Ikalawa sa isang serye ng mga istorya Noong Enero 2023, tumungo ang ilang Tanglaw reporters sa dalawang komunidad sa Cebu upang malaman ang istorya sa likod ng napipintong mga proyektong may kinalaman umano sa “pag-unlad”. Gaya ng laging tanong sa mga mag-aaral ng Devcom: Para kanino ba ang pag-unlad na ating isinusulong?

Maraming mamamayan ng Cebu ang umaaasa sa Carbon Market para sa kanilang pangkabuhayan. (Kuha ni Dan Alexander Abas, Tanglaw photojournalist / Enero 2023)
Open Street Maps/Tanglaw graphic

Ang pamilihang ito ay puno ng mga ingay ng sasakyang nagbabagsak ng mga gulay at kilo-kilong baboy at manok. Dagsa ng taong naghahanap ng mabibilhan o ‘di kaya’y tumitingin ng mas murang kilo ng karne, nangingibabaw ang tinig ng mga tinderang tinatawag ang kanilang mga suki, habang nagbabakasakaling makakuha ng buena mano.

Sa aming pagbisita noong Enero 2023, ganito ang bumungad sa Carbon Public Market pagputok pa lamang ng araw. Ito ang pinakamalaki at pinakamatandang pamilihan sa buong Central Visayas, kung saan nagbabadya ang pangamba para sa mga maninindang nagtatayo ng kanilang mumunting mga tindahan sa harap ng pamilihan sa tuwing puputok na ang araw. 

Dagsa ang mga “probe”, ang kanilang tawag sa mga kawani ng lokal na pamahalaan ng Cebu City na anumang oras ay handang samsamin ang kanilang mga gulay, panghimagas, mga rekado, at iba pang paninda sa tuwing papatak ang alas-6 ng umaga. 

Ganito ang nakasanayang eksena para kay Ate “Annie” kasama ang kaniyang asawa, sa pangaraw-araw nilang pamumuhay. Pagsilip pa lang ng araw ay kailangan na nilang hakutin ang tinda nilang alamang, asin at paminta, at iba pang rekadong pang-ulam upang dalhin sa isang maliit na espasyo sa loob ng mismong pamilihang Carbon.

Ang espasyong ito ay nasa tatlong metro lamang ang laki, at ubod ng kitid na pasilyo — na kanilang pinagtitiisan upang ipagpatuloy ang kanilang pagtitinda sa isang araw. Ang kakarampot na kita sa harap ng pamilihan ay lumiliit pa dala ng anila’y pagbabayad ng renta, pagiging liblib at hindi puntahan ng tao na pwesto nila. 

Ang Carbon Market ang isa sa mga pinakamatanda at pinakamalaking pamilihan sa Central Visayas. (Kuha ni Dan Alexander Abas, Tanglaw photojournalist / Enero 2023)

Dala na ng mga naghahanapbuhay sa loob ng Carbon Public Market ang pahirap na ito mula pa noong 2021, kung saan nagsimula ang rehabilitasyon sa paligid ng pamilihan dulot ng pag-apruba ng lokal na pamahalaan ng Cebu City sa Megawide Construction Corporation (MCC), na may layuning gawing “Singapore-like” ang naturang pamilihan. Ngunit kaakibat ng modernisasyong ito ang pagkawala ng hanapbuhay at pagtanggal sa mga residenteng nakatira sa paligid ng Carbon, ang Sitio Bato. 

Sa panayam kay Ate “Regine”, isa pang manininda, inalala niya ang kauna-unahan niyang sulyap sa Sitio Bato. Bago pa ang widening project, isa itong malaking pamayanang nakatayo sa gitna ng dagat. Bagaman kongkreto ang kanilang bagong tahanan, kumpara sa dating gawa sa kahoy at lapitin sa peligrong dala ng bagyo, “hindi” ang naging tugon ni Ate Regine sa pag-alis nila sa Sitio Bato.

“Hindi ako papayag. Hindi kami papayag, ang tagal na namin dito, dito na kami lumaki, dito na nagkaanak,” tugon niya sa naging katanungan kung magkano ang suportang pinansyal ng lokal na pamahalaan ang kinakailangan upang mapaalis sila sa Sitio.  “Tulad ng sabi ng iba, hindi lang sa iba, pero para sa akin ‘no one likes Bato’. Pinakamaaapektuhan sa amin, hanapbuhay, kumpara kasi… maglalaan ka pa, iba talaga,” aniya sa posibilidad na pagpapaalis sa kanila sa lugar kahit pa mandato ito ng gobyerno. 

Hindi rin pabor para sa kanya ang paglilipatang lugar na tinawag niyang “Sayan”, na aniya’y “condo-type” at hindi sasapat para sa kaniyang pamilya na bumubuhay ng apat na anak, kasama pa ang kaniyang magulang at pamilya rin ng ilan sa kanyang mga supling. “Siguro may bayad ‘yon, tingin ko parang eskwelahan, yung makikita sa Maynila, ‘yung nakikita natin sa TV. ‘Di ba condo-like, gano’n, feeling ko gano’n lang kalaki ‘yung kwarto parang sa eskwelahan,” paliwanag niya. 

Hindi ito ang unang beses ng tangkang pagpapaalis sa kanila sa Sitio Bato. Ayon kay Ate Regine, noon pa man ay tinatakot na sila kahit pa nakatira pa sila sa laot, at ang mga haka-hakang ito ang nagpapagimbal sa kanila sa patuloy na pag-igting ng modernisasyon sa buong Carbon.  “Ang hirap, ‘yung nangyari noon, sana hindi na kami ma-relocate dito, ‘yun ‘yung kinakatakutan namin kasi ‘yung pag nangyari… hindi na kami pabalikin. Hindi kami papayag na paalisin kami dito.”

Dulot ng pinaplanong modernisasyon, nakaharap ng mga manininda ng Carbon Market ang samu’t saring mga suliranin. (Kuha ni Dan Alexander Abas, Tanglaw photojournalist / Enero 2023)

Suliranin ng mga manininda

Sa aming pag-iikot sa Carbon, maraming istoryang ganito ang mapapakinggan mula sa gilid at likod ng pamilihan. Nariyan din si “Dadz”, 61 taong gulang, isang magsasaging sa gilid ng public market na nakatarak na sa kanyang pwesto mula pa noong 2014. 

Malakas ang kita ng kanyang sagingan na umaabot sa lagpas P10,000 sa isang araw tuwing peak season at hindi bababa sa P5,000 tuwing Abril, kung saan tag-init at may kakulangan sa suplay. Dito na niya naihayag ang tagumpay sa pagpapatapos sa ilang mga pamangkin at pagbuo ng alaala sa buong pamilihan. 

Para sa kaniya, problema rin ang tahasang pagbabawal ng mga sasakyan at anong klaseng pribadong transportasyon sa paligid ng Carbon Public Market, dulot ng kasalukuyang pagsasaayos ng lugar, na aniya ay pinagmumulta kapag nakikita ng mga pulis o mga probe na nakapalibot sa lugar bilang sibilyan. 

“Pag nagmodernize na, hirap na kaming makita ng mga customers,” saad niya. “Okay lang naman na magmodernize sila, basta hayaan lang nilang magdala ng sasakyan ang mga tao, kahit hanggang mga alas otso ng umaga.”

Sa pagsapit ng dilim, abala ang ilang nagtitinda ng gulay sa likod ng Carbon, ngunit hindi pa sila pupwedeng pumwesto hangga’t hindi pumapatak ang alas sais ng gabi. Kasama rin sa panukala ng modernisasyon ang mas organisadong pagtitinda sa paligid ng Carbon Public Market at Freedom Park. Kahit pa labas na ito ng pamilihan, parang hawak din sila sa leeg ng mga awtoridad, na pagmumultahin at kukumpiskahin ang mga tinda, nang sinumang lumabag sa nasabing oras ng paglalatag sa kanilang pwesto. 

Sa kahabaan ng Quezon Boulevard aming natagpuan si Ate “Je”, 37 taong gulang, na sinamahan naming magtinda ng iilang gulay kasama na ang mga bulto ng carrots, patatas, talong at iba pa. Ang ilan sa mga ito ay bagsak presyo na dahil malapit nang mabulok gawa ng limitadong oras para magbenta. Gaya ng iba naming nakapanayam, ang kahabang ito ay hindi rin daanan ng mga tao, at pinapayagan lamang sila maglako hanggang alas singko ng umaga. 

Sa papag ng kawayang upuan habang naghahapunan tinuloy ni Ate “Je” ang pagkukwento. Dito niya naisalaysay ang pagiging isa sa mga unang natanggalan ng tindahan sa harap ng Carbon nakaraang taon. “Sabi namin, ‘Sandali lang, bigyan nila kami ng oras para makaalis at makahanap ng lilipatan’, pero sinira agad nila ‘yung tindahan ko,” saad niyang may luha sa mata. 

Naroon rin ang kanyang dalawang anak at kapatid, na kapwa ring nagtitinda sa pwesto at naghahalinhinan para maitawid ang araw. Kahit anong baba nila ng presyo, tila sisikat ang araw na hindi mauubos ang mga carrots nilang tig-P30 na ang kilo upang hindi lamang masayang. Kahit anong tawad, pinapatos niya upang makabenta, ngunit sa dami ng mga nalipat na mga tindahan, malaki pa rin ang kompetisyon sa madilim na kalsada sa isang maulang gabi para sa kanilang buong pamilya. 

Nahaharap sa pagkawala ng kabuhayan ang mga manininda ng Carbon Market, at maging ang mga mamimili, kung magpapatuloy ang ilang aspeto ng modernization program. (Kuha ni Dan Alexander Abas, Tanglaw photojournalist / Enero 2023)

Ang paglaban para sa Carbon Market

Mahahanap ang kasaysayan ng Carbon Public Market magmula pa sa pagsakop ng mga Kastila sa bansa, kung saan naging sentro ng komersyo ito para sa buong Cebu City at sa mga rehiyon ng Visayas. Ang pamilihan ay naging pangunahing pinagkukunan ng uling dahil na rin sa pagiging coal depot noong panahon ng Espanyol, na ginagamit sa pagpapatakbo ng mga tren ng Cebu Railway noong 1900s hanggang noong panahon ng giyera. 

Ang pagsasaayos nito noong 1990 ang nagbukas upang mapalawak ang komersyo at naging bilihan ng mga damit, gamit pambahay, prutas, gulay, at mga karne na inaangkat din ng ilang mga mangangalakal. Ang Carbon Public Market ay isa rin sa mga bagsakan ng mga produkto mula sa Mindanao. 

Noong 2020, nanalo ang Megawide Corp. sa halagang P5.5 bilyon para sa 50 taong kontrata upang pagandahin ang nasabing pamilihan, at gawing modernisado para makasabay sa panghinaharap na disenyo. Ang Megawide din ang nanguna sa pagpapatayo ng Mactan Cebu International Airport, na nagwagi ng mga pandaigdigang parangal. 

Pumirma ng joint venture agreement (JVA) ang pamahalaang lokal ng Cebu at ng Megawide Corp. noong Enero 2021, na naglalaman ng isang seksyon na nagpahintulot na maningil ang korporasyon ng renta sa mga pasilidad ng Carbon. Sa pagsisiyasat ng Rappler noong 2022, naipunto na ang bahaging ito ay labag sa Cebu City Market Code, kung saan ang city treasurer’s office lamang ang maaaring mangolekta ng renta.

Nilayong bawiin ang mga probisyong ito matapos ialerto ni dating Vice Mayor Mike Rama, at pumirma ng supplemental JVA ang dalawang partido noong Hulyo 2022. Dito, sinubukang puntuhin ang mga isyu gaya ng kakulangan sa paglilipatan ng mga manininda at residente ng Carbon at Sitio Bato at ang pagpapaayos ng Freedom Park.

Sinubukan ng Tanglaw na kunin ang panig ng Megawide Corp. ngunit hindi ito tumugon sa mga katanungan bago ang paglalathala.

Batid ng mga manininda ang masamang epekto ng mga nangyayaring pagbabago sa Carbon Market, kung saan hindi sila nakonsulta sa ilang mga bagong patakaran. (Kuha ni Dan Alexander Abas, Tanglaw photojournalist / Enero 2023)

Sa kabila nito, nangangamba pa rin ang mga manininda kung magbago ang ihip ng hangin at tuluyang mapunta sa Megawide Corp. ang paniningil ng renta sa hinaharap. Ito ay dahil kasama pa rin sa naturang MOA ang paniningil ng renta, na ngayon ay iaatang muna sa Sangguniang Panglungsod at mananatali hangga’t hindi pa narerebisa ang Market Code of 2017.

Ginawa ring dahilan para sa modernisasyong ito ang Market Code of 2017, na naglalayong bigyan umano ng oportunidad ang parehong pampubliko at pribadong establisimyento para sa ekonomikong pag-unlad, na nagbubunsod din ng pagtanggal ng mga bilihan sa lansangan para gawing “street-free environment” ang lungsod. Isang replika ng Merlion ng Singapore ang naitayo na noong Pebrero sa harap ng isang kainan sa Carbon Public Market bilang pagsuporta sa ambisyon ni Mayor Michael Rama sa pagsunod sa yapak ng nasabing bansa.

Sa isang sesyon noong Oktubre 2023, inaprubahan ng Cebu City Council ang ilang mga probisyon patungkol sa Carbon Market, gaya ng pagtataas ng renta mula 2024 na aangat kada taon at ng entrance fee para sa lahat ng produktong papasok sa loob ng pamilihan. 

Bagaman napahinto ang isang konstruksyon ng Megawide Corp. sa harap ng Carbon dulot ng protesta at paglaban ng Carbon-hanong Alyansa at iba pang mga organisasyon, patuloy na nagagapi ng komersalisasyon ang mga naaaping manggagawa na hindi kayang rumenta ng mas malaking upa sa bagong itatayong pamilihan. 

Ayon sa isang pahayag ng grupong Carbonhanons, hindi sila nakonsulta tungkol dito kahit kailan. “The Cebu City Council’s intention to raise bills in the public market is broken. Out of tune, inappropriate move in the current situation. Above all, this is not a solution but more problems to face the Cebuanons.”

Sa buhay na dinaranas ng mga nakapanayam na maninida, ang hanapbuhay nila ang napinsala para sa napipintong pagpapalayas sa kanila sa Carbon, kung saan hindi na nila kayang maabot ang kinakailangang bayad para kumita ng pera. Ngunit sa dulo, hindi lamang sila ang apektado sa problemang ito. Damay dito ang mga mamimiling aaray sa presyo ng bilihin, mga nagbabagsak ng produkto sa lungsod, at maging ang mga kabuhayan ng iba na dito inaangkat para pagkakitaan. 

Habang nagpupulong ang mga bumisitang mag-aaral, isang kasapi ng grupo ang nagsambit ng reyalidad na kinahaharap ng mga apektado ng sitwasyon sa Carbon. “Nakikita nyo yung problema, systematic … domino effect. Lumalabas tayo sa ating mga echo chambers. Sa labas ng echo chambers, makikita ninyo ang realidad ng mga Pilipino.”

Maaaninag ang Cebu–Cordova Link Expressway mula sa mga komunidad malapit sa Carbon Public Market. (Kuha ni Dan Alexander Abas, Tanglaw photojournalist / Enero 2023)

Editor’s note: Hindi ginamit ang buong pangalan ng mga nakapanayam dahil sa mga alalahanin sa seguridad. Ang ilang mga kasagutan sa panayam para sa istoryang ito ay orihinal na sinambit sa Bisaya, at ginamit ng Tanglaw ang pagsasalin ng isang lokal na kasama sa pakikipagpanayam.


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya