Header: Isang jeepney na bumabaybay sa Lopez Ave. (Kuha ni Dan Alexander Abas, Tanglaw photojournalist)
DAPAT MONG MALAMAN
- Sa ilalim ng supplemental guidelines ng LTFRB, mamanduhan ng Show Cause Orders (SCOs) ang operasyon ng mga unconsolidated na operator at tsuper hanggang Enero 31, 2024 sa mga lugar na mas mababa pa sa 60% ang consolidated.
- Ayon sa ahensya, mahalagang umanong maplantsa muna ang patakaran upang magarantiya na mayroong “adequate supply of public transport” sa mga maaapektuhang ruta.
- Tugon ng mga kritiko, hindi naman nito natugunan ang karaingan ng mga walang kakayanang lumahok sa modernization. Mawawalan pa rin sila ng hanapbuhay pagpatak ng Peb. 1, 2024.
Sa nakaambang deadline ng franchise consolidation ng kontrobersyal na PUV Modernization Program (PUVMP) sa Disyembre 31, muling nabuksan ang diskurso sa kung paano tutugunan ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) at Department of Transportation (DOTr) ang nakaumang na krisis sa public transport sa pagpasok ng 2024.
Ito ay matapos maglabas ang LTFRB ng panibagong memorandum kahapon, Disyembre 28, na naglalaman ng supplemental guidelines hinggil sa pagpapatupad ng programa matapos ang palugit ngayong taon. Pagdiriin ng ahensya, ang bagong balangkas ng polisiya ay naglalayong magarantiya na mayroong “adequate supply of public transport” sa mga maaapektuhang ruta.
Subalit, giit ng mga pregresibong grupo na gagamitin lamang ng ahensya hanggang sa katapusan ng Enero 2024 ang mga unconsolidated na operators upang umagapay sa biglaang kakapusan at malawakang tigil-pasada sa pampublikong transportasyon.
“‘Yung mga jeep na hindi consolidated by Dec. 31, phased out na talaga sila. Pero dahil tiyak na magkakaroon ng shortage at transport crisis, papayagan silang mamasada for 1 month, pero pagkatapos ay tanggal na ulit sila. Di ba ang kupal nung LTFRB at DoTr policy?” paliwanag ni Renato Reyes, Secretary General ng Bagong Alyansang Makabayan, sa isang post sa X.
Ito rin ang pinupunto ng naging pagsisiyasat ng Tanglaw hinggil sa nilalaman ng Memorandum Circular (MC) No. 2023-051 ng LTFRB. Sa kabila ng mistulang pagpapalawig ng kanilang operasyon hanggang Enero 31, 2024, mananatiling unconsolidated at hindi kuwalipikadong sumanib sa mga kooperatiba ang mga operator na hindi umabot sa itinakdang deadline ng franchise consolidation sa Disyembre 31 ngayong taon.
Mula rito, malinaw na walang probisyon ang gobyerno para sa mga PUV operator at tsuper na hindi nakapagsumite ng kanilang aplikasyon para sa consolidation ng kani-kanilang prangkisa.
Krisis sa bagong taon
Sa ilalim ng supplemental guidelines ng LTFRB, magiging isa sa mga pangunahing basehan ng operasyon ng public utility vehicles (PUVs) ang bilang ng mga operator na consolidated ang prangkisa sa isang partikular na ruta kumpara sa mga hindi.
Naka-angkla ang bagong polisiyang ito sa Local Public Transport Route Plan (LPTRP) – isang required na dokumento kung saan idinedetalye ang route network, mode, at ang bilang ng kailangang units ng bawat mode ng land transport service ng mga PUV.
Base sa MC No. 2023-051, papayagang mag-operate sa ilalim ng Provisional Authotity (PA) o Certificate of Public Convenience (CPC) ang mga consolidated Transportation Service Entity (TSE) at mga operator na nakapag-file ng application para sa consolidation bago ang deadline hanggang ika-31 ng Dis., 2024.
- Provisional Authority (PA) – isang pansamantalang permit na nagbibigay-laya sa operasyon ng mga public transport unit habang gumugulong ang aplikasyon para sa prangkisa.
- Certificate of Public Convenience (CPC) – awtorisadong prangkisang iginagawad ng LTFRB para sa pampublikong operasyon ng iba’t ibang serbisyo na sakop ng land transportation.
- Transportation Service Entity (TSE) – tumutukoy sa hurisdiksyon ng transport sector na magbigay-serbisyo sa malawak na hanay ng masa sa iba’t ibang public transportation routes.
Ugat sa bagong polisiyang ito ang iba’t ibang pamantayan para sa operasyon ng mga consolidated at unconsolidated unit na papasada sa iba’t ibang ruta ng public transport. Narito ang isang explainer ng bagong memorandum na nakabase sa kalagayan ng rutang papasadahan ng mga PUV.
- Para sa mga rutang may LPTRP: Prayoridad at may pribilehiyo sa kani-kanilang ruta ang mga consolidated na TSE sa tulong ng kanilang PA o CPC.
- Para sa mga rutang walang approved na LPTRP, MUCEP/IRIP Study
- Sa mga rutang may +60% ang consolidated number of authorized units (NAU): Tuloy ang operasyon ng mga consolidated, habang mawawalan ng bisa ang PA ng mga natitirang unconsolidated operators.
- Sa mga rutang may -60% ang consolidated NAU: Tuloy ang operasyon ng mga consolidated, habang mamanduhan naman ng Show Cause Orders (SCOs) mula sa Board at Regional Franchising Regulatory Offices (RFROs) ang operasyon ng mga unconsolidated hanggang ika-31 ng Enero.
- Para sa mga rutang walang consolidated TSEs
- Sa mga unconsolidated operator: SCOs mula sa Board at kaakibat nitong RFROs ang gagabay sa kanilang operasyon hanggang ika-31 ng Enero upang mapigilan ang total na pagkaparalisa ng public transport sa mga nasabing ruta.
- Sa mga consolidated operator na lilipat ng ruta: Maaaring pumasada ang mga unit sa nasabing ruta sa pamamagitan ng Special Permits na may bisa tatlong buwan matapos ang deadline sa ika-31, subalit dapat nitong masigurado na hindi bababa sa 60% ang operasyon ng NAU sa orihinal nitong ruta.
- Para sa mga new/developmental/missionary na mga ruta
- Ang mga applicant-operator na may CPC at nakatugon sa 50% o higit pa na kinakailangang NAU sa mga bagong ruta ay maaaring magpatuloy ng operasyon habang naghihintay ng aprubadong LPTRP.
- Ang mga applicant operator naman na walang CPC ngunit may Notice of Selection at PA ay maaaring magpatuloy ng operasyon sa bagong ruta sa pamamagitan ng pag-comply sa kinakailangang NAU. Nasa Board naman ang desisyon na magbukas muli ng panibagong applications para sa mga ruta sakaling wala parehong CPC at PA ang applicant-operator.
- Ang mga ruta namang walang Notice of Selection para sa mga applicant-operator ay muling bubuksan kaakibat ng mga kinakailangang requirement at proseso para sa selection ng mga consolidated NAU.
Sa pagtingin ni Reyes, mahihinuha mula sa mga polisiyang ito ng gobyerno ang lantarang pagsasantabi sa kapakanan hindi lamang ng mga public transport operator at driver kundi maging ang malawak na hanay ng publikong komyuter.
“Hindi extended ang deadline ng franchise consolidation. Papayagan lang bumiyahe ng 1 buwan ang mga unconsolidated jeeps bilang panakip-butas sa magaganap na mass transport crisis dahil sa kapalpakan at kahangalan ng LTFRB at DoTr. Iyan dapat ang ilinaw natin,” punto pa niya. ■



