DAPAT MONG MALAMAN

  • Samot-saring hakbang ang isinagawa ng pulisya upang guluhin ang mapayapang protesta ng mga jeepney drivers at operators sa Mendiola.
  • Pangako ng mga dumalo sa protesta, ipagpapatuloy nila ang pagkalampag sa gobyerno upang tutulan ang nakaambang jeepney phaseout.

Naging matagumpay man ang malawakang pagkampo ng mga jeepney drivers, operators, at malawak na hanay ng masa sa Mendiola kahapon, Disyembre 29, ilang insidente ng harassment mula sa mga elemento ng Philippine National Police (PNP) ang sumalubong sa mapayapang protestang tinaguriang “lahat ng ruta, patungong Mendiola”.

Ang pagkilos ay isinagawa upang irehistro ang mariin nilang pagtutol sa nakaambang deadline ng franchise consolidation na bahagi ng PUV Modernization Program (PUVMP) sa katapusan ng taon.

Ayon sa isang update ng League of Filipino Students (LFS) kahapon, hinarang ng mga pulis ang caravan – na nagsimula pa sa Welcome Rotonda sa Quezon City – pagtapak nito sa bukana ng Mendiola Peace Arch.

Tinatayang 300 na kasapi ng rally ang hinarang ng pulisya, ayon sa LFS. “Ngunit harangan man ng mga berdugong pulis ang mga hari ng kalsada, tiyak na hindi titigil ang mga tsuper at operator kasama ang mga komyuter sa pakikibaka kontra-PUVMP,” pahayag ng progresibong grupo sa isang update sa X.

Hindi titigil

Buong maghapon, napuno ng pagkalampag ang pagkilos sa pamamagitan ng mga tinig ng mga nagtipon, tuloy-tuloy na pagbubusina, at ang ingay ng tradisyunal na “torotot” na ginagamit tuwing sasapit ang bagong taon. 

Sa dulo ng programa pagpatak ng dilim, nagbanta ang mga pulis sa mga dumalo ng mass dispersal kung itutuloy ng grupo ang planong magkampo sa Mendiola hanggang Disyembre 31. 

Pinagbantaan ring aarestuhin ang mga lider ng protesta, kagaya ni Mar Valbuena, chairperson ng transport group na Manibela. Sa ulat ng AlterMidya, nilapitan ng mga kapulisan ang harap ng bulto at saka pinagbantaan sina Valbuena.

Nagkaroon ng negosasyon ang mga lider ng pagkilos at ang kapulisan, na nagresulta naman sa kagyat na pagtatapos ng programa bago ang 8:30 ng gabi, ang itinakdang oras ng dispersal ng PNP.  Tumungo ang mga grupo sa Liwasang Bonifacio upang magkampo, ngunit pangako nilang babalik sa Mendiola upang ipagpatuloy ang pangangalampag.

Subalit, salaysay ng mga progresibong grupo na ilang mga elemento ng kapulisan ang bumuntot at nagmasid sa mga kasapi. “Tapos na ang programa ngayong araw, ngunit hindi pa din tumitigil ang pasismo at tuloy-tuloy pa din ang panghaharass ng mga pulis,” komento ng grupong Anakbayan.

Pagdiriin ng mga grupo na hindi sila titigil sa pagtambol ng kanilang mga panawagan, anupaman ang pagbabantang gawin ng mga elemento ng estado. Ayon sa PISTON: “To strike against unfair policies is justified. To strike for thousands of livelihoods on the brink of displacement is justified!”

Header: Litratong kuha mula sa League of Filipino Students


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya