Kasama sa nagsulat ng istoryang ito si Angelo del Prado. Kalakip nito ang mga ulat nina Mar Jhun Daniel, Princess Leah Sagaad, Neil Andrew Tallayo, Shaina Masangkay, at Sean Angelo Guevarra mula sa Los Baños at nina Reuben Pio Martinez, Marius Cristan Pader at Alexander Abas mula sa Miagao, Iloilo.

DAPAT MONG MALAMAN

  • Bakas sa naging takbo ng dalawang resolutions tungkol sa transport crisis sa Pilipinas ang masalimuot na prosesong dinadaanan ng isang resolusyon sa GASC.
  • Sa likod ng matagal na diskusyon at palitan ng kuro-kuro ang pagbabalanse ng kagustuhan ng mga konseho na lapat sa kalagayan ng mamamayan ang mga resolusyon, sa pagsisigurong mapanatili ang pagiging sistematiko ng takbo ng GASC.

Bakas sa naging takbo ng dalawang resolusyon sa ika-56 na pagpupulong ng General Assembly of Student Councils ang metikolosong proseso upang siguruhin na lapat ito sa kalagayan ng mamamayang Pilipino at kritikal ang naging pagbutbot ng dokumento sa paksa nito.

Tumakbo ng ilang oras ang naging talakayan kung pagsasamahin ba ang magkahiwalay ngunit magkasunod na mga resolusyon: una, na tumatalakay sa PUV Modernization Program (PUVMP); at pangalawa, na nakatampok ang panawagan para sa isang makamasang sistema ng transportasyon.

Sa likod ng matagal na diskusyon at palitan ng kuro-kuro ang pagbabalanse ng kagustuhan ng mga konseho na lapat sa kalagayan ng mamamayan ang mga resolusyon, sa pagsisigurong mapanatili ang pagiging sistematiko ng takbo ng GASC.

Makikita sa pagsisiyasat ng takbo ng diskusyon kung paano siniguro ng mga konsehong dumalo sa pagpupulong ng GASC na nasasaklaw ng kanilang mga resolusyon ang mga sektor at mga isyung nakapalibot sa kanilang paksa.

Kasabay nito ay ang mga pagsubok na kakabit ng pormal na mga proseso at panuntunan sa pagbabalangkas ng mga resolusyon, lalo na’t sinusunod ng GASC ang prinsipyo ng ‘consensus-building’. Ibig sabihin, hindi papasa ang isang resolusyon hanggang may pagtutol ang mga konseho kahit sa pinakamaliit na mga detalye ng dokumento.

Kahalagahan ng mga resolusyon

Hindi lamang isang simpleng dokumento ang mga resolusyon, ayon sa ika-39 na Student Regent at dating UPLB USC Chair Siegfred Severino. Bagkus, ito ay may dalawang layunin: maging blueprint ng mga kampanya at makatulong sa pakikipag-ugnayan sa mga administrasyon ng bawat constituent university.

“Una, para magsilbi itong campaign guide sa mga SCs. Ang goal nito ay united ang SCs sa iisang principle about the issues at alam ang general direction na dapat daluyan ng campaigns sa isang semester,” saad ng dating Student Regent.

Nagagamit rin ang mga resolusyon sa pakikipag-usap sa UP administration. Dagdag ni Severino: “Nagamit na natin ito in the previous years when we demand actions regarding the UP Master Development Plan, wider representation sa University Governance, at pag-demand ng tindig ng UP System Administration sa mga national issues.”

Ipinamalas sa naging diskusyon sa dalawang resolusyong ito ang kagustuhan ng mga konsehong maging iisa ang hakbangin. “Sa nangyaring discussion sa transport resolutions, pinakita nito yung political drive ng SCs natin to craft the most comprehensive [resolution] possible,” saad niya sa isang panayam ng Tanglaw.

Upang mapaintindi ang naging daloy ng dalawang resolusyong ito, siniyasat ng Tanglaw ang naging talaan nito at ng kapwa nitong mga pahayagan sa UP Solidaridad ng mga kaganapan sa sesyon. Kinapanayam rin ng pahayagan si Severino upang bigyang-konteksto ang mga nangyayari sa bawat yugto ng pagpupulong.

9:07 a.m.: Resolusyon tungkol sa PUVMP

Binuksan sa lupon noong Sabado, Pebrero 10, ang resolusyong pinamagatang “A Resolution Urging the University of the Philippines General Assembly of Student Councils to Unite and Intensify the Campaign Against the Public Utility Vehicle Modernization Program and its Respective Local Implementations of Local Public Transport Route Plans (LPTRPS)”. Ito ang ika-13 sa 20 na resolusyong inihain ng mga konseho bago ang pagsisimula ng ika-56 na pagpupulong ng GASC. 

Sa manipestasyon ng mga konseho, itinaas ng UP Mindanao USC sa mga may-akda kung bakit hindi pinag-isa ang resolusyong ito sa kasunod na resolusyong nakatuon naman sa makamasang sistema ng transportasyon na inakda ng UP Diliman Business Administration Council.

Giit ng UP Visayas USC, naniniwala silang importante ang parehong resolusyon ngunit ang pagkakahiwalay ay buhat ng kagipitan sa oras. Matapos ang ilang mga pagbabago at manipestasyon ukol sa lokal na karanasan ng mga konseho tungkol sa PUVMP, pumasa ang PUVMP resolution nang walang pagtutol mula sa lupon, pagsapit ng 9:36 a.m.

9:37 a .m.: Resolusyon tungkol sa pro-people transport

Kasunod na binuksan sa lupon ang ika-14 resolusyon, ang pinamagatang “A Resolution Demanding the Marcos Administration for a Pro-People Enhancement of All Transportation Systems in the Philippines”.

Ayon sa UPLB USC, mas mainam kung pagsasamahin ang dalawang resolusyon dahil ito ay parehas na nakaugat sa pagtugon sa national transport crisis kung saan kasama ang mga jeepney. “Maybe we can agree with each other that both problems aren’t that far off from each other, but we literally only had a resolution just like that a while ago,” saad ni UPLB USC Chair Gio Olivar.

Iginiit naman ng UP Diliman Business Administration Council (UPD BAC), ang may akda ng nakasalang na resolusyon, na sinubukang pagsamahin ang dalawang akda. Subalit, maari umanong mapalabnaw ang laban ng mga tsuper at jeepney sa iba pang transportasyon kung kaya’t mahalaga ang magkaibang resolusyon. 

“We found value in the resolutory clauses that might not really fit the scope. But we get that there really is just one fight against transport strike, and these aren’t mutually exclusive,” paliwanag ng konseho mula sa UP Diliman.

Tugon na naman ng UPLB USC: “Saan ba natin inuugat ang modernization program? Ito’y nanggagaling sa commercializing ng utility services, kagaya ng nabanggit, di naman sila mutually exclusive.”

Nagsasalita si UPLB USC Chair Gio Olivar sa huling araw ng sesyon ng ika-56 na pagpupulong ng GASC sa UP Visayas – Miagao campus.
Kuha ni Dan Alexander Abas, Tanglaw photojournalist

10:16 a.m. Tuloy-tuloy na diskusyon

Bilang solusyon, nagmungkahi ng 10-minute unmoderated caucus ang UPLB USC upang paguspan ang dalawang resolusyon. Ang unmoderated caucus ay kung saan magkakaroon ng pagkakataon ang mga konseho ng malayang pag-uusap labas sa striktong panuntunan ng GASC. 

Tinutulan ito ng UP Diliman CSWCD SC, na isinaad na nagkaroon na nang pag-uusap ang dalawang may-akda ng resolusyon. Nagkaroon muli ng ilang panukala upang magkaroon ng unmoderated caucus ngunit ito ay hindi pinayagan ng lupon. Kinilala naman ni Student Regent Iya Trinidad ang mga panukala para sa isang unmoderated caucus sa kabila ng patuloy na pagrerebisa sa resolusyon. 

Sa kabila nito, nagkaroon pa rin unmoderated caucus na umabot ng mahigit 30 minuto. Sinundan naman ito ng unit caucuses, kung saan mag-uusap ang mga contingents mula sa bawat constituent university tungkol sa kanilang magiging boto sa gagawin sa dalawang resolusyon.

10:47 a.m.: Pagsasamahin ba o hindi?

Sa pagbabalik nila sa sesyon, sumang-ayon na ang contingents ng UP Mindanao, UP Cebu, at UP Manila upang pasamahin ang dalawang resolusyon. Sinabi ng UP Mindanao USC na magkakaroon ng isang mas komprehensibong panukala kung pagsasamahin ang mga importanteng parte mula sa dalawang resolusyon. 

Ipinahayag naman ng UPB USC na hindi pa rin sila nareresolba sa mga pagbabagong isinagawa sa nakasalang na resolusyon. “Kagabi we are on the pro na magkahiwalay… pero nung na-revise kanina, nakita na it’s also the same with the PUVMP resolution,” anila.

Tinutulan naman ng UP Diliman USC ang mungkahing pagsasama, at iginiit ang paghihiwalay ng dalawang resolusyon para sa ‘macro’ at ‘micro’ na perspektibo na paglaban. “Kung ipapag-merge natin, mawawala ang kampanya sa PUMVP kasi ang pinag-uusapan sa kasalukuyang resolution ay ‘yung mode of transport,” pahayag ng kinatawan ng UP Diliman Asian Institute of Tourism (AIT) SC. 

Sa panayam ng Tanglaw kay Severino, napansin rin niya ang paghahati ng dalawang resolusyon sa dalawang pananaw. “Maganda ‘yung naging [mungkahi] nila na pagsamahin sa isang comprehensive resolution ang dalawa dahil tinitingnan ang issue mula sa tactical o short-term, hanggang sa strategic o long-term na goal para tugunan ang isang issue na malawak talaga,” ani Severino.

11:28 a.m. : Pull-out ng mga may-akda

Nagbigay ng point of order si SR Trinidad upang paalalahanan ang lupon na pag-aralan ang mga resolusyon bago ang pagtitipon. “Ilang beses na ‘tong nangyari and we are wasting time,” saad niya. Sa kabila nito, kaniya ring kinilala ang mga karaingan ng mga konseho para sa mas komprehensibong pagtalakay sa mga isyung nakapaloob sa resolusyon.

Upang maipagpatuloy ang talakayan sa natitirang mga resolusyon, nagmungkahi na ang UP Visayas USC bandang 11:28 a.m. na i-pull out ang mga kinatawan na may kinalaman sa dalawang resolusyon upang pag-usapan ang mga dapat na gawing rebisyon sa dalawang resolusyon.

Naging komprehensibo ang talakayan ng mga konsehong dumalo sa ika-56 na pagpupulong ng GASC tungkol sa dalawang resolusyon sa public transportation.
Kuha ni Dan Alexander Abas, Tanglaw photojournalist

4:06 p.m.: Pagbabalik sa usapin

Matapos maaprubahan ng konseho ang natitirang anim na resolusyon, muling humarap ang mga may-akda bandang 4:06 p.m. bitbit ang tatlong scenarios bilang tugon sa pagresolba ng mga pagkakaiba. 

Sa mga panuntunang sinusunod, hindi na maaaring mabago ang mga resolusyong pumasa na. Buhat ng naging pag-uusap sa koneksyon ng naipasang PUVMP resolution sa pro-transport resolution, inimungkahing suspindihin muna ang parliamentary procedures. Ito ay upang malayang maipresente ng emergency technical working group ang kanilang mga mungkahing pagrerebisa, lalo na sa naipasang PUVMP resolution.

Makikita sa mga pagbabago na miski ang mga maliliit na bahagi ng mga resolusyon ay kritikal na binubutbot upang mapagbigyan ang mga mungkahi ng mga konseho. Gaya ng mungkahi ng UP Visayas USC sa PUVMP resolution, pinababago nito ang nakasuulat na “transport sector” patungong “transport system” na hinalaw sa diwa ng pro-people transport system resolution.

Samantala, iniharap rin sa luupon ang pinagsamang bersyon ng dalawang resolusyon at ang bagong pamagat nito. Nagpaabot ng suporta ang mga konseho mula sa UP Open University at UP Manila sa bersyong ito, dahil ito uumano ang pinakakomprehensibo at pinakaklarong dokumento na magsusulong ng parehong kampanya. 

Nagbigay naman ng suporta ang UP Manila CPH SC para sa pagsasama ng dalawang resolusyon para kumilos para sa isang pangkalahatan at mas malaking kampanya. Muli ring ipinahayag ng UP Manila USC ang pagsasama ng dalawa dahil mas magiging episyente ito para sa kanila.

Anila, hindi limitado sa jeepney ang transportasyon sa kanilang campus. “It’s a matter for saan ba mas maganda ‘yung magiging tahi ng kampanya so napili namin ang proposal for merging,” saad ng UPM USC.

May mga konseho rin namang sumusuporta sa magkahiwalay na resolusyon para PUVMP at pro-people transportation system. Ayon sa UPD National College of Public Administration and Governance (NCPAG) SC, mas mainam ang hiwalay na resolusyon dahil urgent ang kampanya para sa PUVMP dahil sa taning para sa consolidation na ibinigay para sa mga tsuper. Dagdag pa nila mas magiging “succinct, structured, at cohesive” umano ito kung pananatilihing magkahiwalay. 

Marriin namang isinusulong ng UPD ang paghihiwalay ng dalawang resolusyon upang patambulin ang kampanya ng bawa’t isang resolusyon. “Sa PUVMP, mas responsive sa upcoming deadline sa franchise consolidation habang ‘yung sa pro-people transport, doon mag-craft ng broader campaign,” pahayag ng UPD NCPAG SC.

5:00 p.m.: Kritikal na pagtalakay

Batid rin sa talakayan ang kritikal na pagtingin ng mga konseho sa isyu ng transport crisis. Makikita ito sa pagiit ng UPLB USC na pagsamahin ang mga resolusyon dahil pareho namang nababanggit ng dalawa ang National Economic and Development Authority (NEDA).

Itinuturing ng UPLB USC ang ahensya bilang reaksyunaryo at nangunguna sa pagsulong ng public-private partnerships sa PUV modernization. Paglilinaw ng UP Diliman USC, ang pagbanggit ng NEDA sa kanilang resolusyon ay nagbibigay-konteksto lamang sa kasalukuyang sitwasyon.

Ang tinutukoy ng dalawang konseho ay ang National Transport Policy (NTP) na inilabas ng NEDA noong 2020, kung saan nakapaloob ang implementing rules and regulations (IRR) para sa mga reporma sa transport system ng Pilipinas. 

Tinanong naman ng UPLB USC ang UPD USC kung bukas sila na tanggalin ang clause na binabanggit ang NTP ngunit walang nakikitang dahilan ang mga ito upang burahin ito sa resolusyon. Pinaalalahanan naman ni SR Trinidad na maaring baguhin ang mga clauses sa resolusyon kapag muli nang ibinalik ang parliamentary procedures.

Nagsasalita si Student Regent Sofia Iya Trinidad sa mga huling sandali ng ika-56 na pagpupulong ng GASC sa UP Visayas – Miagao Campus.
Kuha ni Dan Alexander Abas, Tanglaw photojournalist

6:00 p.m.: Pagtatapos

Sa gitna ng naging tuloy-tuloy na diskusyon sa isyu, nagbigay ng manipestasyon ang UP Diliman USC tungkol sa maaaring mapulot ng mga konseho mula rito. “Hopefully next time ay lahat tayo ay may collective accountability na ayusin ang resolution na mayroon tayo,” anila. 

Matapos ang serye ng mga panukala at suhestiyon sa mga resolusyon, muling nagkaroon ng unmoderated caucuses ang mga units. Isinulong ng technical working group ang pagpasa ng hiwalay ng resolusyon. 

Sinuportahan ito ng karamihan ng lupon, at pinayagan ang panukalang ibalik na ang parliamentary procedures. Muling isinalang sa deliberasyon ang resolusyon tungkol sa pagkakaroon ng pro-people transportation. 

Sa dulo’t dulo, hindi na nagkaroon ng pagbabago ang naunang naipasang resolusyon tungkol sa PUVMP. Matapos ang ilang mga pagbabago, naipasa na rin ang pro-people transport resolution bandang 6:15 p.m.

Bagaman hindi naipagsama ang mga resolusyon, ipinakita ng prosesong dinaanan nito kung paano pag-isipan at gawan ng aksyon ng mga konseho ang mga isyung kinahaharap ng mamamayang Pilipino. “Kahit hindi nagawang mapag-sama ang resolutions, nabuksan nito yung diskusyon kung paano ba magdala at magsuri ng isang isyu o kampanya ang bawat SCs,” ani Severino.

“Sa dulo, ang pagkakaroon nila ng consensus sa kung ano ang dapat gawin ay mahalaga na rin para on the same page pa rin ang lahat ng SCs sa paglunsad ng mga campaigns.” ■


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya