DAPAT MONG MALAMAN
- Inilahad ang umiiral na pagtaas ng presyo ng bigas na nagpapasakit sa mga konsyumer.
- Hinimay ni Rowena Buena, MASIPAG Regional Coordinator, ang mga salik na nakaaapekto sa pagtaas ng presyo ng bigas.
- Mayroong solusyon upang makamit ang “win-win” na sitwasyon kung saan maibaba ang presyo ng bigas nang hindi naaagrabyado ang mga magsasaka.
Susuungin ng mga Pilipino ang taong ito nang butas ang bulsa, dahil kahit doblehin pa ang bente pesos ng isang Pinoy ngayon ay hindi ito sasapat para makabili ng isang kilong bigas.
Makikita sa mga numero sa ibaba ang patuloy na pagtaas ng presyo ng iba’t ibang klase ng bigas, maliban sa well-milled imported commercial rice, sa mga piling palengke sa National Capital Region. Ito ay batay sa nakuhang average na presyo ng bigas mula sa arawang tala ng Bantay Presyo ng Department of Agriculture.

Hinaing ni Norma Basilan, isang konsyumer sa San Pablo, Laguna, napakalaking problema at pagbabago raw sa kanilang gastusin ang “dire-diretsong pagtaas” ng presyo ng bigas na umaabot na umano sa ₱60. “Ngayon, ang laki ng diperensya. Hindi ka naman pwedeng magsaing ng isang kilo lang sa isang araw,” aniya.
Maging ang kaniyang negosyong karinderya ay apektado rin. “Nagtaas ako ng presyo ng kanin ko, ang mahal sobra kasi. Syempre hindi ka naman pwedeng magtinda sa tindahan ng mga pangit na bigas,” ani Basilan.
Maraming salik ang nakaaapekto sa pasakit na ito sa konsyumer. At ang mga salik na ito, pasakit din para sa ating mga magsasakang nagkakanda-kuba na sa pagkayod ay luging-lugi pa sa kita.

Kuha ni Dan Alexander Abas, Tanglaw photojournalist
Magtanim ay ‘di biro
Numero uno sa mga dahilan ng pagtaas ng presyo ng bigas ay ang mahal na gastos ng produksyon nito sa Pilipinas, ayon kay Rowena Buena, Regional Coordinator ng Magsasaka at Siyentipiko para sa Pag-unlad ng Agrikultura (MASIPAG).
Ayon kay Buena, na kasapi ng grupong pinamumunuan ng mga magsasaka’t siyentista, mula raw nang magkapandemya ay halos dumoble o triple pa ang presyo ng inputs sa pagtatanim ng palay tulad ng abono, pesticides, binhi, at maging ang bayad sa patanim at paani.
“Nung huli kong marinig, ang presyo ng pag-produce ng isang kilo ng palay ay halos umaabot ng ₱12. Samantalang sa ibang bansa ay five to seven pesos lang,” ani Buena sa isang panayam ng Tanglaw.
Paliwanag niya, bahagi na rin marahil ito ng “pagiging gahaman ng mga korporasyon” na nananamantala sa pagtataas ng presyo ng mga input kahit na hindi naman ganoon kamahal ang presyo ng mga ito sa pandaigdigang merkado.
Idagdag pa rito ang kakulangan ng mga magsasaka sa post-harvest facilities at equipment. “Wala tayong solar dryer para sa mga magsasaka kaya ang nangyayari, pagkaani nila, kukunin ‘yun ng mga trader sa mababang presyo … kasi patutuyuin pa ‘yon ng mga trader. Bago pa nila ‘yon i-mill, ida-dry nila, so mag-i-incur din ‘yung cost sa kanila kaya talagang bibilhin nila ‘yon (palay) sa mas mababang presyo,” paliwanag ni Buena.
Maliban sa kulang na teknolohiya, salarin din ang maling teknolohiyang ibinibigay sa mga magsasaka. “Maganda nga [‘yung modernisasyon] lalo kung mapapabilis n’ya ‘yung production, mapapagaan n’ya ‘yung gawain ng mga magsasaka kasi mahirap talagang magsaka. Pero dapat appropriate s’ya sa kondisyon ng mga magsasaka. Halimbawa, mechanization, samantalang maraming mga magsasaka natin, nasa bundok,” diin ni Buena.

Kuha ni Dan Alexander Abas, Tanglaw photojournalist
Sa kabilang banda, bukod sa maliit lamang ang nagagastos ng ibang bansa tulad ng Vietnam, Thailand, at Taiwan sa produksyon ng palay, malaki rin ang nakukuha nilang suporta mula sa gobyerno, ‘di tulad dito sa Pilipinas. Ito aniya ay isa pang dahilan kung bakit natural na mas mura ang bigas na nabibili mula sa ibang bansa.
Kaya lamang, maski pa sandamakmak na ang inaangkat na bigas ng Pilipinas, bunsod ng implementasyon ng Rice Liberalization Law at alinsunod sa pagiging kasapi natin sa World Trade Organization, hindi pa rin nito nagarantiya ang pagbaba ng presyo ng bigas sa merkado.
Ang Rice Liberalization Law o Republic Act No. 11203 na naisabatas sa pamumuno ni dating Presidente Rodrigo Duterte ay naglalayong tanggalin ang quantitative restriction sa inaangkat na bigas ng bansa at sa halip ay patawan ang mga ito ng taripa. Isa ito sa nakitang paraan ng gobyerno upang tumaas ang suplay ng bigas sa lokal na merkado at mapababa ang presyo nito.
Katuparan din ang implementasyon ng naturang batas sa obligasyon ng Pilipinas bilang miyembro ng World Trade Organization, na nag-udyok upang buksan natin ang ating lokal na merkado sa pandaigdigang merkado.
“Bahagi ng kasunduan sa World Trade Organization ay bibili tayo o mag-aangkat tayo ng produkto sa mga tinatawag na most favored country, tulad ng China at US. Bahagi ng kasunduan na iyon na kapag hindi tayo nag-import o kapag hindi natin binukas yung ating pamilihan dun sa mga bansa na ‘yon ay bibigyan nila tayo ng economic sanction,” paliwanag ni Buena.
Sa ulat ng IBON Foundation noong 2018, pangunahing dahilan sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas sa kabila ng maraming suplay ay ang kawalan ng kontrol ng gobyerno sa pabago-bagong presyo sa pandaigdigang merkado na nakaaapekto naman sa presyo ng bigas sa lokal na merkado. Gayundin, hindi kontrolado ng gobyerno ang presyo ng inangkat na bigas kapag ibinenta na ito sa lokal na pamilihan.
Tulad ng sabi ni Buena, masyado kasing “market-oriented” at “import-dependent” ang ating merkado. Hindi nito napoprotektahan sa nagtataasang presyo ng bilihin, tulad ng bigas, ang mamamayan. Imbis na matulungan ay lalo pa nitong pinahirapan ang mga magsasaka. “Mas pinaluwag at mas pinalala ‘yung importation ng bigas kaya talagang talong-talo ‘yung mga magsasaka … Talaga namang halos pumatay na [ito] doon sa mga magsasaka natin,” aniya.

‘Mahihirap, naghihirap, at lalong pinahihirapan’
Paglilinaw ni Buena, hindi porket tumataas ang presyo ng bigas sa kasalukuyan ay pinakikinabangan ito ng mga magsasaka. Aniya, marami sa mga bigas na makikita at tinatangkilik sa merkado sa kasalukuyan ay yaong mga inangkat mula sa ibang bansa at hindi mga lokal na produkto ng mga magsasaka.
“Ang presyo ng bigas sa market parang ang pinakamababa ‘yung 45 pesos na halos hindi naman makain, hindi ganoong klase ng bigas ‘yung ibinebenta ng farmers natin. Magagandang klase pa rin naman ‘yung itinatanim nila tsaka ibinebenta nila … Tapos ‘yung sobrang taas naman e iba-iba talaga s’ya [ng pinanggagalingan],” ani Buena.
Bunsod nga nito, marami raw sa mga magsasaka ang nawawalan na ng ganang magtanim ng palay. Hindi na umano kinakikitaan ng halaga ang pagtatanim ng palay dahil sa patong-patong na pabigat na kaakibat nito: mahal na produksyon, banta ng El Niño at pabago-bagong klima, at mababang bili sa palay.
Kaya naman ang ibang magsasaka, pinipili na lamang magtanim ng ibang produkto tulad ng lamang-ugat, gulay, at mais o kaya naman ay ibinebenta na lamang o ipinaaarkila ang lupang sinasaka.
“Kaya maraming kabataan ang hindi interesado sa pagsasaka kasi ‘yung lolo nila, mahirap na magsasaka. ‘Yung magulang nila, mahirap na magsasaka. Naturally, sila, magiging mahirap na magsasaka. Kumbaga iyon ay intergenerational na na sitwasyon ng mga magsasaka … so bakit ka pa magsasaka?”
Ayon kay Buena, hindi lamang buhay ng mga magsasaka ang naaagrabyado rito kundi pati na rin ang kabuuang seguridad ng bansa pagdating sa pagkain. Lalo pa, malaking bahagi ng mga magsasaka sa bansa, 80 porsyento aniya, ay maliliit na magsasaka.
“Karamihan sa mga magsasaka natin ay mahihirap, naghihirap, at lalong pinahihirapan … Kung maayos ang buhay ng ating mga magsasaka, hindi tayo mamomroblema sa pagkain. Eh ngayon parang lahat na lang ini-import natin e,” aniya.
“Bawang, sibuyas, pati asin. Lahat na lang imported. Pero ‘yung mga magsasaka natin, nananatili silang ganoon, kumbaga lugmok sa utang tapos ‘yung suporta sa kanila kakaunti. Mahirap talaga,” daing pa ni Buena.

Kuha ni Dan Alexander Abas, Tanglaw photojournalist
Lupa sa magsasaka, pagkain para sa lahat
Panawagan ni Buena kaakibat ang organisasyon ng MASIPAG, mapasakamay na dapat ng mga magsasaka ang kanilang karapatan sa lupa, binhi, kaalaman, teknolohiya, at merkado.
Matagal na aniyang ipinapanawagan ng mga magsasaka ang pagkakaroon ng sariling lupa dahil karamihan sa kanila ay nagbubuwis lamang sa lupang pagmamay-ari ng mga propesyunal sa Maynila o kaya naman ay pagmamay-ari ng gobyerno. Hindi rin makikinabang nang buo ang mga magsasaka sa kanilang produksyon kung hindi nila sarili ang lupang sinasaka.
Kaugnay nito, isinusulong din ng organisasyon ang panawagan para sa pagkaing malusog, abot-kamay, abot-kaya, at walang lason.
“Kung walang magsasaka, wala namang pagkain. At para sa mga magsasaka, kung wala kang lupa, wala ka namang buhay. Mahalagang napapagdugtong-dugtong din natin ‘yung mga salik na ‘yun sa kalagayan ng mga magsasaka natin,” pahayag niya.
Batid umano ni Buena na maaaring maging taliwas ang nais ng konsyumer at magsasaka: ang mga magsasaka, hangad ang mataas na presyo ng palay na nangangahulugan namang mataas na presyo ng bigas sa merkado, na tiyak ay ayaw ng mga mamimili. Sa kabila nito, maaari pa rin aniyang magkaroon ng “win-win” na sitwasyon.
“Maaari din kasing ang pagtaas ng presyo ng produkto ng magsasaka ay hindi naman talaga ‘yung price na halimbawa 40 pesos, no. Maaari din kasing ang maging itsura n’ya, bababa ‘yung cost of production nila. Para kahit 20 pesos ang presyo ng kanilang palay, [kapag] maliit ang kanilang cost of production, malaki na rin s’ya.” Upang makamit ito, kinakailangan aniya ang epektibong interbensyon ng gobyerno.
Matagal nang nakikipaglaban ang mga magsasaka para sa kanilang karapatan, at matagal-tagal na ring kinahaharap ng mga konsyumer ang makabutas-bulsang presyo ng pangunahing pagkain sa kanilang hapag.
Bagaman mukhang isa na namang mahirap na taon ito para sa ating mga magsasaka, mitsa rin ang pagsisimula ng 2024 ng nagpapatuloy na pakikibaka para sa karapatan ng mga mamimili at sa kabuhayan ng mga magsasaka.
Ika nga ni Buena, itanggi man ng marami, nananatiling agrikultural na bansa ang Pilipinas. Ang hindi pagtugon sa pangangailangan ng sektor ng magsasaka ay katumbas ng pagsasakripisyo sa kasiguruhan sa pagkain ng buong bansa. ■




You must be logged in to post a comment.