Header: Ang UP Visayas – Miagao Campus ang pinagdarausan ng ika-56 na General Assembly of Student Councils. (Kuha ni Dan Alexander Abas, Tanglaw photojournalist)

DAPAT MONG MALAMAN

  • Nagkakaroon ng pagtitipon ang mga student publications at student councils upang mapag-usapan ang mga isyung kinahaharap nila sa nakalipas na semestre.
  • Bumubuo sila ng resolusyon na magsisilbing gabay sa kanilang magiging hakbang sa paparating na semestre.
  • Tutukan ang coverage ng Tanglaw mula sa UP Visayas – Miagao campus, ang unang pagkakataon sa loob ng isang taon na may on-ground itong kinatawan sa GASC.

Magkatambal na isinasagawa bago magsimula ang kada semestre sa isang academic year ang UP Solidaridad Congress at ang pagtitipon ng General Assembly of Student Councils (GASC).

Layon ng dalawang pagtitipong ito na mas patatagin pa ang hanay ng sangkaestudyantehan sa pamamagitan ng masusing pagtalakay sa mga tiyak na isyung kanilang kinahaharap, pagdiriin sa kahalagahan ng mga papandaying resolusyong magsisilbing kaagapay ng campus press at mga konseho para sa bagong semestre.

Humarap si Reuben Martinez, Tanglaw managing editor, sa mga kinatawan ng UP student press upang talakayin ang kalagayan ng pahayagan ng mga mag-aaral ng Devcom sa unang araw ng UP Solidaridad Congress sa UP Visayas – Miagao campus noong Peb. 5.
Kuha ni Dan Alexander Abas, Tanglaw photojournalist

UP Solidaridad Congress

Gumugulong mula noong Peb. 5, hanggang ngayong araw, Peb. 7 ang UP Solidaridad Congress, ang pulong ng opisyal na alyansa ng mga student publications sa UP System.

Nagtitipon ang mga pahayagan upang busisiin ang mga napapanahong isyu at diskursong bumabalot sa campus press at magsalansan ng mga resolusyong gagabay sa mas militante pang pamamahayag sa loob at labas ng Unibersidad.

Nagkakaroon ng pagkakataon ang mga pahayagan ng mga mag-aaral na makipagpalitan ng mga ideya, hindi lamang sa pagpapatakbo ng kani-kanilang mga publikasyon kundi pati na rin sa mga isyung nakakaapekto sa kanilang pagbabalita gaya ng red-tagging, kawalan ng pondo, at iba pa.

Nakikinig sa program ang dating chair ng CDC Student Council na si Shey Levita, kasama ang dating konsehal na sumunod sa kaniyang posisyon na si Jelaine Kate Pagayon, sa ika-54 na GASC noong Enero 2023 sa UP Cebu. Naroon rin ang kasalukuyang CDC SC Councilor at dating Vice Chair na si Angelo Antipuesto bilang kasapi ng KASAMA SA UP, isang alyansa ng mga student councils.
Kuha ni Dan Alexander Abas, Tanglaw photojournalist

General Assembly of Student Councils

Gaganapin naman ang GASC mula Peb. 8 hanggang Peb. 10, kung saan magbabalangkas ang mga lider-estudyante ng mga resolusyong magdidirihe sa mas pinagtibay na papel ng konseho sa pagresolba sa iba’t ibang mga suliraning bumabagabag sa mga mag-aaral at kanilang komunidad.

Nagkakaroon din ng mga educational discussions at situationer sa mga isyung kinahaharap ng lokalidad na pinagaganapan ng GASC at ng kabuuan ng unibersidad.

Mahalaga ang papel ng GASC sa pagpili ng Student Regent, ang nag-iisang kinatawan ng mga mag-aaral ng UP sa 11-member Board of Regents, ang pinakamataas na deciding body sa UP System. Isinasagawa ang pagpili sa session na isinasagawa bago ang unang semestre ng kada taon.

Sa session na isinasagawa naman bago ang ikalawang semestre, binubuksan ang Codified Rules on Student Regent Selection (CRSRS) para sa mga pagbabagong nais na imungkahi ng student councils. Kabilang na rito ang ilang mungkahi na gawing fully hybrid ang GASC sessions, na inaprubahan noong Enero 2023.

Nagkakaroon ng pag-uusap ang mga kasapi ng mga student councils hinggil sa mga resolusyong nakalatag sa ika-54 na GASC noong Enero 2023 sa UP Cebu.
Kuha ni Dan Alexander Abas, Tanglaw photojournalist

Resolutions

Dapat tandaan na ang pulong ng UP Solidaridad at ng GASC ay idinadaan sa pormal na proseso. Mayroong provisional agenda sa simula ng bawat pagtitipon na dapat aprubahan ng mayorya ng mga lumahok, at saka pa lamang magsisimula ang mga nakaplanong bahagi ng programa.

Ang pinakamahalagang parte ng pagtitipong ito ay ang pagbubuo ng mga resolusyon, mga pormal na dokumento kung saan nakalatag ang mga konteksto ng kinahaharap na isyu ng nagpanukalang pahayagan o konseho. Dito rin nakasulat ang mungkahing mga hakbang na dapat bitbitin ng mga lumahok sa pulong upang matugunan ang isyu.

Nakatuon ang mga resolusyon sa UP Solidaridad Congress sa mga kongkretong hakbang sa mga isyung kinahaharap ng student publications, na madalas ay napag-uusapan na rin sa pagbabahagi ng mga pahayagan ng kani-kanilang mga sitwasyon at suliranin.

Nag-uugat ang resolution building ng 56th GASC ngayong taon mula sa 26 na resolusyon ng mga konsehong tumatalakay sa lalim ng mga problemang kinahaharap ng iba’t ibang mga campus at constituent university sa UP System. Mayroong 19 resolusyon na naipasa ang lupon sa nakalipas na GASC na ginanap noong Agosto 2023 sa UP Mindanao.

Ito ang masalimuot na bahagi ng GASC, dahil binubuksan sa buong lupon ang bawat resolusyon para sa kanilang manifestations, o mga komento, at mga mungkahi. Dahil sa pagiging pormal ng proceedings ng GASC, hindi makakalusot ang isang panukalang resolusyon hangga’t mayroong pagtutol mula sa mga lumahok. Labas pa rito na minsa’y hindi lumulusot sa GASC ang ilang resolusyon dahil sa hindi pagkakasundo sa mga nilalaman nito.

Nakikinig si dating Student Regent Siegfred Severino (kaliwa) at ang Tanglaw editor in chief Ian Raphael Lopez (foreground) sa dalawang lider ng isang asosasyon sa Calajoan, Minglanilla, Cebu, habang isinasalaysay ang mga paghihirap na kinaharap ng mga komunidad na malapit sa pampang.
Kuha mula sa UPLB Perspective

Coverage ng Tanglaw

Tumutok sa pagbabalitang kumpleto at may konteksto na hatid ng Tanglaw sa UP Solidaridad Congress at GASC mula sa UP Visayas – Miagao Campus.

Mula sa Iloilo, nasa pinagyayarihan ng balita sina Reuben Martinez, Marius Pader, at Alexander Abas. Nakabase naman sa Los Baños ang editors at reporters ng Tanglaw na nakatutok rin sa pamamagitan ng video conferencing.

Kada araw, abangan ang isang istoryang nagbubuod ng mga mahahalagang kaganapan sa bawat araw ng sesyon. Matatagpuan sa X account ng Tanglaw ang live updates ng GASC, kung saan binabantayan ng pahayagan ang pag-usad ng programa.

Sa social media, magkakaroon rin ng samot-saring visual content at explainers upang maipaliwanag ang mga kaganapan sa parehong pagtitipon. Magkakaroon rin ng mga orihinal na istorya ang Tanglaw ngayong linggo tungkol sa mga komunidad na pupuntahan ng mga delegado.


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya