Editoryal ng Tanglaw

Ang editoryal na ito ay isinulat ng aming Editorial Board na naglalayong ilahad ang opinyon ng pahayagan sa mga napapanahong isyu.


Umugong ang usapin ng kahalagahan ng pagkakaroon ng college publications kamakailan, nang lumitaw ang inisyal na pagtutol ng administrasyon ng College of Economics and Management (CEM) sa panukala ng CEM Student Council (CEM SC) na magkaroon ng sariling student publication ang kolehiyo.

Ayon sa nilabas na minutes of the meeting ng CEM SC, hindi naniwala sa naunang pulong si OIC Dean Dr. Maria Angeles Catelo na kailangan ng student publication sa kolehiyo dahil mayroon nang UPLB Perspective, ang opisyal na student publication sa UPLB. Dagdag niya noon, maaaring ipahayag ng mga estudyante ang kanilang mga saloobin sa social media.

Kung tutuusin, moot na ang usapang ito dahil mas maliwanag pa sa sikat ng araw ang probisyon ng Section 21 (b) ng Republic Act 9500 o UP Charter: “Subject to due and comprehensive consultation with the students, there shall be a student publication established in every constituent unit and college to be funded by student fees. Freedom of expression and autonomy in all matters of editorial and fiscal policy shall be guaranteed especially in the selection of its editors and staff.”

Ibig sabihin, kung gugustuhin ng mga mag-aaral ng CEM ng sarili nilang pahayagan – at lumitaw sa konsultasyon ng CEM SC na mayroong kagustuhan ang sangkaestudyantehan – hindi ito mapipigilan ng administrayon. Kung tutuusin, kung susumahin sa UPLB ay malayo pa ang tatahakin bago masunod ang probisyong ito.

Bakit hindi?

Ang mas nakababahala sa usapin tungkol sa college publications ay ang pagkakaroon ng ganitong agam-agam mula sa mga administrador ng pamantasan tungkol sa pagtatayo ng kaniya-kaniyang pahayagan sa bawat kolehiyo. Bagaman pumayag naman ang CEM administration na magkaroon na ng student publication pagkatapos ng naganap na diyalogo ngayong Peb. 22, ginigiit pa rin na dapat magkaroon ng adviser upang maisagawa ang “responsible journalism.” Sa unang diyalogo noong Peb. 7 ay iminungkahi ni OIC Dean Catelo na idadaan sa CEM administration ang mga artikulo upang maiwasan ang “foul language” at “below-the-belt journalism.”

Kahit pagbali-baligtarin ang mga argumentong kagaya ng sinabi ng CEM administration sa konsultasyon ng CEM SC, kagaya ng kawalan ng budget o ang pagkakaroon na ng pahayagan sa katauhan ng UPLB Perspective, ang katotohanan ay mayroong maibabalita ang isang pahayagan kahit sa pinakamaliit na komunidad o grupo ng mga tao. Ito ang ating isinasagawa sa Devcom sa porma ng hyperlocal, community, o small media. Mayroong puwang para sa isang pahayagan upang mapayabong ang pag-intindi ng mga kasapi ng komunidad sa mga isyu o mabigyan sila ng karampatang impormasyon upang magdesisyon tungkol sa kanilang hinaharap.

Samantala, mayaman ang tradisyon ng mga student publications sa UP, kahit sa labas ng mga malalaking pahayagan sa Diliman o sa mga constituent universities. Bagaman kailangang ibalita kahit ang pinakamaliit na mga kaganapan sa kanilang kolehiyo, malaki ang gampanin ng mga college publications upang maging salamin ng mundo para sa mga mag-aaral ng kanilang kolehiyo. 

Isa pang reyalidad na dapat nating tanggapin ay hindi makakapagpadala ang malalaking pahayagan ng sandamukal na mga reporters sa lahat ng mga kaganapan ng bawat kolehiyo. Iba ang pagdedesisyon ng mga patnugot sa mga college publications pagdating sa kung ano at paano ibabalita ang samot-saring isyu sa lipunan, dahil mas lapat sila sa kultura, pangangailangan, at kalagayan ng kani-kanilang mga kolehiyo.

Kung usapin naman ng pagiging militante ng mga student publications ang tatalakayin, mas mahalaga ang responsabilidad ng isang college publication na maging kritikal sa pagtatahi ng karanasan ng mga mamamayan sa mga isyung nakapalibot sa mga konsepto at paksang inaaral sa mga kolehiyo. 

At sa konsepto ng “responsible journalism” na lumitaw sa dayalogo sa CEM, hindi ba’t ito ang unang sinisiguro ng mga responsableng editor at staffer sa isang respetadong pahayagan? Tungkulin ng isang pahayagang may kredibilidad na maibalita at mailahad ang katotohanan, at masiguro na ang diskursong sinisimulan nito ay makakapagdulot ng positibong pagbabago. Kung magkamali man – at walang pahayagang hindi nagkakamali – mabigat ang tungkulin ng isang student publication na malaya mula sa mga nakapalibot na institusyon na unawain ang sitwasyon, harapin ang kritisismo, panagutin ang kanilang sarili, at matuto at lumago mula rito.

Mahalagang papel sa lipunan

Ang Pilipinas ay nasa gitna ng lumalalang krisis pang-ekonomiko — isang aspeto ng buhay na dikit sa bituka ng maraming Pilipino. Sa pagtutuloy ng CEM student publication, hindi na masasayang ang mga istoryang maaaring magpayabong ng ating pagkakaintindi sa mga konsepto sa ekonomiya at kung paano ito ginagamit ng mga nakaupo sa puder sa kasalukuyan upang payamanin lamang ang mga piling interes at hindi ang kapakanan ng malawak na mamamayan. Mas mahalaga ito lalo na sa panahon ng lantarang disimpormasyon, kung saan mas makakatulong ang mga student publications sa pagbabalitang kumpleto at may konteksto.

Labas pa sa pagtatayo ng college publications ay ang isyu naman ng pagkilala sa mga pahayagang nangahas na magbalita sa gitna ng sanga-sangang mga banta sa malayang pamamahayag. Maraming pahayagan ang natatali ng burukrasya sa pagkuha ng opisyal na pagkilala ng mga college administrations, na ginagamit ng iilan upang supilin ang malayang pagbabalita ng mga ito. Bagaman sinabi sa UP Charter na manggagaling sa student fees ang pagpondo sa mga pahayagan ng mga mag-aaral, magkakabit ang pagkaltas ng badyet ng UP sa kakayanang suportahan ang mga student journalists na napipilitang maglabas mula sa kanilang sariling bulsa upang ipagpatuloy ang kanilang sinumpaang tungkulin.

Dala na rin siguro ng karanasan ng pahayagang ito — ang unang college publication na itinatag sa UPLB — naniniwala tayo na mayroong puwang para sa mga student publication sa lahat ng kolehiyo at unibersidad, sa loob at labas ng UP. Ang ating dapat na tinatanong at dapat na binabaka: Bakit mayroong agam-agam at bakit mayroong tutol para sa malayang pamamahayag ng mga mag-aaral, sa anyo ng mga pahayagang ito, sa isang unibersidad na sinasabing ito ang pamantasan ng mamamayan? ■


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya