Header: Kuha ni Dan Alexander Abas, Tanglaw photojournalist
Hindi na magkakaroon ng prioritization sa mga nakapagsagot ng Students’ Evaluation of Teachers (SET) para sa darating na pre-registration sa Martes, Enero 23, ayon sa statement na inilabas ng UPLB Administration sa UPLB DX AMIS Support Group noong Biyernes ng umaga.
Ayon sa pahayag, hindi na magkakaroon ng deprioritization para sa mga hindi nakapagsagot ng SET noong Disyembre 2023, matapos ang mga konsultasyon sa iba’t ibang sektor upang tugunan ang isyu.
Dagdag pa sa pahayag, isa itong hakbang bilang pagkilala sa prinsipyo ng “Walang Iwanan”. Subalit, pinapaalalahanan pa rin ng administrasyon ang mga mag-aaral na huwag kalimutan ang kanilang tungkulin na magsagot ng SET sa mga susunod na pagkakataon.
Pag-ugat ng problema
Samantala, malugod na tinanggap ng UPLB University Student Council (USC) ang naging hakbang ng UPLB administration sa isang pahayag na inilabas Biyernes ng gabi.
Pinaliwanag ng USC na bagaman kinikilala nila ang kahalagahan ng SET para sa pag-unlad ng kalidad ng edukasyon ng pamantasan, hindi ang pagmandato rito ang tamang paraan upang palakasin ang pakikilahok ng mga estudyante sa evaluation forms.
Panawagan nila ang pagbibigay karapatan sa mga mag-aaral na makapag enlist ng mga courses kahit pa kakarampot ang paglahok sa mga evaluations na ito at hindi magbigay ng pangamba na magdudulot sa pagtatagal nila sa unibersidad.
“Students should have the right to enlist in their desired courses regardless of their engagement in such processes. Policies should not exacerbate the threat of causing further delay among students due to the inability to enroll in their courses,” saad ng USC sa kanilang pahayag.
Kinilala rin ng USC na ang ugat ng kakulangan sa slots tuwing enrolment at pasilidad para sa pag-aaral ay nagmumula sa patuloy na budget cuts na nararanasan ng pamantasan, kasabay ng hiling na patuloy na pagpapalakas sa panawagan tungkol dito. ■



