Bilang unang itinayong college-based student publication sa UPLB, naniniwala ang Tanglaw sa kahalagahan ng pagkakaroon ng espasyo para sa malayang pamamahayag at ng plataporma para sa iba’t ibang perspektibo – lalo na sa gitna ng patuloy na pagkalat ng disimpormasyon, o sa tinatawag ngayon na “post-truth politics.”
Kaya napagpasiyahan ng Tanglaw na ibalita ang isyu sa College of Economics and Management (CEM), kung saan nagkaroon ng hindi pagkakaintindihan sa pagtatayo ng student publication doon. Bakit? Bilang mga mag-aaral ng Devcom, batid naming interesado ang mga mag-aaral ng kolehiyo sa media landscape ng unibersidad, at ang kakabit nitong isyu sa pagpapanatili ng kalayaan sa pamamahayag.
Unang napag-alaman ng Tanglaw ang isyung ito sa pamamagitan ng minutes of the meeting ng CEM Student Council (CEM SC), na binahagi sa kanilang Facebook page noong Peb. 16, 2024. Dito ay idinetalye ang mga highlight ng naganap na diyalogo ng CEM SC, kasama si OIC Dean Dr. Maria Angeles Catelo, noong Peb. 7, 2024.
Bago maisip na ibalita ito, batid namin sa Tanglaw ang mga limitasyon na kinakaharap ng publikasyon sa pagtalakay sa isyung ito. Kasama dito ay ang reyalidad na ang Tanglaw ay nakabase sa Devcom at hindi sa CEM. Sa pagdami ng tanong at agam-agam mula sa sangkaestudyantehan na hindi lamang galing sa CEM, hindi na maitanggi ng publikasyon na kailangan na magbalita ng may kumpletong konteksto. Sa totoo lamang, nakatanggap na ng ilang bulong ang pahayagan kung kailan ito maglalabas ng anumang balita tungkol sa isyu.
Off-the-record
Ibinigay ang pagsusulat ng istorya kay Tanglaw news reporter Jayvee Viloria. Natapos niya agad ang pagsulat noong weekend, at maraming beses pang binago ang anggulo nito upang sumalamin sa pinakahuling mga kaganapan. Noong Martes, Peb. 20, nagpadala ako ng email kay Dr. Catelo upang makahingi ng opisyal na pahayag para sa article ni Viloria. Ginawa natin ito dahil sa paniniwalang, bagaman tayo ay pahayagan ng mga mag-aaral at nais nating itampok ang danas ng sangkaestudyantehan, makakatulong ang paghingi ng panig ng mga administrador upang maging kumpleto ang pagbabalita.
Ipinaliwanag at ipinadaan ko ang bawat kilos niya sa editorial board, lalo na sa pagpapaliwanag tungkol sa Tanglaw. Ang katotohanan ay hindi pa kilala ang Tanglaw sa labas ng Devcom, at ito ay nagpapahirap sa pagkalap natin ng mga panayam sa pamunuan sa UPLB. Habang hindi pa nakukuha ang pagkilala ng CDC administration (malapit na ito, mag-abang tayo!), sinigurong kong sabihin na ang Tanglaw ay ang “student publication ng CDC”, hindi “official student publication”.
Pagkatapos ng isang follow-up message sa Messenger sa sumunod na araw ay tumangging magbigay ng on-record na tugon si Dr. Catelo. Nakasulat ito sa ulat na “Bakit kailangan ng student publications sa mga kolehiyo?” (tanglawdevcom.wordpress.com, Pebrero 22, 2024).
Recognition
Sa emergency meeting kaninang hapon, hinalintulad din ang recognition status ng Tanglaw sa prosesong dapat na pagdaanan rin ng CEM student publication (“CEM student publication, matutuloy na”, tanglawdevcom.wordpress.com, Pebrero 22, 2024). Baka nagtataka kayo: Bakit nga ba hindi pa rin recognized ang Tanglaw? Nais kong ibalita na inaasahan ang konsultasyon kasama ang CDC administration tungkol sa aming Saligang Batas sa Marso, ang isa sa mga huling hakbang bago makuha ang inaasam nating pagkilala.
Isa pa, marahil ay naisip niyo rin kung bakit nagbabalita ang Tanglaw gayong hindi pa ito opisyal na student publication sa Devcom. Ginagawa natin ito dahil maaari namang pagsabayin ang pagbabalita sa prosesong ito. At kung papipiliin kami, mas pipiliin namin ang pagbabalita, dahil dito makukuha ang tiwala ng mga mambabasa mula sa Devcom.
Para sa aming mga mambabasa, nais lamang namin ipahayag ang mga proseso na isinagawa ng publikasyon upang maibalita ang katotohanan lamang at wala nang iba. Hindi biro ang pagbabalita sa mga isyu sa Unibersidad man o sa labas nito, at ang pagtatanong ng mga mahihirap na tanong. Bukod dito ay nais ipakita ang pagbitbit ng Tanglaw sa mga aral ng komunikasyong pangkaunlaran, ukol sa etikal at kritikal na pamamahayag.
Responsabilidad
Bakit namin ipinaliwanag ang pinagdaanan ng istoryang ito? Nais naming malaman ng mga mambabasa na hindi bara-bara ang proseso ng pagkalap ng balita ng Tanglaw. May sinusunod itong Tanglaw News Guidelines and Stylebook to Devcom, isang gabay upang masigurong nasusunod ang mga panuntunan ng pamamahayag. Kasabay nito, ang inyong lingkod ay isa sa mga senior editors na naging mahaba ang karanasan sa larangan ng campus journalism – isang mahalagang pangangailangan para sa de-kalidad na pagbabalita.
Hindi biro ang pagbabalita at pag-usisa sa mga isyu sa Unibersidad man o sa labas nito. Nais ng Tanglaw na mabatid ng lahat na sa kagustuhan nitong maging kritikal sa pagsiyasat ng mga balita, sinusunod nito ang mga aral ng komunikasyong pangkaunlaran at ang mga batayan ng etikal na pamamahayag.
Ngayon man na inaprubahan na ng administrasyon ng CEM ang pagkakaroon ng student publication, naroon pa rin ang paggiit sa pangangailangan ng adviser. Naniniwala kami na hindi kailangan ng adviser ng isang student publication basta’t handa itong pangatawanan ang pagbabalita nito – at ito ang ating dadalhin sa huling yugto ng proseso upang makuha ang pagkilala ng Tanglaw mula sa CDC administration. Nasa kamay na ng mga magiging patnugot at staffer ng magiging CEM student publication upang ipatupad ang sinasabing “responsible journalism”.
Sa kabila nito, hindi pa rin nagtatapos ang mga diskusyon ukol sa kahalagahan ng isang espasyo para sa malayang pamamahayag. Mananatili ang Tanglaw upang ibalita ang mga isyu na malapit sa sangkaestudyantehan at ibahagi ang buong konteksto, sa anumang oras o panahon. ■
Si Reuben Pio Martinez ang managing editor ng Tanglaw.



