DAPAT MONG MALAMAN
- Ipinaliwanag ni UP CMC Assoc Prof. Danilo Arao, kolumnista ng Pinoy Weekly at associate editor ng Bulatlat Multimedia, ang kahalagahan ng pagkakaroon ng pangkolehiyong pahayagan ng mga mag-aaral at kung paano ito naiiba sa university-wide publication.
- Sinuportahan din ng CDC Student Council at Freshman Council ang pagsusulong ng sariling pahayagan ng CEM.
- Inisyal na hindi sumang-ayon ang administrasyon ng CEM sa panukalang magkaroon ng sariling pahayagan ang mga mag-aaral ng kolehiyo dahil mayroon na umanong UPLB Perspective.
- Samantala, nagkasundo na ang CEM admin at CEM SC na ituloy ang pagtatatag ng college student publication matapos ang pagpupulong nitong Huwebes. → Basahin ang buong istorya.
Sa isyu ng pagtatayo ng student publication sa College of Economics and Management (CEM), ang isang tanong na lumitaw ay: Bakit kailangan pa ng college publications?
Sa panayam ng Tanglaw sa isang mamamahayag mula sa alternatibong midya at sa mga pahayag ng mga lider-estudyante, lumitaw ang mga salik sa lipunan na nagpapakagyat ng pangangailangan para sa mga student publications sa bawat kolehiyo.
Ayon kay Danilo Arao, associate professor sa UP Diliman College of Mass Communication at isang mamamahayag sa alternatibong midya gaya ng Pinoy Weekly at Bulatlat, iba ang dinamiko ng isang pangkolehiyong pahayagan sa univeristy-wide publication.
“There are certain topics that can be better discussed and more deeply discussed sa college-wide na publication,” saad ni Arao sa isang panayam ng Tanglaw noong Lunes, Peb. 19. “Pwedeng nagdi-discuss ‘yan ng parehong isyu pero iba ‘yung treatment ng college-based publication kumpara sa university-wide kasi ang college-based publication kaya niyang mag-particularize ng mga isyu na ispesipiko talaga sa kolehiyo at ito ‘yung impormasyon na kailangan ng mga estudyante.”
Aniya, may kinalaman ang pahayagan sa pagtataguyod ng “safe space” sapagkat dapat itong maging daluyan ng saloobin ng mga mag-aaral. “Ang administrasyon [ang] dapat manguna sa pagpapalawak ng campus press freedom at dapat hayaan ang mga estudyante kung gusto nila na magkaroon ng [college]-wide na publication,” saad ni Arao matapos ang inisyal na hindi pagsang-ayon ng CEM executive committee sa pagbuo ng pahayagan noong Pebrero 7.

Kuha ni Dan Alexander Abas, Tanglaw photojournalist
Ngayon ang panahon
Naniniwala rin ang CDC Student Council at Freshman Council na dapat na mabigyang kalayaan, suporta, at pondo ang mga mag-aaral ng CEM upang maitatag ang kanilang pangkolehiyong pahayagan. “Higit kailanman, ngayon ang tamang panahon upang bigyang plataporma ang boses ng mga mag-aaral ng CEM upang mapatambol ang mga isyung kinakaharap ng kanilang kolehiyo na konektado rin sa krisis pang ekonomiya na dinaranas ngayon ng ating lipunan,” pahayag nila.
Sa ginanap na pagpupulong sa pagitan ng CEM admin at CEM SC nitong Huwebes, Peb. 22, napagkasunduan na itutuloy na ang pagkakaroon ng mga mag-aaral ng pangkolehiyong pahayagan. Tinalakay sa emergency meeting ang hindi pagkakaunawaan ng admin at konseho hinggil sa isyung pagtatatag ng student publication sa kanilang kolehiyo.
Ngunit bago pa magkaroon ng dayalogo, nauna nang ipinahayag ng konseho na itutuloy nila ang pagsusulong sa panukalang ito kahit na hindi pumayag ang kanilang administrasyon. Ayon kay CEM SC Chair Gabrielle Dela Cruz, dismayado sila sa unang naging tugon ni Officer-in-Charge (OIC) – Dean Dr. Ma. Angeles Catelo sa naunang pulong noong Peb. 7 sa pagbuo ng pangkolehiyong pahayagan ng sangkaestudyantehan ngunit hindi ito hadlang upang ituloy nila ang pagtataguyod nito.
“It is clearly stated in the UP Charter that college publications can be established subject to the consultation of students. With or without the approval of the admin, the CEM SC will look for ways to move forward with the establishment of the CEM Publication,” pahayag ni Dela Cruz sa Tanglaw.
Aniya, hindi nila sasayangin ang mga nasimulan nilang hakbang sa pagbuo ng CEM student publication. “We do not want to put all of our students’ efforts in vain and we will push through its establishment. We will continue to fight for the right to press and our freedom of expression!” pagtitiyak ni Dela Cruz.
Dagdag pa niya, mahalaga ang pagkakaroon ng sariling pahayagan ng mga mag-aaral ng CEM sa gitna ng mga problemang pang-ekonomiya na kinahaharap ng bansa. “Now that economic issues continue to arise due to the incompetence of the Marcos administration, we believe that it is essential and necessary to have a CEM student publication,” saad niya.

Kuha ni Dan Alexander Abas, Tanglaw Photojournalist
Dapat na maging malaya
Sa buod ng pagpupulong noong Pebrero 7 sa pagitan ng CEM SC at ng administrasyon na inilabas ng konseho, iminungkahi ni Catelo na magkaroon na lamang ng “Student Corner” sa website ng CEM sa halip na bumuo ng isang pahayagan.
Ani Catelo, maaaring maglathala ang mga mag-aaral ng mga artikulo sa student corner ng website ngunit kailangan muna itong dumaan sa administrasyon upang masuri at matiyak na nakasunod ang mga ito sa responsableng pamamamahayag at pamantayang etika.
“The language that should be used in articles should be filtered to avoid any foul language and below-the-belt journalism. You can write about criticisms, but how it is written should be guided by ethics and good journalism,” nakasulat sa buod ng pagpupulong na siniyasat ng Tanglaw.
Para sa istoryang ito, sinubukan ng Tanglaw na kunin ang panig ng pamunuan ng CEM sa pamamagitan ng isang liham. Tumanggi silang magbigay ng on-the-record na pahayag.
Samantala, sinabi ni Arao na wala namang problema sa pagkakaroon ng CEM ng student corner ngunit kinakailangan pa rin ang isang college student publication.
“Ang student publication, whether university-wide or college-based, may editorial independence ‘yan… Hindi naman porket may student corner ka na, pwede mo nang i-etsapwera ‘yung college publication. Kumbaga gaya ng nabanggit, the more the merrier. Ang kailangan natin is not just a simple corner, what we need is a full-blown publication that can be able to have different sections,” paliwanag ni Arao.

Kuha ni Dan Alexander Abas, Tanglaw photojournalist
Resolusyon para sa student pubs
Kamakailan lamang sa ginanap na UP Solidaridad Congress noong ika-7 ng Pebrero, inihain ang isang resolusyon tungkol sa maayos na proseso at pagpondo ng mga pangkolehiyong pahayagan. Matatandaan ding inaprubahan sa ika-5 Student Legislative Chamber (SLC) noong 2022 ang Resolusyon Blg. 4 o ang “Resolution Instructing All College Student Councils to Spearhead the Establishment of College Student Publications.”
Sinimulan ang proseso ng pagpapanukala ng sariling pahayagan ng CEM noong 2020 bago pa maupo si Catelo bilang dekana ng kolehiyo, ayon kay Dela Cruz.
Ang proseso ng pagtatayo ng college publications ay nakasalalay sa konsultasyon sa mga mag-aaral, ayon sa Section 21b ng Republic Act 9500 o ang UP Charter. Sa Devcom, matatandaang ang bawat hakbang sa pagbuo ng Tanglaw ay idinaan sa Council of Student Leaders (CSL) meetings, gaya ng pagpili ng editor in chief, pagpili ng pangalan nito, at ang mga konsultasyon para sa Saligang Batas ng itinatayong pahayagan. ■




You must be logged in to post a comment.