetisyon, napakahalaga na maipamahagi sa buong mundo ang samu’t saring mukha at estado ng kababaihan at magsilbing representasyon para sa kababaihan.

Kung titignan, ayon sa isang case report na isinagawa ng Human Rights Watch noong 2017, 15% lamang daw ng mga Pilipino ang nakatira sa mga lugar na mayroong mga patakaran laban sa diskriminasyon batay sa kanilang sexual orientation, gender identity and expression o SOGIE. Nilapat rin ng report na ito ang samu’t saring diskriminasyong nararanasan ng mga LGBTQ sa bansa, lalo na ang mga karanasan ng mga batang trans sa iba’t ibang sektor ng lipunan. Karamihan sa mga nilatag ay nanggagaling pa mismo sa mga paaralan; karamiha’y di binibigyan ng pagkakataong maipamalas ang kanilang tunay na sarili sa simpleng pagsuot lamang ng unipormeng akma sa kanila, at sa patuloy na pambubully ng mga guro’t kapwa estudyante. Wag din natin kalimutan na sa Pilipinas, ang simpleng pagpapasa ng batas tulad ng SOGIE bill ay patuloy pa ring hinaharangan ng mga konserbatibong senador.

Isipin nalang natin kung gaano makapangyarihan ang epekto sa mga malaking taga-suporta ng Miss Universe; mapabakla, babae, lalaki, o kahit sino ma’y nagdidiwang tuwing nakakapasok tayo sa top five. Papaano pa kaya kung ang isang trans, nanay, matanda, may kapansan, pandak, singkit, maitim ang balat, at iba pang katayuan ay makapasok sa puder ng napakalaking kompetisyon? Ang representasyon sa isang popular na midya katulad ng Miss Universe ay ‘di lang isang simpleng pagpapakita ng kagandahan ng babae, isa itong pagkilala at pagdiriwang sa kapangyarihan, tagumpay, at pamumuhay ng isang grupong matagal nang inaalipusta sa ating lipunan. ‘Di man ako sang-ayon sa sistema ng pageantry, malaki pa rin ang gampanin ng popular na institusyon kagaya ng midya sa pagpapalaganap ng mga progresibong ideya na maaaring makaimpluwensiya sa pananaw ng nakararami. 

Ika nga ng yumaong propesor na si Ma’am Lynette Carpio-Serrano sa aming DEVC 101 ukol sa semiotics noon, ang mundo’y gawa sa mga signos o signs na siyang nagbibigay kalinlangan sa atin. Sa patuloy na pagdiriwang ng iba’t ibang mukha ng kababaihan, ating pinapabagsak ang patriyarka’t nabibigyang pagkakataon na maging normal ang mga bagay na karaniwang ating itinataboy.

Siyempre, hindi lang dapat ang sistema ng Miss Universe ang magbago; dapat pati ang sistema’t pag-iisip ng lipunan. Masusi at komprehensibong diskusyon at edukasyon ukol sa SOGIE ang kailangan pati na ang pagpapasa ng batas ukol dito. Dapat lang ding magkaron na tayo ng reporma sa ating depinisyon ng kagandahan; ang kagandaha’y di dapat ikahon sa mala kanluraning pamantayan. Kung maraming uri ang pagmamahal, gayundin ang kagandahan. Bagamat mahirap, tayo’y maging bukas sa pakikipagdiskusyon tungkol sa mga ganitong usapin. Sa pamamagitan lamang ng komunikasyon ating magagawang maipaintindi ang mga bagay na sinasalungat ng marami.

Nawa’y sa mga magdadaang panahon, mapagusapan pa ang sistema ng Miss Universe at kung bakit hindi ito kailangan upang itaguyod ang kapakanan ng kababaihan. Ngunit, bilang isang malaking institusyon, maging isang simbolo sana ang Miss Universe ng representasyon; makita sana ng mga batang babae o lalake, mataba man o payat, cis o trans, straight o hindi, ang kanilang sarili habang sila’y nakatapis ng twalya o kumot at suot-suot ang mga sapatos ng kanilang mga ina. Maramdaman sana nila na hindi sila nag-iisa, at na meron silang katulad at maaaring tingalain.

Ito ay isang komentaryo mula kay Tanglaw columnist Paolo Alpay, na naglalahad ng personal niyang opinyon sa mga napapanahong isyu.


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya