Anong porma pa nga ba ng pagkilala ang hihigit sa pagpawi sa mga pagpapahirap dinadanas ng mga mamamahayag?

Pumunta sa Pag-asa Island si Jervis Manahan, reporter ng ABS-CBN News, upang magbalita ukol sa mga pag-aaral sa mga yamang tubig doon. Umuwi siyang bitbit ang kwento ng paghihirap ng komunidad ng mga mangingisda na nangangalaga rito. Bagama’t nagbunga ang pagpupursiging ito ng tropeyo, alam niyang may mas malaking laban na dapat maipanalo—ang kampanya para sa malayang pamamahayag.

Noong Oktubre 2021, naimbitahan ng UP Marine Science Institute si Manahan upang magtala ng impormasyon tungkol sa ekspedisyon ng pagtatayo ng isang laboratoryo sa pulo. Pandemya pa noon at mainit na ang usapin ukol sa tensiyon sa pagitan ng China at Pilipinas kaugnay ng West Philippine Sea.

Gayunpaman, bihirang marinig sa balita ang mga sentimyento ng komunidad na namumuhay rito na siyang pinaka-apektado ng panggigiit ng mga dayuhan. “Matagal kasi yung expedition na ‘yun eh, three weeks. Nakipamuhay kami sa mga tao doon, mostly, mga mangingisda. Noong nakapunta kami, sobrang nakita ko ‘yung hirap nila na dinadanas—how their livelihood is being affected by it. Ang pakay ay to cover the expedition but […]  nakita namin na it was a good opportunity to tell [the people’s] story,” kuwento ni Manahan sa Tanglaw. 

Ang pagbabalita ukol sa panggigipit ng China sa ating karagatan ay pag-ungkat din sa isyu ng kapayapaan at seguridad ng buong bansa. Ganoon na lamang ang tindi ng hamong dala sa mga mamamahayag na mapanatiling masusi ang pagbabalita ukol dito.

“At that time, the National Security Council has not allowed us to do live reports […] kailangan nakabalik na kami sa Manila bago gawin ‘yon […] Maraming militar na naka-station no’n. Pinipigilan kami na kuhanan ‘yung ibang shots. For example we got this exclusive footage na hindi lang pala mga [Chinese] ang nangingisda doon, pati na rin Vietnamese fishermen… Itinakas [lang din] namin ‘yung interview namin sa mga mangingisda,” balik-tanaw ni Manahan sa kanyang karanasan.

Sitwasyon ng mga mangingisda

Sa kabila ng mga kinaharap ni Manahan at ng kanyang mga kasama sa ABS-CBN sa pagkalap ng mga impormasyon dito, pinanindigan nila ang desisyong ilapat sa balita ang naratibo ng mga mangingisda. Noong Nobyembre 1, 2021, ipinalabas sa TV Patrol, ang primetime newscast ng ABS-CBN News, ang ulat ni Manahan.

Ipinakita ng istorya ang dalang pasakit ng mga dayuhang barko sa paggamit ng mga mamamayan sa sarili nating karagatan. Binigyang mukha ng mga kalakip na eksklusibong interview sa mga mangingisda ng pulo ang mga karanasang ito.

“Maraming mga magsasaka at mangingisdang Pilipino. Kailangan silang mapakinggan. It’s not that they are voiceless, they have their voice but they are not being heard. Sometimes, they are being deliberately silenced […] As part of the Agriculture beat, [we] have to listen to the marginalized sector more […] Marami [silang] kwento,” paliwanag ni Manahan.

Ang pagpupuspos na ito ay nagbunga ng tropeyo. Kinilala ang piyesa ni Manahan na “Fishermen of Pag-asa: Kabuhayan ng mga Mangingisda sa West Philippine Sea” bilang Most Development-oriented News Story sa Gandingan Awards 2023. 

Ang Gandingan Awards ay taunang pagpaparangal ng UP Community Broadcasters’ Society Inc.,  isang organisasyon ng mga mag-aaral ng UPLB College of Development Communication, sa mga piling programa sa telebisyon, radyo, at online na pagbabalita na nagsusulong ng kaunlaran. Ibinida nito ang temang “Kabuhayan, Buhay ng Bayan” noong nakaraang taon.

Ngayon, may tuwa sa pagbabalik-tanaw ni Manahan sa kanyang tinahak upang mapagtambol ang boses ng mga komunidad ng mga mangingisda sa pulo ng Pag-asa. Sa kanyang mga kataga, “this is a story that people should know, should talk about. Paano natin mapapakinggan ‘yung kwentong [katulad nito] kung ‘di natin ibabalita sa mga [platapormang meron] tayo?” 

Malaking bagay ang ganitong uri ng parangal sa pagtanaw sa pagsisikap ng mga mamamahayag. Ngunit, hindi sa tropeyo nagtatapos ang pagkilala na inaasam makamit ng mga tagapagtaguyod ng media.

Rekisito ang respeto

Sa pananaw ni Manahan, naging malaking balakid sa malayang pamahahayag ang pinaigting na pag-atake sa media nitong mga nagdaang taon. Matatandaan aniya ang kontrobersyal na pagpapasara sa ABS-CBN noong 2020. Gayundin ang paninirang kinaharap ng Rappler at Inquirer buhat ng pag-uulat ng mga ito ukol sa mga kapunahan sa administrasyong Duterte. “Marami pa ring mga nakukulong at napapatay na mga mamamahayag sa Pilipinas. [The country] remains as one of the most dangerous places for Journalists,” dagdag niya 

Kritikal na sangkap ng demokrasya ang pagkakaroon ng mga mamamayan ng karapatan na magpahayag. Isa sa mga manipestasyon nito ang pagkakaroon ng malayang media. Sa tulong nito, naihahatid sa mga masa ang mga makatotohanang impormasiyon na makukutulong sa atin sa hustong pagdedesisyon at aktibong partisipasyon sa ating lipunan.

Gayun na lang ang kahingian ng propesyonal na media ng pagiging kritikal mula sa mga miyembro nito. Kagaya ng ipinakita ni Manahan, natural na pangangailangan dito ang katalasan ng isip sa pag-ungkat ng mga katotohanang kinakaharap ng ating lipunan. 

Sa kasamaang palad, sa Pilipinas, hindi lamang talas ng pag-iisip ang dapat taglayin. Dagdag na hamon ang pagkakaroon ng katapangan sapagkat isa ang Pilipinas sa mga pinakamapanganib na bansa para sa mga mamamahayag. Ika-132 ito sa 180 na mga bansang iniranggo ng Reporters Without Borders para sa Press Freedom Index.

Sa pag-aaral ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), simula nang maluklok sa pwesto si Ferdinand Marcos Jr. noong June 30, 2022 ay mayroong naitalang hindi bababa sa 100 na kaso ng pag-atake sa mga miyembro ng media.

Iba’t iba ang anyo ng pagpapahirap na nararanasan ng mga mamamahayag ang naiulat —intimidasyon sa porma ng pantitiktik, pagpapataw ng kasong libel at cyber libel nang walang sapat na ebidensiya, at pagpatay. 

Ibinalita noong Oktubre 2022 ang kalunos-lunos na pagkitil kay Percival Mabasa, mas kilala bilang Percy Lapid, na tinambangan saka binaril habang  papunta sa kanyang trabaho bilang radyo commentator ng programang “Lapid Fire” ng DWBL 1242 radio station.

Ayon sa NUJP, si Mabasa ay kilalang kritiko ni Marcos Jr., kasalukuyang presidente, at  Rodrigo Duterte na sinundan ni Marcos Jr. sa pagkapangulo. Isa ang pagpanaw ni Mabasa sa apat na naitalang kaso ng pagpatay sa mga mamamahayag simula nang maluklok si Marcos sa pwesto. 

Maging malaya upang makapagbalita

Talamak na porma rin ng pag-atake sa mga miyembro ng media ang red-tagging. Tatlumpu’t isang kaso ng panre-redtag ang naidokumento ng NUJP at Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR)  sa unang 9 na buwan ng administrasyong Marcos Jr.

Sa pananaw ng Philippine Center for Investigative Journalism, ang paniniil na ito ay nag-uugat mula sa pagpapalaganap ng media ng mga impormasyong maaaring pagmulan ng kritisismo sa pamahalaan ng mga mamamayan, bagay na normal lang naman para sa bansang demokratiko

Mariing kinokondena ng mga miyembro ng media ang pagpapatahimik ng estado sa kanila. Para sa mga mamamahayag na gaya ni Manahan, ang kahilingan lamang nila ay kalayaan.  “Hindi kami dapat itinuturing na destabilizers […] The media’s role is critical. We have to report on the shortcomings and excesses of the governemnt as a fourth estate […] We are just doing our job,” pagdidiin niya.

Deka-dekada nang kinakaharap ng bansa ang problema sa pag-atake sa media. Noong ika-50 taon na selebrasyon ng Kapisanan ng Brodkaster ng Pilipinas (KBP), nagpahayag si pangulong Marcos ng hangaring masugpo ito at mapataas ang pwesto ng Pilipinas sa Press Freedom Index. Ngunit taliwas sa kanyang pahayag, wala pang nagiging aksyon ang gobyerno para maisakatuparan ito. 

Malinaw na may kasalatan pa rin sa respetong naibibigay sa media bilang institusyon ng demokrasya. Patuloy ang pag-iral ng mga suliraning gaya ng pinakikita ng mga datos sa itaas. Kaya naman, sa pagtapak natin sa 2024, walang humpay pa rin ang panawagan ng mga mamahayag na mawakasan ang mga pandudustang tinatamo nila.

Ano pa nga bang mas makakapagbibigay-dangal sa gampanin ng media sa pagpapanatili ng inklusibong lipunan at sa sikhay na ipinamamalas ng mga tagapagtaguyod nito kung hindi ang pagpawi sa mga pagpapahirap na dinadanas nila dahil sa simpleng pagtugon sa tungkulin.

Sa pagtatapos ng naging panayam kay Manahan, iniwan niya ang mga katagang sumasalamin sa patuloy na panawagan ng mga mamahayag sa ating bansa: “Kailangan ng estado na maintindihan kung ano nga ba ang role ng media sa isang bansa, sa isang lipunan […] Kailangan namin maging malaya to do what we need to do”.  ■


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya