Kasama ang ulat nina Princess Leah Sagaad, Angelo del Prado, Neil Andrew Tallayo, Shaina Masangkay, Ian Raphael Lopez, at Sean Angelo Guevarra mula sa Los Baños at nina Reuben Pio Martinez, Marius Cristan Pader at Alexander Abas mula sa Miagao, Iloilo.

DAPAT MONG MALAMAN

  • Naipasa ng ika-56 na pagpupulong ng GASC sa UPV Miagao Campus ang lahat ng resolusyong kinatha ng mga konseho. 
  • Sumentro ang panawagan ng mga resolusyon sa mas accessible na student spaces, karagdagang budget at suporta para sa mga mag-aaral, at iba’t ibang mga rehiyunal at nasyunal na isyu. 
  • Pokus din ng mga aprubadong resolusyon ang pagpapatambol sa mga kampanya ukol sa academic freedom at batayang karapatan ng mga mag-aaral at mamamayan.

Dalawampung resolusyong isinalang sa pagpupulong ng ika-56 na General Assembly of Student Councils (GASC) sa UP Visayas – Miagao Campus ang naipasa sa pagtatapos nito kahapon, Peb. 10. 

Mula sa mga isyung pangkampus na partikular sa ilang mga constituent university sa UP System hanggang sa mga panrehiyong danas ng sangkaestudyantehan, binigyang-lalim sa dalawang araw na resolution-building at diskusyon ng lupon ang kahalagahan ng mga resolusyong ito sa mas pagpapalakas ng mga panawagan at kampanya ng mga konseho sa nalalabing bahagi ng akademikong taon.

Malayang student spaces

Tampok sa mga pinatambol na resolusyon ang usapin sa limitadong student spaces sa loob ng mga unibersidad bunsod ng lumalalang komersyalisasyon at kapitalismo rito. 

Bahagi ang mga resolusyong ito ng kolektibong paghimok ng mga konseho sa mga administrasyon ng UP System na paigtingin ang pagtutol sa mga business venture ng malalaking korporasyon sa loob ng mga constituent university. 

“Ang ating mga manininda ay maituturing nang institusyon sa UP. Ang pagpapapasok sa mga korporasyon ay ang paglayo ng UP sa pagiging people-service institution,” giit ng UP Diliman University Student Council (USC), may-akda ng resolusyong hinggil sa pagkundena komersyalisasyon ng student spaces at ibang mga batayang serbisyo para sa mga mag-aaral. 

Tinalakay rin sa pagpupulong ang panawagan sa pagbasura ng Batas Pambansa 880 na siyang bumabalandra sa malayang pag-oorganisa ng mga mamamayan, kaugnay ng pambubusal ng estado sa malayang pamamahayag. 

“Ang kalayaan sa pagpapahayag ay nahaharap sa malaking banta ng paglaho sa lumalalang estado ng ating huwad na demokrasya sa ilalim ng tambalang Marcos-Duterte,” giit ni Jelaine Kate Pagayon, CDC SC Chairperson. 

Problema sa budget 

Sumentro rin sa pulong ng lupon ang institusyonal na pasakit ng serye ng budget cuts na tinatamasa ng UP System sa kasalukuyan. 

Kritikal sa naging pagpapatambol ng lupon ang kampanya nito laban sa lumalalang budget cuts sa Unibersidad, pagdiriin sa mga panawagan para sa karagdagang subsidiya mula sa estado para sa sektor ng edukasyon at kalusagan

Isa sa mga resulta nito ang panawagan ukol sa umento sa pondo ng mga konseho upang susugan ang mga kampanya sa pagpapaigting ng students’ rights and welfare. Ugat ito sa Republict Act 9500, o mas kilala bilang UP Charter of 2008, na nagmamandato sa mga konseho ng mag-aaral na isulong ang mga pangunahing interes at danas ng sangkaestudyantehan ng institusyon bilang isang national university. 

Isinulong ng mga konseho sa pagpupulong ang karagdagang pondo para sa mga varsity at kurso sa physical education, gayundin para sa mas pinalakas na pagsuporta sa mga programa sa ilalim ng social sciences

Pinino rin sa pagpupulong ang papel ng mga konseho sa mariing pagtuligsa sa mapanghating memorandum ng Commission on Higher Education (CHED) na tahasang tinatanggal ang mga senior high school program sa mga state and local universities and colleges. 

Suporta sa sangkaestudyantehan 

Bahagi rin ng naging diskurso sa mga resolusyong kaugnay ng budget ang panawagan para sa isang desentralisadong sistema ng Student Learning Assistance System (SLAS), paggigiit sa nararapat na karagdagang tulong para sa mga mag-aaral. Kaakibat nito ang kampanya para sa wage increase ng mga student assistant sa mga unibersidad

Samantala, nagkaroon ng mahabang talakayan sa resolusyong nagsusulong sa isang lokalisadong tagging system para sa mga student with disabilities. Ugat ng mga manipestasyon mula sa lupon ang mga kritikal na konsiderasyon na dapat na maisaalang-alang ng mga konseho bunsod ng pagiging sensitibo at komplikado ng kalikasan ng resolusyon. 

“Education is a right to which all persons are entitled to, regardless of socio-economic status, physical capacities or disabilities, political or religious beliefs, sexual orientation, gender identity and expression, race, ethnicity, language, age, or affiliation,” paliwanag ng UP Diliman College of Engineering Student Council. 

Bahagi rin ng pagpapalawak ng mga oportunidad para sa mga mag-aaral ang resolusyong naglalayong malinang pa ang pang-akademikong kalayaan sa loob at labas ng mga unibersidad sa pamamagitan ng multisektoral na konsultasyon. Sinusugan ito ng isa pang resolusyong target na mapatalas ang kasanayan ng mga mag-aaral sa ligal at sosyopolitikal na aspeto sa pamamagitan ng institusyonalisasyon ng paralegal training sa UP System

Rehiyunal na panawagan 

Naging integral na plataporma rin ang pagpupulong ng GASC upang mapatambol ang iba’t ibang mga rehiyonal isyu na binibigyang-buhay ang mga danas ng minoryang populasyon, partikular na ang mga progresibong indibiduwal at grupo. 

Kabilang sa mga resolusyong inaprubahan ng lupon ang mas pinaingay na kampanya para sa Tacloban 5, panawagan para sa pro-people and pro-environment development, pagprotekta sa pundamental na karapatang pantao ng mga environmental defender, at suporta para sa mga naapektuhan ng trahedya sa Mindoro oil spill

“Pagpapaingay din ito na justice delayed is justice denied kung saan nararapat na hinding-hindi tayo manahimik at patuloy na ipaglaban ang mga kaso ng paglabag sa karapatan ng mga kasama nating Iskolar ng Bayan, na pinipiling paglingkuran ang sambayanan nang militante at nang may buong pusong pakikibaka,” panawagan ni Ali Pine, UP Solidaridad National Chairperson. 

Nasyunal na lente 

Hindi rin nawala sa mga naipasang resolusyon ang mga panawagan ng lupon ukol sa iba’t ibang mga nasyunal na isyung sangkot ang administrasyong Marcos at Duterte. 

Pangunahin dito ang paghimok sa administrasyong Marcos na suportahan ang imbestigasyon ng International Criminal Court laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte dulot ng madugong war on drugs nito noong kaniyang termino. 

“Hanggang ngayon pinapalaganap pa rin ang kultura ng impunity na mas naungkat at mas pinalakas ng administrasyong Duterte noong war on drugs… Ang resolusyon na ito ay may layunin na mas paigtingin at palakasin ang ating laban sa human rights violations,” pagdiriin ni Cobbie Canda, UP Mindanao USC OIC Chairperon. 

Inabot naman ng ilang oras ang deliberasyon ng lupon sa dalawang resolusyong kaugnay ng pampublikong transportasyon sa bansa. Layunin ng mga naipasang resolusyong itong makapagrehistro ng mas pinaigting na kampanya para sa isang makataong pagsasaayos ng transportation systems ng Pilipinas at ang mariing pagtutol sa kontrobersyal na PUV Modernization Program. ■ 

KAUGNAY NA ISTORYA

Basahin ang mas malalim na pagtatasa ng Tanglaw sa dalawang resolusyong ito.


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya