Kasama ang ulat nina Princess Leah Sagaad, Angelo del Prado, Neil Andrew Tallayo, Shaina Masangkay, Ian Raphael Lopez, at Sean Angelo Guevarra mula sa Los Baños at nina Reuben Pio Martinez, Marius Cristan Pader at Alexander Abas mula sa Miagao, Iloilo.
DAPAT MONG MALAMAN
- Inilatag sa unang araw ng pagpupulong ng 56th GASC ang mga isyung kinahaharap ng mga mag-aaral sa bawat UP campuses at ang mga napagtagumpayan ng konseho sa ilalim ng kanilang termino.
- Patuloy na bitbit ng GASC ang pagsuhay sa mga panawagang tutugon sa krisis pang-ekonomiya, pampolitika, at kabuuang karapatan ng bawat kabataan-estudyante.
Nagbahagi ng mga karanasan at sitwasyon sa kanilang mga nasasaklawan ang mga student council ng buong UP System sa unang araw na pagpupulong ng 56th General Assembly of Student Councils (GASC) sa UP Visayas – Miagao Campus, Pebrero 8.
Sumentro ang unang araw ng GASC 56 sa pagtataas-kamalayan sa mga isyung kinahaharap ng sangkaestudyantehan ng UP System, kabilang ang patuloy na pag-atake sa mga estudyante, militarisasyon sa loob ng unibersidad, kabi-kabilang komersalisasyon, pagtapak sa pang-akademikong kalayaan, kakulangan sa suporta hinggil sa kapakanan ng bawat estudyante, at ang pangmalawakang budget cut sa sektor ng edukasyon.
Naglatag din ang mga konseho ng kani-kanilang mga manipestasyon gaya ng patuloy na pagpapaigting sa mga kampanyang nagpapatambol sa mga isyung kinahaharap ng mga mag-aaral.
Tampok naman sa unit report ng UPLB University Student Council (USC)ang mga naipanalong laban kontra red-tagging, student-centered initiatives, mga kasalukuyang aktibidad, at mga isyung patuloy na kinahaharap ng mga mag-aaral sa unibersidadgaya ng kada-semestreng krisis ng bawat estudyante sa UP – ang kakulangan sa mga slot sa klase.
“Bagama’t maraming tagumpay ang UPLB, humaharap parin ito sa iba’t ibang suliranin. Lumalala pa po ang commercialization sa campus. Malaki parin ang kakulangan sa UPLB dahil patuloy na lumolobo ang commercialization. No student nor faculty deserves to have that kind of situation.” paglalahad ni Gio Olivar, chairperson ng UPLB USC.
Natalakay rinsa paglalahad ng komprehensibong ulat ng bawat UP units ang patuloy na pagsulong ng mga kampanya at pagmomobilisa ng iba’t ibang UP campuses upang palakasin ang mga panawagan hinggil sa pagprotekta ng kabuuang karapatan ng bawat estudyante.
Kabilang din sa mga ipinapanawagan ang pagkundena sa kasalukuyang krisis pang-ekonomiyang natatamasa ng bansa at ang problemang pinansyal na kinahaharap ng bawat unibersidad.
“Patuloy pa rin natin ang ating mga systemwide campaigns dahil patuloy ang ating mga problema,” dagdag pa ni Olivar. ■



