DAPAT MONG MALAMAN
- Naapektuhan ang pagbabalita ng mga student publications ng kinahaharap nilang sitwasyon sa kanilang mga lokalidad, gaya ng red-tagging mula sa mga puwersa ng estado.
- Napag-usapan rin ang problema ng recognition sa mga student publications, kung saan ang maburukrasyang proseso ay nagiging hadlang rin sa paggamit ng mga pahayagan ng kinakailangan nilang resources.
Isinulat ang istoryang ito nina Reuben Pio Martinez at Marius Cristan Pader.
Ang mga larawan ay kuha ni Dan Alexander Abas.
MIAGAO, Iloilo — Idinetalye ng mga nagtipong UP System student publications dito sa UP Visayas – Miagao Campus ang kanilang mga kinaharap na hamon at ang mga napagtagumpayan sa pagbabalita sa unang araw ng bi-annual UP Solidaridad Congress kahapon, Peb. 5.
Ang pulong ng UP Solidaridad, ang alyansa ng mga student publications sa UP System, ay nagaganap bago magsimula ang bawat semestre upang makamusta ang sitwasyon ng bawat pahayagan at bumuo ng kongkretong mga hakbang sa pagsulong ng mga kampanya.
Sa pagtalakay ng sitwasyon ng mga student publications, napansin ni Brell Lacerna, tagapagsalita ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP), na nakabatay ang pamamahayag ng bawat student publication sa kalagayan ng mga rehiyon kung saan sila nanggaling.
Halimbawa nito ang naging pag-aresto kay Frenchie Mae Cumpio, isang mamamahayag ng Eastern Vista at dating student journalist sa UP Vista, ang pahayagan ng mga mag-aaral ng UP Tacloban. Si Cumpio ay iligal na inaresto, kasama ang apat pang aktibista sa Tacloban noong 2020, sa kasong illegal possession of firearms and explosives.
“Journalism is dissent,” pahayag ni Lacerna sa lupon ng mga mamamahayag. “Nais natin balikan ang kasaysayan at iwasto ang dapat iwasto, at gayon din, ang mga karapatan din natin.”

Kuha ni Dan Alexander Abas, Tanglaw photojournalist
Red-tagging sa malayang pamamahayag
Binigyang pansin rin ni Lacerna sa kanyang pagtalakay ang mga insidente ng red-tagging na hinarap ng mga mamamahayag. Aniya, pagkatapos ang 10 araw na pagbisita sa Pilipinas ni Irene Khan, inilarawan ng Special Rapporteur on Freedom of Opinion and Expression ng United Nations na ang red-tagging ay “isang strategy lang [ng mga puwersa ng estado] to suppress critical thought. Kaya kung yung critical thought ’yung gusto nila i-suppress … it is the question of the quality of the education of the Philippines.”
Matatandaang binisita din ni Khan sina Cumpio at ang mga kasamahan nitong nakapiit sa Tacloban City Jail. Matapos ito, hinimok ni Khan ang administrasyon ni Pangulong Marcos Jr. na buwagin na ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Ang mungkahing ito ay pinag-initan naman ng Executive Director ng NTF-ELCAC na si Ernesto Torres, Jr.
Nagdulot umano ng “chilling effect” sa pagkilos ang sitwasyon sa lokal na ginagalawan ng mga pahayagan. Ramdam rin ng mga student publications ang peligrong dala ng red-tagging na kinaharap ng mga mamamahayag na gaya ni Cumpio. Ang mismong pinanggalingang pahayagan ni Cumpio, ang UP Vista, ay naharap sa ganitong mga pag-atake.

Kuha ni Dan Alexander Abas, Tanglaw photojournalist
Recognition process
Isa rin sa mga pangunahing naging daloy ng talakayan ay ang kawalan ng gamit at badyet ng mga student publications, na nakatali sa iba’t ibang mga salik. Nariyan ang recognition process upang makilalang opisyal na student publication ng kanilang kolehiyo, gaya ng nararanasan ng Tinig ng Plaridel (TNP) ng UP College of Mass Communication.
Ang TNP, isa sa mga premyadong student publications sa bansa, ay umaasa lamang sa mga donasyon mula sa kanilang mga alumni at mga premyo mula sa mga pagkilala sa kanilang pamamahayag upang mabayaran ang kanilang website at iba pang pangangailangan.
Sa kaso naman ng The Cursor, ang bagong pahayagan ng UP Open University, wala umano silang pondo para sa transportasyon upang makasama sa General Assembly of Student Councils (GASC). Makikita sa kanilang social media accounts na nagsagawa pa sila ng solicitation upang makapagpadala ng kinatawan dito sa Miagao.
Sa kanyang diskusyon, pinaliwanag ni Lacerna na ang kakulangan ng kagamitan, pondo, at mga isyu ng seguridad ay iilan sa mga epekto ng iba’t ibang polisiya, tulad ng Universal Access to Quality Tertiary Act (UAQTA) at ng Campus Journalism Act (CJA) of 1991.
Aniya, ang UAQTA ay nagdudulot ng karagdagang gastusin para sa mga estudyante at ang “pag-subsidize” ng mga publikasyon. Samantala, hindi umano nabibigyan ng sapat na parusa ang mga atake sa campus press.

Kuha ni Dan Alexander Abas, Tanglaw photojournalist
Paggalaw na kolektibo
Tinalakay din ang isyu ukol sa personnel ng mga student publications, gaya ng pagpapalit ng editorial board, ang kahalagahan ng paggabay sa mga bagong miyembro, at ang pagbutbot ng dahilan ng inactivity ng ilang mga miyembro ng mga pahayagan.
Pahayag ni Gelo Abcide, news editor ng Manila Collegian mula sa UP Manila: “Bago magkaroon ng bagong editorial board, make sure communication with kahit mga section editors kahit magsisilbi siyang precaution sa members.”
Para naman kay Lacerna, ang usaping ito ay kakabit ng pilosopiya ng pagpapatakbo ng kaniya-kaniyang mga publikasyon: “I think the important aspect … na everything that is rising from pubs ay hindi individual accountability but a collective. How do us pubs really foster that lives collectively?”
Nagkaroon rin ng isang educational discussion tungkol sa environmental journalism at press freedom situationer, kung saan idinetalye ng mamamahayag na si Rhick Albay ang maaring gawin ng mga student publications sa pagbabalita nito tungkol sa kalikasan.
Samantala, ngayong Miyerkules, Peb. 7, ay ipapakita sa lupon ng mga student journalists at tatalakayin ng mga miyembrong pahayagan ang mga resolusyon at kampanya ng alyansa sa paparating na semestre. ■




You must be logged in to post a comment.