Isinulat ang istoryang ito kasama ni Neil Andrew Tallayo.
Header photo: Bitbit ng mga kasapi ng bandang Cup of Joe ang mga panawagan. (Kuha ni Ellyzah Devilleres)
DAPAT MONG MALAMAN
- Sumentro ang isa sa mga programa sa taunang UPLB February Fair sa pagsusulong ng mga kampanyang nagtataguyod sa pagprotekta sa kalikasan, pagpanawagan ng tunay na reporma sa lupa, at makataong modernisasyon ng transportasyon.
- Natalakay rin ng mga tagapagsalita ang pangangailangan para sa siyentipiko at makamasang edukasyon, pagkakaroon ng nakabubuhay na sahod, at pagtutol sa niraratsadang Charter Change (Cha-Cha).
Sa muling pagbabalik sa entablado ng Paglaum ngayong taon sa UPLB February Fair, tangan ng mga pagtatanghal at musika ang himig ng pakikibaka para sa mga kampanya ng masa.
Kasabay ng patuloy na tumitinding paniniktik ng estado sa Timog Katagalugan, patuloy pa ring lumalaban ang hanay ng mga manggagawa, magsasaka, mangingisda, at maralitang lungsod, kasama ang mga lider-estudyante.
Pinamagatang “PAGLAUM 2024: Tanghalan ng Pakikidigma”, sumentro ang programa sa pagsusulong ng mga kampanyang nagtataguyod sa pagprotekta sa kalikasan, pagpanawagan ng tunay na reporma sa lupa, makataong modernisasyon ng transportasyon, siyentipiko at makamasang edukasyon, pagkakaroon ng nakabubuhay na sahod, at pagtutol sa niraratsadang Charter Change (Cha-Cha).
Ipinaalala naman ng unang tagapagsalita mula sa Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) – Laguna ang kapangyarihan at kakayahan ng masa upang supilin ang mga mapaniil na estado tulad ni Marcos Jr. “Pinabagsak natin ang rehimeng Marcos [Sr.], pinalayas natin ang mga Kastila, ang mga Amerikano at baka naman isipin ni Bongbong, na darating na ang araw na siya na mismo ang papabagsakin ng taong bayan,” saad niya.

Kuha ni Karylle Payas, Tanglaw photojournalist
Paninigil sa adminstrasyong Marcos
Matapos maluklok sa pwesto dalawang taon na ang nakalipas, marami pa ring mga pangako ang kasalukuyang administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr. na hindi natutupad. Kabilang dito ang pagbaba ng presyo ng bigas sa P20 kada kilo, ngunit kabaligtaran at patuloy na tumataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin na pasakit para sa mga mamamayan.
“Natamasa ba natin ang bente pesos na bigas na ipinangako noong eleksyon? Mas posible pang maging bente pesos per cup ng kanin sa karinderya kesa maghing bente pesos ang kilo ng bigas,” paglalahad ng tagapagsalita ng Katipunan ng mga Samahang Magbubukid (KASAMA) TK.
Iginiit din ng KASAMA TK na walang plano ang kasalukuyang administrasyon para sa mga magsasaka sa kanayunan. “Mga kababayan, wala pong plano ang rehimeng US-Marcos para sa usapin ng tunay na reporma sa lupa. Hanggang ngayong hindi pa rin ipinapasa ang geniune agrarian reform bill na matagal nang tinutulak sa kongreso ng ating mga makabayang kongresista,” anila.
Kaugnay nito patuloy pa rin ang land use conversion ng mga lupang sakahan sa Cavite at Laguna para sa mga komersyalisadong espasyo tulad ng Villar City na pagmamay ari ng dating senador na si Manny Villar, na tila pinahihintulutan ng gobyerno.
Hindi lamang sa sektor ng mga magsasaka, patuloy ring pinahihirapan ni Marcos Jr. ang hanay ng mga tsuper at pampublikong sasakyan sa patuloy nitong pagsusulong sa ng hindi makataong PUV Modernization Program. Sa kanyang pagsasalita, ibinahagi ni Miguel “Ka Elmer” Portea, mula sa Southern Tagalog Region Transport Sector Organization – PISTON (STARTER-PISTON), na sila ay nagkaroon ng diyalogo sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Region IV, ngunit labas sa kabilang tainga ang kinalabasan nito.
“Hindi narinig ang hinaing ng mga drayber pero ramdam na ramdam na natin, ngayon pa lamang, ang maraming tao na ito, saan sasakay kapag nawala ang traditional jeepney? Kung 15 units [ng jeep] lamang ang papasok sa UPLB? Kaya sa gabing ito, tuloy ang laban, tuloy ang pakikibaka!” panawagan ni Portea.

Kuha ni Karylle Payas, Tanglaw photojournalist
Kalagayan ng kalikasan, mga manggagawa
Binigyang diin naman ng KALIKASAN Timog Katagalugan ang kahalagahan ng pagbibigay atensyon sa kalagayang pangkalikasan sa ating mundo, na sa kabila ng mga konserbasyong ginagawa ng ordinaryong mamamayan ay walang magbabago kung hindi pananagutin ang mga kapitalistang institusyon.
Tinutulan din ng tagapagsalita ng KALIKASAN TK ang mga isinasagawang developmental aggression projects tulad ng mga mining operations at pagpapatayo ng dam, tulad ng itinatayong Ahunan Hydropower project sa Pakil, Laguna na sisira sa mga bundok ng Sierra Madre.
“Ang gusto natin ay tunay na reporma sa lupa, hindi iyong mga destructive, extractive mega projects. Kailangan nating manawagang itigil ang karahasan at magkaisang itaguyod natin ang kapakanan ng mga magsasaka, mangingisda, manggagawa, at iba pang sektor ng lipunan,” ani Daisy Macapanpan ng Protect Sierra Madre.
Sa sektor ng mga manggagawa, patuloy pa rin ang banta kontraktwalisasyon sa kabuhayan ng mga taga-rehiyon. Ani ng tagapagsalita mula sa Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan (PAMANTIK) – Kilusang Mayo Uno (KMU), ipinangako ng nagdaang mga administrasyon ang pagwawakas nito ngunit hindi pa rin ito natutupad at masolusyonan.
Aniya walang ginagawang aksyon ang administrasyon upang itaguyod ang nakabubuhay na sahod at pagwawakas ng kontraktuwalisasyon. “Sa unang taon ni Marcos, naramdaman ng mga manggagawa ang pagtaas ng mga bilihin, walang ibang maapektuhan ng pag tuloy-tuloy ng pagtaas ng bilihin kundi ang mga manggagawa at mga maliliit na mamamayang Pilipino,” saad niya.
Dagdag pa niya na mailap ang batayang karapatan ng mga manggagawa sa bansa. Patuloy pa rin ang pamamaslang at pag aresto sa mga lider-manggagawa tulad nina Dandy Miguel at Manny Asuncion na kabilang sa pinaslang sa tinaguriang Bloody Sunday Massacre.
“Hangga’t marami ang red-tagging sa loob ng mga pagawaan at mga ilegal na naaaresto ay tutungo sa lansangan at sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno ang mga manggagawa,” dagdag pa niya.

Kuha ni Karylle Payas, Tanglaw photojournalist
Pagpapalayas sa mga imperyalista
Binigyang diin naman ng tagapagsalita mula sa League of Filipino Students (LFS) – UPLB ang malaking gampanin ng Estados Unidos sa pagsasanay sa mga militar na pumpatay sa hanay ng mga sektor. “Nararapat po lamang na tumindig tayo kasama ng mga Palestino, dahil mapapalaya lamang natin ang buong daigdig kung ang bawa’t isang bansa na niyuyurakan ang karapatan ng US ay ating mapapalaya,” paglalahad ng LFS-UPLB na inihalintulad ang agresyon ng Israel sa Palestine, sa pamamagitan ng tulong militar ng US.
Aniya iniipit ng US ang Pilipinas sa digmaan nito sa pagitan ng China sa pagpasok ng mga base militar at balikatan exercises sa bansa.
Ipinunto naman ni Anakbayan UPLB Chairperson Nemo Yangco ang bulok na sistema ng edukasyon sa Pilipinas na isinasaalangalang para sa mga interes ng dayuhan. “Sa kasaulukuyan nariyan ang pagtutulak sa Charter Change sa kongreso…kapag naipasa ito magkakaroon ng 100% foreign-owned institutions, dito natin aasahan na magkakaroon ng talamak na proyekto at pamamahala na mas lalong magpapalala ng komersyalisasyon sa iba’t ibang pamantasan tulad ng UPLB,” aniya.
Binigyang diin rin niya na bibigyan ng kapangyarihan ng Charter Change ang mga dayuhang korporasyon na pagsamantalahan ang ating mga likas yaman at lalong paiigtingin ang imperyalismo ng US.
“Makakamit lamang natin ang tunay na demokrasya sa pamamagitan ng rebolsuyon at pagtangan ng armas. Makakamit lamang natin ito tulad ng pakikibaka at pag-aalay ni John Carlo “Ka Yago” Alberto sa kaniyang buhay para ipaglaban ang karapatan ng sambayanang Pilipino,” ayon kay Yangco.
“Tayo ay laksa-lakasang dumaluyong, gapiin ang ugat ng kahirapan, pabagsakin ang imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo at isulong ang pambansang demokrasya na may sosyalistang perspektiba,” pagtatapos nito. ■
🤝 Ang Tanglaw ay media partner ng Paglaum 2024.




You must be logged in to post a comment.