DAPAT MONG MALAMAN

  • Minanmanan sina Anakbayan UPLB Chairperson Nimuel Yangco at isang miyembro ng Panday Sining UPLB ng hindi pa tukoy na lalaki.
  • Kinundena ng YAPJUST-UPLB ang insidenteng ito at nanawagan sila para sa pagpapatupad ng Safe Haven Resolution.
  • Gayunpaman, tiniyak ni Yangco na hindi sila titigil sa pakikibaka para sa “masang api.”

Kinundena ng Youth Advocates for Peace and Justice (YAPJUST) UPLB ang insidente ng paniniktik ng hindi pa nakikilalang lalaki kina Anakbayan UPLB Chairperson Nimuel “Nemo” Yangco at isang miyembro ng Panday Sining UPLB noong Sabado.

Sa pahayag ng YAPJUST-UPLB sa isang Facebook post nitong Martes, tinuligsa nila ang umano’y “dirty tactics” ng estado upang takutin ang mga estudyante-aktibista.

Iginiit din nila na ang mga insidente ng pagmamanman at biglaang pagkawala ng ilang mga aktibista ay patunay ng lumalalang sitwasyon ng karapatang pantao sa bansa. “This proves that the state’s definition of peace is total silence maintained by violence,” saad ng grupo.

Anila, hindi ito ang unang kaso ng pananakot sa mga estudyante-aktibista kung kaya’t mahalagang maipatupad ang Safe Haven Resolution na magbibigay proteksyon sa kanila.

Samantala, nanindigan si Yangco na patuloy nilang ipaglalaban ang karapatan ng mga mamamayang ginigipit ng estado sa kabila ng nangyaring paniniktik sa kanila.

Saad niya sa kaniyang post sa X, “Hinding-hindi kami hihinto sa paglalantad ng kanilang [estado] kasinungalingan at pagpapahirap sa masang api. Lagi’t lagi kaming lalaban kasama ang sambayanan!”

Minanmanan sina Yangco noong Enero 13, bandang 7:30 ng gabi, ng isang lalaking naka-facemask na may dalang walkie-talkie lulan ng isang motorsiklo. Sinundan sila ng hindi pa nakikilalang lalaking ito nang paulit-ulit sa ilang mga eskinita at maging sa kanilang paghinto ay nakasabay ito sa kanila.

Hindi rin umano ito ang unang pagkakataong tiniktikan si Yangco sapagkat dalawang beses nang may umaaligid sa gate ng kaniyang tinutuluyang apartment bago pa ang insidente.

Kinundena rin ng Panday Sining ang pananakot sa mga kabataang aktibista. “Mariing kinukundena ng pambansang opisina ng Panday Sining ang panananakot sa mga kabataang naninindigan para sa karapatan ng mga mamamayan,” pahayag nila sa isang Facebook post.

Kamakailan lamang, sunod-sunod na ibinasura ng prosekusyon ang mga isinampang kaso laban sa ilang human rights defenders sa Southern Tagalog kaugnay ng ‘di umano’y paglabag sa Anti-Terrorism Act of 2020.


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya