Ang istoryang ito ay isinulat kasama ang mga ulat nina Reuben Pio Martinez at Marius Cristan Pader sa Miagao, Iloilo. Ang mga litrato ay kuha ni Dan Alexander Abas.
DAPAT MONG MALAMAN
- Binigyang diin ng mga ibinalangkas at ipinasang mga resolusyon ang karapatan ng pamamahayag sa kabila ng iba’t ibang mga isyu.
- Isinulong din sa pulong ang pagkakaroon ng proseso ng opisyal na pagkilala sa ilang mga student publication.
Sumentro sa huling araw ng UP Solidaridad Congress sa UP Visayas – Miagao Campus kanina, ika-7 ng Pebrero, ang pagpapasa ng mga bagong resolusyong nakatuon sa mga isyu at suliraning kinakaharap ng pamamahayag ng mga publikasyon sa buong UP System.
KONTEKSTO: Ano ang ginagawa sa UP Solidaridad Congress?
Unang tinalakay ang resolusyong nagtatakda sa ika-7 ng Pebrero bilang National Day of Action against Media Attacks, na isinulat ng UP Vista ng UP Tacloban at ng Tanglaw ng UPLB College of Development Communication. Hinihikayat ang buong alyansa na pumakat at magmobilisa laban sa pagdakip sa Tacloban 5, at palakasin ang panawagan upang palayain na ang tatlo pang natitirang nakapiit mula sa kanila.
Sa patuloy na paniniktik at panganib na nararanasan ng mga publikasyon, inihain ng Himati (UP Mindanao), Outcrop (UP Baguio), The Manila Collegian (UP Manila), Tug-ani (UP Cebu) at Sinag (UP Diliman College of Social Sciences and Philosophy) ang resolusyong nanawagan ng proteksyon sa mga kasapi ng UP Solidaridad at mga campus journalists, kung saan nakapaloob ang pagtuturo ng digital literacy and security at mental health first aid para sa kanila.
Isang resolusyong naghahangad sa paglantad sa mga pananamantala sa kalikasan at sa mga atake sa mga nagtatanggol dito ang pinangunahan ng UPLB Perspective, kasama ng Tanglaw. Binigyang diin dito ang mga gawa-gawang kaso sa dalawang environmental defenders na sina Jhed Tamano at Jolina Castro sa kanilang adhikain na pananaliksik sa epekto ng reclamation project ng Manila Bay.
Kasama rin sa resolusyong ito ang kaso nina Rowena Dasig at Miguela Peniero, na ipiniit matapos ang paglaban sa planong Atimonan coal-fired power plant sa Quezon, at ang lumalakas na militarisasyon sa Oriental Mindoro matapos ang paglubog ng MT Princess Empress noong Pebrero 2023 na nagdala ng malawakang oil spill sa lalawigan at karatig na mga probinsya.
Samantala, hinimok ng isang resolusyong isinulat ng Pagbutlak (UP Visayas) at UPLB Perspective ang pagbibigay mukha sa mga kaso ng development aggression na nararanasan sa iba’t ibang parte ng bansa upang mas maintindihan ito ng masa. Kasama rin sa probisyong ito ang pagtulong sa mga apektadong komunidad at paggiit laban sa komersyalisasyon ng UP.

Kilalanin ang mga college publications
Isang resolusyon naman tungkol sa maayos na proseso at pagpondo ng college publications ang inihain sa lupon ng mga pahayagang pangkolehiyo, na isinulat ng Lanog (UP Cebu College of Communication, Arts and Design), Tinig ng Plaridel (UP Diliman College of Communication), Ang Tagamasid (UP Manila College of Arts and Sciences), at ng Tanglaw.
Panawagan ng mga publikasyong ito, na karamihan ay nahaharap sa mga isyung may kinalaman sa pagkakabuo at sa opisyal na pagkilalang ginagawad ng mga administrators, ay ang maayos na pagpopondo para sa mga internal events at pagdalo sa mga pagtitipon tulad ng General Assembly of Student Councils (GASC).
“Kinikilala natin ang necessity ng easing bureaucratic processes to attain the funds. We also recognize that these processes can also be weaponized to prevent attaining the funding that we need. Adequate funding for student pubs is a right … guaranteeing them their democratic rights,” pagsusog ng kinatawan ng SINAG, ang college publication ng UP Diliman College of Social Sciences and Philosophy.
Inilatag naman ng bagong gawang pahayagan ng UP Open University, ang The Cursor, ang resolusyong nananawagan ng suporta ng UP Solidaridad sa training at income-generating na mga aktibidad. Sa kanila rin nagmula ang resolusyon ng pagkakaroon ng student representation para sa mga desisyong pananalapi sa lahat ng publikasyon sa UP System, na siyang diwa ng Section 21(b) ng Republic Act 9500 o UP Charter.
Sa huling araw ng pulong ng alyansa ng mga student publications sa UP, nagkaroon din ng educational discussions na pinangunahan ni College Editors Guild of the Philippines National Spokesperson Brell Lacerna (Propaganda Movement). Ipinaliwanag naman nina Jules Prino at Julian Judilla ng AlterMidya ang tungkol sa Advocacy Journalism on Practice, sa kahalagahan ng advocacy at community journalism at pagkumpara nito sa dominant at alternative media.
Samantala, si UP Cebu Tug-ani Editor-in-Chief Ritzie Lao ang bagong UP Solidaridad Vice Chairperson for Visayas, matapos ang pagbibitiw ni Beatrice Jubilee Orbiso na nahalal sa nakaraang UP Solidaridad Congress noong Agosto 2023.
“Ang kanyang ginagawa ay malapit sa kanyang puso at nakikita ko iyan sa aming mga coverage, the sacrifices that we made … surpassed the basic of journalism. Naniniwala siya na kailangan bigyan ng plataporma ang mga kuwento na hindi natin laging naririnig,” manipestasyon mula sa kasapi ng Tug-ani sa deliberasyon ng paghalal kay Lao. ■




You must be logged in to post a comment.