DAPAT MONG MALAMAN

  • Napag-usapan sa isang biglaang pulong sa pagitan ng CEM administration at CEM Student Council ang kanilang hindi pagkakaintindihan sa pagbuo ng sariling college publication.
  • Matapos maipaliwanag ang probisyon ng UP Charter, sumang-ayon ang pamunuan ng kolehiyo sa panukalang sinusugan ng 327 estudyante at anim na organisasyon sa kolehiyo.

[Updated 12:47 a.m.] Magkakaroon na ng student publication ang mga mag-aaral ng College of Economics and Management (CEM).

Ito ang napagkasunduan sa ginanap na emergency meeting sa pagitan ng pamunuan ng kolehiyo at ng CEM Student Council (CEM SC) kanina, Peb. 22.

Sa biglaang pulong kanina na tumalakay sa inilabas na CEM SC Digest noong Peb. 16, tinalakay ang hindi pagkakaunawaan ng dalawang partido sa isyu ng student publication at ang mga paraan upang maayos ito.

Ayon kay Gabrielle Anne Dela Cruz, CEM SC Chair, sinabi ng pamunuan ng CEM sa pulong kanina na hindi naman umano sila tutol sa isang student publication. “I think open naman sila for discussion dahil they also mentioned that they want students to write, kasi gusto nila ‘yung inaapply namin ‘yung mga inaaral namin sa class on real-life events,” saad ni Dela Cruz sa panayam ng Tanglaw.

“Hindi nga sila against sa thought of writing. Kaya nila inoffer yun… dahil sa budget, ‘yung funding. Hindi nila alam ‘yung provision ng UP Charter, which nasabi namin na kasama siya sa concept paper na ipinasa namin,” dagdag pa niya.

Kaugnay nito, hindi pinayagan ng pamunuan ng CEM na makapasok ang kinatawan ng UPLB Perspective, ang opisyal na student publication ng UPLB sa pulong, taliwas sa suhestiyon ng konseho na paupuin sila dahil na rin sa isyu ito ng mga publikasyon. 

“Nanghingi kami ng permission kung puwede ba umupo ang Perspective, kasi ‘yun nga publication matter siya at baka makatulong mag-explain ang [P],” ayon kay Dela Cruz. “Pero ang sabi sa amin ng OIC-Dean ay it’s a matter between CEM SC and the CEM admin kaya kami na lang ang umupo sa meeting.”

Hindi pagkakaintindihan sa UP Charter

Ang pinanggalingan ng mga agam-agam ng pamunuan ay ang alokasyon sa budget na gagamitin ng pinaplanong pahayagan. Ang isyung ito sa budget, kasama ang probisyong Section 21(b) ng Republic Act 9500 o UP Charter, ang pumalibot sa diskusyon tungkol sa lumitaw na pagtutol ng CEM administration matapos ilabas ng CEM SC ang buod ng pulong noong Peb. 16.

Inamin ng CEM SC na hindi nila napahapyawan sa unang pagpupulong noong Peb. 7 ang probisyong ito ng UP Charter, na nagsasabing “Subject to due and comprehensive consultation with the students, there shall be a student publication established in every constituent unit and college to be funded by student fees. Freedom of expression and autonomy in all matters of editorial and fiscal policy shall be guaranteed especially in the selection of its editors and staff.”

Para sa CEM SC, bagaman ito ay kanilang pagkukulang ay inasahan nila na binasa ng pamunuan ng kolehiyo ang concept note para sa isang CEM student publication. Isinumite lamang ito ng konseho matapos ang masinsinang sensing form at org-hopping noong Oktubre 2023, kung saan 327 estudyante at anim na organisasyon sa kolehiyo ang sumang-ayon.

“‘Yun yung lapse namin na hindi namin siya nabanggit which we acknowledged during the meeting. Pero kasi, to us, we assumed na alam nila kasi we sent a concept note,” ayon kay Dela Cruz.

“And, they called for the meeting [noong Peb. 7]… We were expecting that they were also prepared to talk about the matter nang mabusisi,” dagdag naman ni Yja Coelis Castor, CEM SC Councilor.

Sa panayam ng Tanglaw, idinetalye nina Yja Coelis Castor (kaliwa) at Gabrielle Anne Dela Cruz (gitna) ng CEM Student Council ang naging pagpupulong nila kasama ang CEM administration.
Kuha ni Dan Alexander Abas, Tanglaw photojournalist

“Nung naibaba naman ‘yon at naexplain ang provisions sa UP Charter, mas naresolve sila sa student publication. So, ang ending ay, pinayagan naman na kami na magkaroon ng student publication with the EIC selection na may admin representatives,” paliwanag ni Dela Cruz.

Sa pagpili ng editor in chief sa mga pahayagang gaya ng UPLB Perspective, bumubuo ng isang ad hoc committee na may kinatawan mula sa pahayagan, student council, at college administration. 

Ito rin ang nakasulat sa draft ng Saligang Batas ng Tanglaw, na pinaikot at kinonsulta sa magkakahiwalay na pulong sa mga student organizations noong Agosto 2023, at sa mga mag-aaral ng kolehiyo sa isang Council of Student Leaders meeting noong Oktubre 2023.

Natalakay din ang paggamit ng website ng CEM upang maging lunsaran ng bagong CEM student publication. Ayon sa CEM SC, patuloy itong iminumungkahi sa naging dayalogo. “Continously nilang inooffer ‘yung sa CEM website kasi daw, it established a precedent na togetherness with the faculty and the students, to show the good relationship,” ayon sa CEM SC Chair.

Subalit, kapag natapos na ang proseso ng pagpili ng editor in chief ng CEM student publication, bibigyan ang mapipili ng pagkakataong magdesisyon kung ipagpapatuloy ang paggamit ng CEM website.

Sitwasyon ng Tanglaw at pagkakaroon ng adviser

Naging paksa sa dayalogo kaninang hapon na nalaman lamang ni OIC-Dean Catelo na naging matunog ang isyu ng student publication sa CEM matapos lapitan ni Reuben Martinez, Tanglaw managing editor, upang hingiin ang panig ng pamunuan para sa isang istorya ng pahayagan ng mga mag-aaral ng Devcom.

“Ang main concern niya na ang unang nag-approach sa kaniya ay si Ben Martinez ng Tanglaw… noong inapproach siya ni Ben, na-feel niya na bakit CDC Tanglaw, e CEM matter ‘yun,” paglalahad ni Castor.

“Noong na-interview siya ng Tanglaw, doon niya nalaman na … pinag-uusapan na [ang isyu] online,” ayon kay Dela Cruz.

Naging paksa sa dayalogo ang sitwasyon ng Tanglaw, na naitatag noong 2022 at piniling simulan ang reportorial operations habang gumugulong ang recognition nito sa CDC administration. 

Ayon sa CEM SC, naging batayan ng CEM administration ang kinahaharap ng Tanglaw. Pagkakaintindi ng pamunuan ng kanilang kolehiyo, hindi pa nakikilala ang Tanglaw ng CDC at ng Office of Student Affairs (OSA) dahil wala pa itong adviser.

“Siguro, hindi din kasi klaro din sa kanila sa rules and provisions. Ang una nilang sinabi, cinompare nila sa Tanglaw, hindi sila recognized sa College and sa OSA kasi raw wala pang adviser. ‘Yun ang facts kasi nagconsult sila sa CDC faculty,” salaysay ni Dela Cruz.

“Nilinaw namin na ang student publication ay walang adviser, at dahil hindi sila sure sa provisions, ang sabi nila sa amin ay ‘aralin niyo ang technicalities and all bago niyo i-explain ulit sa amin para we know how we can help you’,” dagdag pa ng CEM SC Chair.

Salungat sa naunang ulat, hindi naman umano pinilit ng CEM administration na magkaroon ng adviser ang pahayagan, subalit kailangan umano ito para sa ‘responsible journalism’. “Up for further discussion, hindi naman sila adamant about it,” tugon ni Dela Cruz. Nilinaw ng konseho sa Tanglaw na ipaglalaban nilang walang maging adviser ang binubuong pahayagan.

Sa araw ng Biyernes, Peb. 23, ay magkakaroon ng Council of Student Leaders meeting sa CEM ipang mas matalakay pa ang mga kaganapan sa nakaraang linggo at mabigyang-konteksto ang proseso ng pagpili ng unang editor in chief ng CEM student publication. ■

Editor’s Note: Dinagdagan ang istoryang ito ng bagong impormasyon matapos ang orihinal na paglalathala.


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya